Thursday, December 31, 2009

labing-siyam na sorry para sa 2009

sorry, sorry, lagi na lang sorry. wala na nga yata akong nagawang tama.

bago matapos ang 2009, nakatapos kami sa kule ng 19 na isyu. may pagka-ambisyosa din naman kasi kami, lingguhan ba naman ang release.

lingguhan ang presswork. kada linggo may dalawa o tatlong araw akong hindi makakauwi ng bahay. may isa o dalawang gabi kaming hindi matutulog para lamang umabot sa deadline ng printer. may isang linggo o mahigit kaming nagplaplano/naguusap/nagsusulat para may mailabas na dyaryo.

bawat linggo, mahirap. at madalas nakakabaliw. pero kahit gaano pa ang binuhos ko, parang kapos pa din. pag labas ng dyaryo, lagi na lang may mali.

sorry na lang palagi. lagi na lang may mali.

labing-siyam na isyu. labing-siyam at mahigit din na sorry sa lahat ng taong malapit sakin.

Tuesday, December 29, 2009

para sa mga jenga boys and girls

patuloy tayong naglalaro ng larong alam naman nating lalagapak din sa huli.

sinisinop natin ang ating bawat galaw. kelangan hindi umuga yung tore ng mga blokeng kahoy. kinakatok natin kada isa, masigurado lang kung maluwag ba para madaling makuha. halos hindi na tayo humihinga kada may tumitira.

at sobra sobra lang ang saya natin sa tuwing may nakuhuhang bloke at naibabalik sa tutok ng tore. naglalabas ng hininga at isang malakas na 'sa mukha mo!'. masaya tayo kahit pa alam naman natin na sa pagalapat ng nabunot na bloke sa tuktok ng tore ay mas lalong gegewang ang istruktura.

masaya tayo kahit alam naman natin na lalagapak din naman ang tore sa huli.

mabuway ang tore, gaya ng pagiging mabuway ng ating mga buhay; magulo at halos hindi na maintindihan. buwag na ang pundasyon at nasa bingit na ng paglagapak.

sa huli, lalagapak nga ang tore. sisigaw tayo ng 'jenguuuh' at tatawa dahil sa wakas natapos ang laro. itatayo natin muli ang tore, gaya ng kung ano ito sa simula at maglalaro muli.

patuloy tayong naglalaro ng parehong laro, parang hindi pa natuto sa dati.

Tuesday, December 15, 2009

child's play*

ayaw ko nang maglaro. lampa kasi ako.

kaunting tulak lang ay nadadapa kaagad ako. hindi ko nga magawa ng maayos maski simpleng paglakad lang, paano pa kaya ang makipagtakbuhan?

ayaw ko lalong maglaro. pikon kasi ako.

simula pa lang ay alam ko nang talo na ako. bakit ko pa tataya kung wala din namang pag-asa?

ayaw ko nang maglaro. lagi naman kasi akong talo.


*sorry kult :D

Thursday, December 10, 2009

wishlists at kung ano pang mga listahan

minsan, makakalimutin lang talaga ako.

at alam ko gayundin ang karamihan. kaya sinisimulan ko na ang wishlist ko.

1. sherlock holmes na libro
--- baka kako, kung pumasa ako ng psych, ay naging detective ako. idol ko si sherlock, fan ako ng mga kwento niya. gustong gusto ko yung nagde-deduce, pero mas madalas, nanghuhula lang talaga. baka nga, kung naging detective ako, mas mag-excel ako. malay natin. hindi pala ako dapat nag-artist.

2. panyo
--- bawat pasko laging panyo ang hinihingi ko sa mga tao. sa sobrang burara ko kasi ay hindi ko na alam kung saan ko linalagay ang mga gamit ko, lalo pa yung mga panyo. kaya lagi silang nawawala, at lagi akong humihiling ng ganito pag pasko. mahirap na, kailangan pa man din ng pamunas ng pawis, sipon at luha.

3. payong
--- hindi lang panyo ang nawawala ko, pati payong. kung hindi man mawawala, masisira. gaya ng panyo, lagi din ako nakakatanggap ng payong, na lagi ding nawawala. ayos lang naman, masaya naman ang maglakad sa ilalim ng ulan. so emo. ew.

4. dvd ng detective conan series
--- hindi lang kay sherlock holmes natatapos ang detective fantasies ko. idamay na natin pati si detective conan. dati, bago pa pumasok sa vocabulary ko ang presswork, bisyo ko ang panunuod online ng detective conan. sa isang gabi, nakaka5 episodes ako mahigit. ganoong kaluwag ang sked ko. pero ngayon wala na. alam na kung bakit.

5. regina spektor mp3's
--- mp3 files lang ha. para portable, usb lang okay na. hindi ako masyadong fan ng music, pero bet ko talaga si regina. ewan kung bakit. baka kasi maysa-emo ang music niya. haha.

6. wrist watch
--- minsan na kong hiniritan ni sarah na reregaluhan niya ko ng relo. paano kasi ay lagi akong late. baka nga, ika ko, kung magkaroon ako ng relo ay matuto na kong maging on time. wala na kasi vocabulary ko ang time. kaya din siguro impatient na ko madalas. hindi na ko marunong maghintay, wala kasi akong oras.

7. planner
--- hindi lang track of time ang wala ako, pati track of days. madalas nawawala na din ako sa panahon. nakakalimutan ko na monday pala ngayon at sunday pala kahapon. kelangan ko na din pala ayusin ang skedyul ko, paano kasi ay madami akong nakakalimutang dates. yan tuloy, madalas akong napapahamak.

8. makukulay na bolpen
--- may planner naman ako ngayong taon, hindi ko lang naacheive yung mga nakasulat dun. kaya kung may magreregalo ng planner, pasamahan na din ng makukulay ng bolpen [package deal yan; relo, planner, bolpen]. naisip ko, baka kako hindi ko naacheive ang mga nakasulat kasi hindi makulay ang sulat. in fact, hindi ko nga sila nasulat sa planner for more! hindi kasi exciting pag black lang ang panulat. may kakaibang effect lang talaga ang pag-gamit ng ibang kulay para sa ibang bagay. more than that, masaya pag makulay. yehey.

9. hoodie
--- nakakafrustrate kasi. may nakita kami ni khiara noong minsan na hoodie, gray tapos may print na stars at heart. hindi ko muna binili, sabi ko babalikan ko na lang. pag balik ko, wala na! at mula noon, i learned to grab every opportunity. sayang yung hoodie na yun, it's a perfect fit.

10. cash
--- and if all else fails, pwede naman ang ever reliable na cash. regardless pa kung nasa ampao o hindi, sino ba namang tatanggi sa grasya. bilang pera pera lang naman talaga ang mga bagay.

sabi ng isa kong kaibigan, lists remind us that something is always more than one. pero if i know, hindi niya maiisip yun kung hindi ko sinabi na lists help us remember. although i have to agree with him na madalas madaming dapat alalahanin. more than one ika nga.

makakalimutan ko ang sinabi niya, at makakalimutan niya ang sinabi ko. kaya ko ito inililista, para hindi makalimutan.

mahirap na ang makalimot.

Wednesday, December 9, 2009

lahat in a hat

ano pa ang hahanapin mo?

pinasalubungan ako ni piya kahapon ng sumbrero galing vietnam. nagulat nga ako at naalala pa niya. nakulitan siguro sa akin dahil kinukulit ko siya dati na uwian ako ng poging vietnamese na marunong maglayout. yun tuloy, naging cap yung poging vietnamese.

sinuot ko yung hat nung pag-uwi ko. paglapat nung sumbrero, feeling ko ang tali-talino ko. pakiramdam ko ay na-channel ni piya ang kanyang talino sa hat na yun at ako ay nadadampian maski ng kaunting galing man lang pagsuot ko. talino in a hat, galing in a hat.

lahat in a hat, ano pa ang hahanapin ko?

minsan ay umacheive kami nina pao at tish ng all-in-one hat. lahat ng kelangan mo, nasa sumbrerong iyon na. well, lahat ng kailangan mong sumbrero nga lang.

dinesign namin yung hat na nababago depende sa gusto ng may-ari. yung una naming design ay flat top hat na nagiging messenger cap na nagiging visor. kung gusto mo chill lang, flat top hat. kung feel mo namang magpa-cool, messenger cap. tapos kapag mainit na ang anit, visor. o ha? unique yata yung idea namin, ano pa ang hahanapin mo?

pero hindi na din natuloy yung business. mataas pa nga mga pangarap namin nun, ma-t-tv pa kami kuno. minsan nga iniisip ko, bakit kaya kami tumigil? dahil ba samin o baka hindi lang talaga patok ang all in one hat?

baka nga tamad kami. nagte-thesis na kasi kami at halos hindi na nga nagkakakita. wala na nga kaming oras para sa isa't-isa, paano pa kaya para sa sumbrerong binebenta. hindi na namin natuloy ang maaring daan sa kasikatan at kayamanan.

pero maari din naman na nawalan na kami ng motivation kasi wala masyadong sumuporta ng aming produkto? baka hindi naman lahat ng tao gusto ng hat na nagiiba-iba. baka hindi naman patok ang all in one hat.

hindi pumatok yung hat namin, kahit pa alam namin na maganda ito at walang kaparis. baka naalala ni piya ang minsang pagbenta ko ng mga sumbrero kaya tuloy yun ang ibinigay sakin. malay ko ba

ano pa nga ba ang hahanapin kung wala namang hinahanap?

Saturday, December 5, 2009

family day

kung hindi lang dahil sa grade ay hindi ko sasamahan ang kapatid ko sa family day nila.

kung ako lang, hindi ko na dapat babalikan ang highschool ko. bakit pa? lalo at hindi ko naman kasama ang barkada at hindi ko naman sigurado kung kilala pa ko ng mga titser ko noon. wala naman akong mapapala sa pagbalik kung hindi ang pagalala sa nakaraan. pero mabuti na din yun, yung magbalik-tanaw.

kaya ayun, nasa siena ako kanina para sa family day. sa loob loob ko, kung hindi lang talaga para sa grade eh hindi ako pupunta. pumirma ako sa attendance, tutal yun lang naman talaga ang layon ko doon. pero sayan kung ganun lang, kaya nagmisa na lang din ako.

pero pagpasok ko ng gym hindi ko inaasahan na ganoon kaunti ang tao. family day daw ang pinuntahan ko, pero walang family.

puro estudyante ang nandun. kung meron mang magulang, iilan lang. yung karamihan ng mga bata, nakatatandang kapatid din ang kasama.

nasaan na nga ba ang pamilya?


Friday, December 4, 2009

para sa mga mushroom-sugat

parang mushroom ang mga sugat ko ngayon. bigla-bigla na lang sumusulpot.

nagugulat na lang ako na may bago na naman akong sugat sa may binti. ni hindi ko nga naramdamang mahapdi o anuman. basta pagtingin ko lang sa binti ko ay andun na siya. tuyo na ang dugo.

mahaba-haba yung sugat. sing-haba halos ng hinliliit ko. para siyang may tahi na ewan. medyo nakaumbok kasi dahil sa nanuyong dugo. ibig bang sabihin nun ay matindi yung pagdurugo? baka nga. hindi ko nga lang namalayang tumutulo na pala yun.

walang sakit pero may sugat. masarap pero walang sustansya.

parang mushroom yung sugat.

Monday, November 30, 2009

Sunday, November 22, 2009

i miss you like craaazy

i miss you like crazy / even more than words can say

usong uso yang kanta ng moffats na yan nung grade 3 ako. sila noon yung in. sila, noong 1999, yung justin bieber [kung tama man ang tantsa ko sa uso] natin ngayon.

naalala ko pa dati na sinayaw naming tropa yung 'i'll be there for you' nila noong christmas party namin. paborito din namin itong kantahin sa bidyoke kahit pa hanggang ngayon. iba talaga yung dating ng mga kanta noong kabataan ko [sila nina britney, n'sync, westlife, backstreet, m2m atbp], kahit pa mahigit kumulang isang dekada na ang nakaraan, patok pa din hanggang ngayon.

kaya nga ba pulos 'old school' ang kinakanta ko pag nagbibidyoke. sarap balikan ng nakaraan. sarap bumirit ng 'hit me baby' ni britney o kaya umindak sa 'stop' ng spice girls. pag rap naman, bet yung 'in the end' ng linkin park, papogi naman kapag 'get down' ng backstreet. iba't-ibang kanta para sa iba't-ibang bagay.

i miss you like crazy / every minute of everyday

nakakamiss nga. pero mas nakakamiss yung kabataan na kasabay ng pagka-uso ng mga kantang sa bidyoke na lang ngayon pumapatok. kung iisipin, hindi naman yung kanta ang nakakamiss, pero yung alaala sa likod ng bawat lyrics nito.

sa tuwing kumakanta ako ng 'don't say you love me' ng m2m, naaalala ko yung mga bakasyon ko sa pasig kasama ng mga pinsan ko kung saan matagal kaming tumatambay sa kwarto nila ate at ginugulo lang namin ang mga gamit nila, naghahanp ng make-up o mga lumang casette tapes. naaalala ko naman ang pagiging fan girl ko ng spice girls kapag bumibirit ako ng 'wannabe' kahit hindi ko naman talaga naiintindihan [maski nga mabigkas] yung lyrics ng kanta. alaala naman ni mark feehily, ang isa sa mga long time crushes ko, ang unang pumapasok sa isip kapag kumakanta ako ng 'if i let you go' ng westlife.

ang sarap balikan ng kahapon. bawat kanta, may katumbas na alaala. bawat alaala may katumbas na ngiti o pighati. pero hindi ba ang mga bagay na binabalikan ng tingin ay yung mga bagay na naiwan na at hindi pwedeng pulutin muli?

i miss you, miss you, miss you / i miss you like crazy

Friday, November 20, 2009

right minus wrong

hobby ko ang mag-exam.

excited na excited ako mag-aral noon. gustong-gusto ko yung nagrereview. gustong-gusto ko yung nagkukulay ng notebook. gustong-gusto ko yung nagre-rewrite ng lecture. excited na excited ako kapag mage-exam.

pagdating ng klasrum kinabukasan, ligayang-ligaya naman ako. makikisawsaw ako sa mga nagrereview, yung mga nagtatanungan, at magpapakitang gilas dahil feel na feel ko na ang dami kong alam. tapos kukuntsabahin ko na yung isa kong kabarkada para makipag-unahan sa pagsagot ng exam.

kinasasabikan ko yung pagdating ng test paper. humahaba yung leeg ko kapag nakita kong pumasok na yung taga-admin na nag-aabot sa titser namin nun. feel kong gusto ko na makita yung mga tanong. feel kong gusto ko na magsagot. at pag-abot ng paper, right minus wrong pala.

parang ayaw ko na mag-exam.

impatient kasi ako. ayaw ko yung nagtatagal sa isang tanong para lamang masinop at siguradong tama yung sagot. ayaw ko din yung nagiiwan ng blangko, hangga't maari ay puno ang papel ko ng sagot. para sakin, ayos lang ang kahit anong sagot, basta tunog tama at makatapos ako ng maaga. hindi ito uubra sa right minus wrong na exam.

mahirap kasi ang magkamali sa ganung klase ng exam. kahit gaano man kadami ang tama, basta mayroong mali, malaki ang tsansa na babagsak pa din [halimbawa sa 10 pts na exam, kahit pa 7 ang tama tapos bawasan ng 3 mali, edi 4 na lang yung score, bagsak at all levels!].

magulo, masaklap at hindi makatao, pero yan ang katotohanan ng mundo. ang buhay, parang exam, madalas right minus wrong. kahit madalas tayong tama at minsan lang magkamali, malaki pa din ang epekto nito sa ating pagkatao at sa pagtingin sa atin ng iba. gayunpaman, hindi tayo titigil hangga't wala tayo sa tama. hindi tayo titigil hangga't meron pa ding mali.

yan tuloy, parang namiss ko ang mag-exam.

Sunday, November 15, 2009

FLAMES

sinubukan ko lang, baka kako iba ang kalalabasan.

dati kasi, noong nasa gradeschool ako, ang laki ng pag-asa ko sa pagsulat ng flames. malaki ang pag-asa ko na kapag maganda ang kalabasan [lovers, marriage, engaged, sweethearts], baka kako magkatotoo. baka kako para sa talaga sa akin yung crush ko noon.

big deal kasi dati ang crushes. kaya malaki ang pag-asa na sana, sana talaga, para kami sa isa't isa. naalala ko pa nga kung gaano ako humahagulgol kapag 'angry' yung lumalabas sa flames ko. paano kasi ay paulit-ulit kong fineflames yung pangalan namin ng crush ko noon, naalala ko grade five yata ako noon. una first name lang, tapos may apelyido na, tapos full name, minsan pa nga may alyas pa sa gitna baka sakali iba lumabas. big deal ang crushes. big deal na makasama 'siya' [kung sino man yun given a certain period] sa forever ko.

kaya paulit-ulit kong fineflames ang mga pangalan nila noon, baka kako iba ang kalabasan.

mahirap na. lalo pa at at stake ang forever ko dito. lalo pa at ayaw ko namang iasa sa papel at bolpen ang puso ko. lalo pa at puso ang usapan dito.

minsan, nakakaloko lang talaga. paulit-ulit akong nagfleflames baka sakali mas maganda yung kalalabasan, kahit pa iisang tao lang naman yun at pangalan lang naman ang iniiba-iba ko. puro baka sakali, puro pag-asa.

sinubukan ko ulit ngayon, matapos ang madaming taon, baka kako maiba naman.



Wednesday, November 11, 2009

kay myrna, ang bestfriend ko nung first year sa up

lumipas na ang maraming taon, pero andyan ka pa din.

dati icecream lang ang sagot ko sa kumakalam kong sikmura. bago ako pumunta ng klase ko sa math ay titigil muna ako sa pagitan ng AS at FC para kumain ng icecream habang kausap ang mga kaibigan. pagkatapos nun ay itutuloy ko ang paglalakad hanggang math.

myrna ang tawag namin sa bilihan ng icecream noon. paano kasi ay may myrna na nakapinta sa gilid ng kariton nito. dati pa nga naisip namin, baka naman may nahulog na babae, na ang pangalan ay myrna, dun sa pinag-gagawaan ng icecream.

pero sana naman hindi, kadiri yun. naiisip ko tuloy na baka kuko niya yung minsang nakagat kong malutong sa icecream ko noon. kadiri. pero ganunpaman, masarap pa din ang icecream ni myrna. masarap, dagdag pa natin ang tsikahan sabay ng pagkain nito. yung mga tawanan at asaran na hindi mapaparisan. wala nang mas sasarap pa.

andyan pa din si myrna matapos ang sem na yun.

hindi na nasundan ang pagtambay kina myrna noong sumundo na sem. nagkaiba-iba na kasi ang sked ng mga tao.

wala ng icecream. wala ng tambay. wala ng kwentuhan, asaran at kulitan sa pagitan ng AS at FC.

nagiba-iba na tayo ng tamabayan. may ilan sa casaa na, marami sa fa lang, ako naman sa vinzons. kung saan saan na. pero ano nga ba ang magagawa natin? kung merong isang bagay na sigurado sa mundo, iyong ay ang pagbabago. sa tinagal ng panahon, nagbago din tayo.

lumipas na ang maraming taon, andyan ka pa din myrna.

Sunday, November 8, 2009

lampayatot blues

ako na ang lampa.

ako na ang palaging natitisod kahit pa sa patag, ako na ang hindi makaakyat ng bundok kahit pa may tungkod na, ako na ang may mahinang tuhod na hindi naman gutom.

palagi na lang. walang kadaladala.

minsan na akong sinabihan ng tita ko ka ang lanky ko kumilos. hindi daw yun maganda para sa isang babae. madalas pa nga akong naikukumpara sa mag pinsan ko. marahil dun na nga nagsimula yung insecurities ko.

lampa kasi ako.

Wednesday, November 4, 2009

BABY G: ang orasang sing tibay ng panahon

mahal ang oras.

lalo na nung nauso dati yung baby G na relo. yung umiilaw pag pinipindot. pwede ka tuloy tumingin ng oras kahit madilim.

hindi naman ako kailanman sumunod sa uso. kaya tuloy hindi ako nakatikim ng baby G, nakikita ko nga lang ito sa mga kaserbis ko, o kaya sa tv na suot ng mga artista. hindi ko alam kung ano ba ang special sa relong yun. basta ang alam ko, mahal yun.

mahal kasi, baka kako, sing tibay ito ng panahon.

ginoogle ko kung ano na nga ba ang baby G. parang iba na siya sa naalala ko, parang mas makulay yata dati. pero ganun pa din yata ang pangako nito sa mga mamimili, matibay. "ice-resistant" daw, bungad sakin ng webpage na sinilip ko. mula noon [sabi sa nabasa ko 1983 pa daw may ganun. Gshock kung saan nagmula ang baby G], hanggang ngayon, matibay pa din.

mahal kasi matibay. mahal kasi tatagal. mahal kasi ang oras.

pero gaano man kamahal ang oras, hindi ito mabibili.

Saturday, October 31, 2009

AGH

AGH

yun lang

T_T

Monday, October 26, 2009

para sa tres bulates at sa alaala ng blue room

naalala niyo pa ba? yung mga gabi natin sa blue room?

yung wantusawang usapan tungkol sa mga crush natin? paano kasi ay gradeschool tayo noon, kaya big deal ang crushes. big deal lalo na kapag narinig nina tita yung mga usapan natin.

naalala ninyo noong minsang nagtago ako sa kwarto kasi binulalas ninyo kina tita ang ultimate secret ko? grabe lang ang hiya ko noon. iyak lang ako ng iyak hanggang sa nirescue niyo na ko mula sa bintana kasi nga hindi na ko naimik.

doon ako sa blue room nagtago. sa blue room na nagtatago ng mga sikreto natin noon.

ilang taon na din ang nakalipas? ni hindi na nga blue yung blue room. doon pa din kaya nagtatago ang mga sikreto natin? ang mangilan-ngilang childhood crushes at ang mga pangarap ng isang happy ending?

pero ano nga ba ang happy ending? wala na tayo halos balita sa isa't-isa, pero alam natin na na labas-masok tayo sa kung anong mga relasyon. minsan masaya, madalas nasasaktan at patuloy na umaasa. pero kelan tayo matututo? nasaan na ang happy ending?

hindi na blue yung blue room at wala pa din tayong happy ending.


Friday, October 23, 2009

find the hidden mickey

ang tagal na kitang kilala.

bata pa lang ako, bilib na bilib na ko sayo. ako pa nga yata ang number one fan mo.

palagi mo akong napapangiti. sinusubaybayan ko ang mga cartoons mo na bentang-benta sakin. nakakatawa ka palagi.

pero nasaan ka nga ba?

nahihirapan akong makita ka. kilala naman kita. o kilala nga ba kita?

alam ko naman ang hitsura mo. 3 circles lang yun diba? pero bakit kahit anong titig ko tila wala ka. ikot-ikutin ko man ang frame, hindi kita makita.

matagal na kitang kilala, pero hindi din pala.

Tuesday, October 20, 2009

and bang bang bang, she shoots him dead*

hello stranger.

'huwag kang makikipagusap sa hindi mo kakilala.' ito ang bilin ng nanay ni little red sa kanya bago siya umalis ng bahay. ito yung alam kong version [iba pa yung kay roald dahl].

yan na nga yata ang number 1 rule para sating lahat. wag na wag daw tayo kakausap sa hindi natin kakilala. kesyo daw hindi sila mapagkakatiwalan.

pero hindi ba lahat ng mga kaibigan ay stranger satin sa umpisa?

naaalala ko ang mga dating pamilyar lang na mukha, yung mga madalas lang nakakasabay sa dyip, o kaya nakakasalubong sa hallway. mayroon ding mga pamilyar na pangalan na naririnig lang mula sa iba, nababasa naman sa tabi-tabi kung minsan.

hindi naman inaasahan na bukas makalawa ay makikilala na sila. hindi inaasahan na magiging malaking parte pala sila ng buhay.

sa strangers nagsisimula ang mga magkakaibigan.

hello stranger.

*roald dahl's little red riding hood and the wolf

Friday, October 16, 2009

pusang bungi

mayroon isang pusang bungi. ang buntot ay pauli-uli. ulitin natin ulit. baka may mali.

at uulitin ni mama yung kwento mula umpisa at uulit nang uulit hanggang sa makatulog ako.

ayaw na ayaw ko yung kwento ng pusang bungi noong bata ako. paano kasi ay paulit-ulit, hindi natatapos.

paulit-ulit kasi may mali. hindi natatapos kasi may dapat ayusin.

ulitin natin ulit. baka may mali.

Tuesday, October 13, 2009

AHH DUGO! iba't ibang kwento tungkol sa mga sugat galore

takot ako sa dugo.

pag may dugo kasi, ibig sabihin masakit. pag may dugo, ibig sabihin may nangyaring hindi maganda.

hindi ko makakalimutan ang maraming beses na dumugo yung tuhod ko dahil sa pagkadapa. madaming beses ko na din namang nakwento na lampa ako at hindi na bago kung may sugat ako kung saan man.

pinaka-naalala ko ay yung noong nadulas ako sa may may gym noong grade 1 ako. naghahabulan kami noon. saktong may inaayos sa gym kaya tuloy ang dami-daming buhangin at graba sa paligid. doon ako nadulas, sa may mga graba. pagtayo ko noon, hindi ko mapigilan ang luha, liban sa masakit ang pagkadulas ko, ang dami ding tumutulong dugo mula sa aking tuhod.

ang haba ng sugat ko noon. mula tuhod hanggang bago mag-paa sa isang binti. sa isa naman ay mas maikli naman ng halos isang dangkal. kadiri yung sugat na yun. naghalo ang kulay ng dugo pati ng graba. pero mas kadiri siya nung nilinis, kulay betadine at may bandaid sa kung saan saan.

naririndi ako kapag naalala ko yun. naaalala ko ang sugat, pero mas naaalala ko ang sakit, hapdi at yung dugo nung nadapa ako.

hindi ko makakalimutan yung dugo.

mahigit 12 years na din yun. hindi din naman yun yung huling beses na nasugatan ako. hanggang sa pagdadalaga ko ay patuloy ang pagtisod, pagkadapa at syempre ang pagiipon ng madaming sugat, pasa at peklat sa binti, hita at kung saan pa. nandun pa din ang pag-iyak at pagluha dahil sa sakit at hapdi ng bawat sugat.

pero hindi ko inaasahan na minsan, pwede palang masaktan kahit walang dugo. at mas masakit pala ang mga sugat na ganun.

takot ako sa dugo. pero hindi lahat ng sugat ay dumurugo.

Saturday, October 3, 2009

i eight you jolo!

akala ko naman nag-aaral si jevan ng spelling ng numbers noon.

tinanong niya ako minsan kung ano ang spelling ng 'eight'. sagot naman ako ng e-i-g-h-t. sulat naman yung bulol kong kapatid sa papel na hawak niya.

hinayaan ko ang bata, at tumuloy sa ginagawa ko (nag-ayos yata ako ng kama nun, hindi ko na matandaan). pero paglabas ko ng kwarto nagulat ako sa pinaskil ng kapatid ko.

'I EIGHT YOU JOLO'

tumawa ako at tinawag ang aking mga magulang.

sa isip ko, grabe lang ang galit ni jevan ay jolo para ang 4-letter word na HATE ay gawing 5-letter word na EIGHT. hindi daw sapat ang apat na letra para sa tindi ng inis niya sa kanyang kuya.

pero aanhin ang galit kung panandalian lang ang mga bagay-bagay?

isa sa mga natutunan ko nitong bagyo ay ang pagiging ephemeral ng mga bagay. lahat sila ay may potentyal na maglaho na lang bigla.

naisip kaya ito ni jevan nung nagalit siya kay jolo?

o baka naman mali ang akala ko na nag-aaral siya ng numbers nung tinanong niya ako.

na mali pala ang dinig ko bilang bulol kasi yung bata. HATE pala talaga yung tinatanong niya pero hirap lang siyang bigkasin ang H kaya EIGHT tuloy ang dinig ko.

baka naman ako talaga ang mali.

isa lang palang malaling akala ang lahat. isang ephemeral na ilusyon.

Wednesday, September 30, 2009

AGHHH! DELUBYO!!!

delubyo nga.

alinsabay ng delubyo na dinulot ng bagyo ay ang delubyo ng acads ko.

hay buhay nga naman.

Sunday, September 20, 2009

lollipop galore

lahat naman tayo mahilig sa masarap.

naalala ko noon, halos araw-araw ako kung bumili ng lolipop sa may amin. yung frooty ba yun? meron silang kung ano-ano. may may babol gam sa loob, may may chocolate [sa loob din, magugulat ka na lang may lumalabas na na chocolate bigla], may steady lang [normal lang na lolipop kumbaga, comes in strawberry, cherry, green apple, lemon, orange, grapes, what else], may chocolate flavored [na infused with, o half ay strawberry, orange, milkchocolate, darkchocolate], at kung ano pa. 

lahat masarap.

kaya minsan mahirap pumili. minsan mahirap isipin kung alin ang bibilhin. buti na lang kako madalas isang klase lang yung meron, yung flavor na lang yung iisipin. dami dami kasing sucker sa mundo.

pero mahirap pa din maging sucker. shucks ang loser. agh.

kahit pa masarap ang lolipop.

Saturday, September 19, 2009

BIBA! para sa best group ever at sa buong tropa

ilang araw na lang ba? delibs na.

halos hindi tayo nagkita-kita [kung tutuusin hindi ko naman talaga kayo madalas makita bilang lagi naman akong wala] nitong linggo. paano pa kaya sa susunod, lalo pa at hinahaggard na natin ang ating mga thesis.

naalala niyo pa ba? noong medyo maluwag at masasaya pa ang mga buhay natin? ang mga all-nighters? yung mga panahong alam nating kaya nating magmilagro ng ground-breaking, awe-inspiring, jaw-dropping presentation ng isang gabi lang? yung mga panahong keri lang?

grabe lang yung set-up nun, pag-alala ni pao nung minsan, didiretso tayo kina nads, tapos maguusap saglit. sa paguusap o brainstorming, magsisimula na kaming magtalo ni tim [bilang lagi naman kaming nagtatalo, nagpapayabangan for more]. matapos magtalo mapipikon naman si tish dahil maingay ako. at pagkatapos akong pagsabihan ni tishie ay magse-self pity ako ng mga isang oras mahigit.

hay. ang saya noon ano?

tapos sa isa naman nating klase, dun naman tayo kina mico para sa masarap na tsibog [masarap din naman kina nads, maraming salamat sa mang inasal na bukas pa hanggang 3am!]. kung saan-saan na din tayo/kayo napunta  sa paghahanap ng masarap na pagkain. noon, bago tayo pumunta ng mang inasal ay nagco-coffee bean muna tayo, kahit pa si tim lang naman talaga ang bumibili noon ng kape makapag-stay lang tayo para sa wifi. nakapag-chili's din kayo noon. sayang umalis ako kaagad noon, nakajackpot tuloy kayo nang wala ako. paborito din natin yung shawarmahan malapit kina mico. yung shawarmang jampacked sa laman! the best yun kahit pa tumatawid pa ko para bumili ng icecream sa may tapat bilang hindi naman ako mahilig sa shawarma. andyan din ang luto ng mami ni tish. ang the best na sinigang at spageti, pati na din pala ang overflowing supply ng tsitsirya at stiko. at higit sa lahat, sino ba naman ang makakalimot sa ating isaw-escapades! matapos nun sinumpa kong hindi na ko kakain na isaw muli [kahit malayong matupad yun bilang masarap naman talaga ang isaw].

hindi natin makakalimutan ang pagkain. pero lalong hindi natin makakalimutan si jona at ang nagdadasal na isda. naalala ko pa, si jona ay pinanganak natin sa sarah's at ang nagdadasal na isda ay sa coffee bean. at kung hindi ako nagkakamali, dahil yun kay jona at tinawag natin ang ating grupong 'best group ever' [ang grupong malakas manalig o baka naman kasi bertdey ni nads nung presentation natin nun].

paano na kaya tayo ngayon tayo ay kanya-kanya na? wala nang nads na masipag gumawa ng posters at storyboards [sa kanya din pala kami palaging tumutuloy. hooray denara!]. wala nang tim na magaling na photographer at maasahan sa mga konsepto [hindi man sa kanya nanggaling ang fedora hat ni jona, siya naman yung nagpauso na takpan ang isang mata niya gamit nito at yun na ang tumatak sa lahat]. wala nang tish na oc-oc at madalas ajit [isama na din natin ang forever tagagawa ng radio ad]. wala nang pao na magdidivide ng workload sa lahat [at syempre tagapuri ng pagkain 'ang saraaap']. wala nang mico na magaling magluto. wala na din pati ang tropa. wala nang mon na maasahan sa kahit saan. wala nang uds na taga-kwento ng kung ano. wala nang carla e. na madalas ding ajit gaya ni tish. wala nang carla cruz na tila laging naliligaw at confused ba. wala nang andy na maasahan sa kahit anong musika. wala nang mark, wala nang kris, wala nang arly, wala nang guia, wala nang paul, wala nang piya, wala nang jaz, wala nang chalk, wala nang tumatamabay sa likod.

wala nang tumatambay sa likod. ang lungkot.

ilang araw na lang ba? naku, delibs na.

Thursday, September 17, 2009

oomph at kung ano pang mga onomatopeia [kung tama man ang spelling ko]

oomph.

may kinwento sakin si patty tungkol at nasabi na lang niya na 'oomph'.

kung ano man yun.

Monday, September 14, 2009

S-L-O, slow

mabagal kasi akong maka-gets.

madalas akong tinatawag na ganito ni dru. sa kanya ko nga itong unang narinig. S-L-O, slow. mabagal. ako yun.

ako na ang laging nahuhuli matapos kapag may kainan dahil bawat subo may kasamang limang kwento. ako na ang laging napagiiwanan kapag naglalakad bilang mabilis pala talaga maglakad ang mga lalaki kaysa sa babae. ako na ang umaabot ng mahigit tatlong oras bago makaalis ng bahay sa dami ng seremnonyas. ako na ang mabagal mag-draft ng kung ano bilang isang malaking sagabal ang facebook. ako na ang mahina maka-pick up ng joke at lahat ay tumatawa na ako na lang ang hindi pa.

ako na ang mabagal maka-gets.

minsan kasi may mga bagay na malabo sa paningin kaya kelangan pa ng paliwanag. pero may mga pagkakataon din naman na may paliwanag nga, wala namang nakikita.

masyadong malabo ang mga bagay. masaydong malabo. kelangan ng paliwanag.

mabagal nga kasi akong makagets.


Thursday, September 10, 2009

koala bear baby

Parang koalang nakakapit sakin si Jevan kanina. Dapat kasi ay mag-aaral siya ng spelling ng numbers pero dahil kakakain lang niya, at gaya ng isang normal na pasaway na bata, ay tinatamad siyang mag-aral. Hindi ko siya masisisi, ako man ay tinatamad magsulat ng thesis proposal ko kanina, siguro gawa na din ng panahon - maulan kasi at malamig. Kaya ang tagal-tagal niyang hawak ang reviewer na gawa ni Mama habang nakatayo sa may tabi ko. Nagpapa-kyut at nilalamutak ang papel na hawak niya. Malakas kasi sakin ang bunso kong kapatid, kaya nadala ako ng pagpapa-kyut niya. Hinagip ko siya at pinaupo sa may hita ko baka sakali makumbinsi ko si Jevan na mag-aral. Binilinan din kasi ako ni Mama na turuan siya ng spelling. Balak ko noon ay basahin namin nang malakas ang nakasulat sa papel. Pero niyakap ako ng bata. Para siyang koalang nakayakap sakin kanina. Mahigpit ang kapit. Tila takot na baka bumitaw ako. Pero ano ang kailangan niyang ikatakot? Mahal ko siya at mahal niya ako, hindi pa ba sapat iyon para mapanatag siyang hindi ko siya pababayaan? Walang dapat ikatakot. Pero sa pagyakap niya sakin kanina naramdaman kong may sinat na naman si Jevan. May sakit na naman si Jevan. Hindi na ito bago bilang sakitin naman talaga siya, pero malungkot pa rin yun. Minsan pa nga naaawa ako sa kanya kasi hindi siya makapag-laro gaya ng isang normal na bata. Hindi naman kasi siya normal na bata, mayroon siyang butas sa puso kaya mabilis siyang hingalin. Hindi rin siya makapagsalita nang maayos dahil nahihirapan siyang huminga. Kaya tuloy hindi siya maintindihan ng karamihan. Sabi ni mama, ‘weakling’ daw ang tingin sa kanya sa klase nila noon. Pero hindi siya ‘weakling’, hindi lang siya pinalad. Hindi man siya pinalad ng isang normal na buhay, nakakalibang naman panoorin si Jevan. Sinisikap niyang maging isang normal na bata. Nakikipaglaro sa mga normal na bata kahit napapagod siya agad at nakikipagusap sa mga normal na tao kahit na nahihirapan silang intindihin siya. Naiintindihan ko si Jevan kahit pa hindi ko mawari ang kanyang mga sinasabi. Hindi naman kasi kailangan ng salita para magpahayag ng damdamin. Nung niyakap niya ako kanina, narinig ko ang hirap niyang paghinga at ang mabilis na tibok ng kanyang puso. Mainit na naman si Jevan, gaya nu'ng mga nakaraang araw. Mukhang hirap na hirap na naman siya. Nanghihina na naman ang kanyang katawan. Parang koalang nakakapit sakin si Jevan kanina, kaya tuloy dinig na dinig ko ang mabilis niyang paghinga.

Friday, September 4, 2009

si juan tamad at ang mahigit na 47 na kanta sa aking playlist

ako na ang tamad.

kanina pa nakabukas ang aking kompyuter pero hindi pa din ako tapos sa kaing thesis proposal. nakatapos na ako ng mahigit na 47 na kanta sa playlist ko [partida naulit ko ng 33 beses yung isang kanta at yung ilan ay tigatlo o higit pa], pero hindi pa din ako tapos. liban sa ilang mga salita na tinanggal ko dahil hindi na sila kailangan.

hindi na umuusad ang thesis ko. lumipas na ang sandamakmak na kanta pero ayun pa din siya. one page pa din gaya nung iniwan ko siya para maligo kaninang alas singko. umikli pa nga dahil madami na din akong nabawas na salita.

lintik yan, ako na nga ang tamad.

ako na ang wala pa ding maayos na thesis proposal hanggang ngayon. masyado yata akong nalilibang magfacebook at maggoogle ng mga bagay. mahirap na ang may internet, madaming distractions. madaming napagbabalingan ng atensyon. yan tuloy mabagal ang pagusad ng gma bagay.

mabagal, parang trapik sa katipunan kapag alas siyete ng umaga. mabagal, parang susong iniwan sa kalye. mabagal, parang kompyuter na maliit pa sa 1g ang ram. mabagal, parang panliligaw ng isang torpeng lalaki. mabagal, parang ang pagusad ng thesis proposal ko.

hala ayan, umulit na ang playlist ko. ako na nga ang tamad.


Friday, August 28, 2009

B-E-A-M means smile

naalala mo pa ba? noong uso ang pagkanta ng beam jingle na hindi ngumingiti? 

benta yun kapag may parlor game [bring me a singing mommy or daddy kunware] tapos mga nanay at tatay yung kumakanta. pero ano nga ba ang bago dun? di naman kasi talaga sila ngumingiti. ah. hindi naman kasi sila normally kumakanta.

sabi nila, mahirap kantahin yung jingle nang hindi nakangiti, pero parang hindi naman. nagagawa ko nga yun eh. kaya naman kasing hindi ngumiti habang kumakanta. pero hindi maiwasan ang ngumiti sa dulo ng jingle. malamang kasi ay pinagtatawanan ka na ng iyong audience.

siguro nga. mahirap kasi ang hindi ngumiti. mahirap ang hindi maging masaya.

kaya pala palagi akong naghahanap ng magpapasaya sa akin. palaging naghahanap ng mint choco chip icecream, melon-mango shake, cheese turon, siomai, kape, donut, cheeseburger meal, caramel sundae, vanilla frappe, yum with cheese, wow steak meal, twister fries, coke float, libreng pagkain, libreng sakay, facebook, kaibigan, chikahan, kwentuhan, magandang libro, magandang sine, magandang panahon, masarap na kwentuhan nang magdamag sa kung saan man. lahat nito nakakangiti. nakakasaya.

naalala mo pa ba?

Sunday, August 23, 2009

sa dreamland, kung saan kita kikitain

lagi na lang akong tulog. lagi na lang akong nasa dreamland.

lalo pa ngayon na nagkaroon ng long weekend [salamat kay Quezon at kay Ninoy, pati sa mga utaw na nagpasimuno ng ACLE]. gigising lang ako para kumain. sabi ko kasi, ngayon lang ako makakabawi ng tulog, kahit pa alam ko na hindi nababawi iyon.

at hindi mawawala sa pagtulog ang mga panaginip. minsan pa nga, kaya ako natutulog ay para lang managinip. may mga bagay kasi na, dahil imposibleng magkatotoo eh, sa dreamland lang nangyayari.

nandoon lang ako sa dreamland. palagi akong nasa dreamland.

madalas kasing napuputol ang mga paniginip ko. yung tipong malapit na sa climax, tapos magigising na lang ako bigla. parang hinahatak talaga ako palabas ng panaginip, hinahatak pabalik sa katotohanan.

madaming beses na nangyari yun. madaming beses na pakiramdam ko may humihila sa mga paa ko palabas ng eksena, at magigising na lang ako sa realidad na hindi talaga. kaya nakakapikon. palagi na lang. paulit-ulit.

pero hindi ba kaya paulit-ulit ang mga bagay para malilok ito sa alaala?

baka nga. baka nga kaya lagi na lang nauudlot ang aking panaginip. para paalalahanan ako na hindi talaga. na hindi iyon mangyayari. na hanggang panaginip na lang talaga lahat.

kaya tuloy lagi na lang akong tulog. lagi na lang akong nasa dreamland.

Thursday, August 20, 2009

balut para sa mahina ang tuhod

mainam daw ang balut para sa mahina ang tuhod.

pero hindi naman ako kumakain nun. hindi ko kasi masikmura ang pagkain ng baby chick/duck na nagsiswimming sa kung ano mang fluid yun na nasa loob ng kanyang shell. at dahil kadiri nga kasi itong tingnan, macho daw kapag kumain nito. kaya pampalakas daw ito ng tuhod.

madaming beses akong nasabihan na kumain ng balut para lumakas ang tuhod. lampa kasi ako. palaging nadadapa, natatapilok at higit sa lahat, nahuhulog. madalas pa nga, nahuhulog ako sa parehong bagay [patibong, butas, ewan]. hindi kasi ako matutotuto. at mahina pa ang tuhod ko.

minsan, nakakapikon na nga. nahulog na nga ako minsan ay mahuhulog pa din ako sa parehong bagay. kahit pa alam ko na naandun na iyon. kahit pa alam ko na parehas na bagay lang yun. kahit pa binabalaan na ako ng mga kaibigan ko. nahuhulog pa din ako.

minsan nga ay inaalalayan na nila ako, sa takot nilang madapa na naman ako. buti na lang na andyan sila. paano kaya kung wala na? may magbababala/aakay pa ba sakin?

baka nga kelangan ko na ng balut. 

mainam daw ang balut para sa mahina ang tuhod.

Tuesday, August 18, 2009

kung bakit kelangan mabagal maglakad 'pag naulan

malamang kasi ay madudumihan ang pwet ng pantalon/shorts.

kahapon naglakad kami mula vinzons hanggang sc. at bilang hindi ako marunong maglakad sa ulan ay puro talsik ng putik ang pwet ng shorts ko. na sa sobrang dumi ay maski yung manong na nakasunod sakin sa pila sa bangko ay sinabihan ako na ang dumidumi daw ng suot ko.

pero ano nga ba ang magagawa ko? nandyan na ang mantsa at hindi agad-agad mabubura.

kaya tumuloy kami ng philcoa para magpapalit at kumain. tumawid sa overpass at naglakad pa ng kaunti. sa totoo lang, nahihiya akong pumasok noon sa kahit saan. baka kako maulit yung nangyari sa bangko na pinuna ng manong ang madumi kong pwet. pumasok kami ng jollibee, ng technohub at ng starbucks na pakiramdam ko na gusgusing bata ako. madumi na nga ang paa dahil sa kakalakad sa putik at madumi pa ang shorts bilang hindi lang ako marunong maglakad.

wala akong magawa kundi tanggapin na madumi na lang talaga siya. hindi na lilinis ang  shorts ko liban na lang kung hubarin ko ito at labhan. 

nakabalik naman ako ng vinzons na madumi ang pwet, kahit na alam ko madaming nangiti/natawa sa karumihan ko at lubos na nagsisi na dapat ay binagalan ko ang lakad para hindi natalsikan ng putik. pero ayos lang. ano nga ba magagawa ko?

sa susunod na lang, babagalan ko ang lakad ko. darating din naman ako dun.


Friday, August 14, 2009

labing siyam na hikab at kung ano pang mga kwento dahil may trapik

lagi na lang may trapik. 

kaya lagi na lang akong huli sa klase. at hindi na iyon bago sa mga prof ko. markado na nila ako bilang late. si bianca na laging late.

kahit pa alas-diyes ng umaga ang klase ko, hirap na hirap pa din akong pumasok. kapag ganun kasi ay kelangan ko umalis ng bahay ng mga alas-otso y media para nakarating ng sakto sa oras. pero tamad akong gumising at mabagal kumilos. kaya madalas ay alas nuebe na ko kung makaalis. at kapag nagka ganun, alas diyes y media ako makakarating at tyak malapit na kaming i-dismiss ni maam nun. 

lagi din kasi akong puyat. milagro na kung makatulog ako ng bago mag alas dose. ewan ko, meron yatang sira ang body clock ko kaya tuloy kelangan pang sumapit ang ala una ng madaling araw [minsan pa nga alas tres] bago ako makatulog. kaya mahirap gumising ng alas sais o ala siyete. kaya tuloy sa biyahe ay hikab ako ng hikab.

minsan nga sikapin kong bilangin ang dami ng beses kong hihikab. hindi ko na din napapansin bilang madalas ay nakakautlog na ko. siguro, siguro lang naman, kung susumahin ay mga halos labing siyam na beses. isa kada tigil ng dyip para mag-abang ng sasakay.

sabi nila, sa paghikab napapalitan ang oxygen na ginagamit ng utak kapag nag-iisip. naeexhaust kasi ang utak kaya kelangan nito ng oxygen. ibig sabihin, ang taong hikab nang hikab ay ang taong isip nang isip. 

marahil madami nga akong iniisip. madaming kelangan asikasuhin. minsan, naabutan kong lumilipad ang utak ko. nagkaroon na siya ng hobby na ganun. ang mawala sa wari at lumipad sa kung saan man na mukha namang masaya. nakakapagod naman kasing mag-isip. nakakapagod kaya mag-aral.

lagi din akong tulog. kahit sa byahe. kung ikaw ba naman ay lagpas isang oras ang byahe, hindi ka kaya makatulog? minsan pa nga mas gusto ko ang matulog, may mga bagay kasi na sa panaginip lang pwedeng mangyari.

kahihikab ko lang. ibig sabihin kaya nun ay naexhaust ko ang utak ko sa pagsulat ko ng blog na ito? o inaantok lang talaga ako bilang oras na ng siyesta? pero kakagising ko lang mula sa mahigit sampung oras ng tulog. baka nga napagod ang utak ko kakaisip.

lagi na lang kasi may trapik. 

mali. lagi palang mabagal ang trapik.

Sunday, August 9, 2009

dug dug sabi ng heart

hindi ito tumitigil at hindi nawawala sa ritmo. 

pabilis nang pabilis habang may sumisidhing damdamin.

minsan itong titigil at minsang mawawala sa ritmo.

Friday, August 7, 2009

breathe in, breathe out

minsan kasi akong naging dancer.

or so i think. wala kasing hindi gumagraduate sa siena na hindi nakasayaw on-stage. eh kung buwan-buwan ay may song interpretation contest, hindi ka kaya matuto/mapilitan sumayaw?

kaya ayun. naalala ko na minsan ay sumali ang buong klase sa cheerdance competition. intrams kasi at fourth year na kami nun. kaya para masabi lang na minsan sa mga buhay namin ay naging magagaling kaming dancers [or so we think], sumali kami. at kinayanan ang lahat ng pasakit ng pagpapanggap [para sa karamihan samin] na maalam kaming sumayaw.

isa sa hindi ko makakalimutan na step noon ay yung may 'breathe in, breathe out'. hindi ko kasi makuha yun ng tama. meron kasi iyong pitik na hindi ko makuha-kuha. matigas kasi ang katawan ko. 

pero nalibang naman ako at worth it ang expereince. ang mga practice namin nun ay nagsisilbing breather mula sa sandamakmak na school work. ang mga practice namin ay ang aming pagtakas mula sa kamunduhan.

baka nga, higit pa sa kailangan kong magpahinga, ay kailangan kong huminga. 

subukan ko kaya muling maging dancer? 

Wednesday, July 29, 2009

gusto ko magswimming!

weird kasi ang panahon. mahangin na maaraw na medyo may ambon.

di ko sigurado kung beach weather ba ito o ano, pero naka-summer attire ako. kebs na lang sa ambon.kung ano man, may payong din naman ako.

gusto ko na kasi mag-bakasyon. kaya ngayon pa lang ay sinesense ko na ang pag-attire ng pang-summer. pag summer kasi, walang pasok. at masaya yung kapag walang pasok. walang plate at walang dyaryo. kahit buong araw pwede ako matulog. masaya yun.

sana bakasyon na nga. parang gusto kong mag-swimming. yung mag palutang-lutang sa dagat o sa pool. yung tawa lang ako nang tawa dahil nadadala na ako ng alon at kinakabahan din dahil hindi ako marunong lumangoy.

ay, yun lang. hindi nga pala ako marunong lumangoy. kung malayo ako sa pampang ay hindi ako makabalik. at kapag hindi ako makabalik, malulunod na lang ako. at mamatay. o kakainin ng pating. alin man dun, nakakatakot isipin.

ayako na pala magswimming. pero malay natin, bukas gustuhin ko ulit.

weird kasi ang panahon. pabago-bago.

Sunday, July 26, 2009

lilipad lilipad takure

sabi nung isang kartun noong kabataan ko.at kung saan saan sila napadpad.

sa totoo lang ay hindi ko na maalala ang kwento nun. hindi ko nga yata iyon pinapanuod. pero gusto ko lag ang ideya ng makalipad. makawala. makalaya.

pero malabo ang pangarap na makalaya. dahil kapalit nito ay kawalan.

malaya man, nakakulong pa din.

lumipad man ang takure, nakakalimutan na siya ng mga batang minsan siyang pinanood.

kung saan saan na kasi siya napadpad, malayo sa mga nagmahal sa kanya.

Sunday, July 19, 2009

family reunion

full house kami kanina.

liban sa naglalaro kami ng pusoy dos ay puno talaga ang bahay namin. halos magsiksikan kami sa loob ng bahay, kaya tuloy doon na lang kami sa labas ng bahay tumabay. habang naglalaro ng pusoy dos.

pinilit naming alalahanin kanina kung ano nga kami dati. nung mga bata pa kami. inalala namin kung gaano kalaki yung bahay namin para sa amin. lumiit ba ang bahay namin? o lumaki lang kami?

baka nga lumiit ang bahay namin. kasi madaming pinabago nitong mga nakaraang taon, at hindi na nila ito naabutan. pero hindi rin. palagi namang maliit para sa akin ang bahay namin. wala na itong ililiit pa.

o baka naman, lumaki na nga lang talaga kami. kung tutuusin, mahigit isang dekada kaming hindi nagkita-kitang magpipinsan. baka nga kami ang lumaki. tumatanda na din kasi kami.

iba pala talaga kapag tiningnan mo ang mga bagay-bagay mula sa ibang pananaw.

buti na lang full house kami kanina.

Saturday, July 18, 2009

dead kid

minsan naman akong naging dead kid.

dati, halos hindi ako naimik. mahiyain din kasi ako noon at natatakot ako sa lahat ng nakapaligid sa akin. hindi rin ako malayo noon sa mga magulang ko lalo pa sa nanay ko. ayakong hindi sila kasama dahil pakiramdam ko kakainin ako ng ibang tao. nakakatakot sila. nakakatakot silang lahat.

pero nagbabago ang mundo paglipas ng panahon. at nagbabago din ang mga tao kasabay nito. hindi na ako sing tahimik ng dati. at dahil dun, akala ko hindi na ako takot.

akala ko nasa tama pa ako. na lahat ay nadadaan sa kwento. na masaya ang ganito. na ganito lang talaga ang kaya ko. na ito ako. 

sabi nga nila. madaming namamatay sa maling akala. patay na nga ako marahil. 

marahil nga, hindi man ako sing tahimik ng dati, dead kid na naman ako.

dead kid na nga talaga.

Friday, July 17, 2009

flash

mabilis na nga talaga ang lahat.

kaninanina ang ay hinahapit ko ang paper ko sa english, tapos ngayon ay gabi na. hindi ko na lang talaga namamalayan ang oras.

hindi ko na din namamalayan ang mga araw. parang kahapon lang ay nagmamadali akong pumasok sa klase ko ng marketing na tuwing lunes lang tapos ngayon ay biyernes na. lahat ay singbilis ng kidlat. lahat ay singbilis ni flash kumbaga.

grabe lang, nararamdaman ko na ngayon ang pagod kakahabol sa oras. masyado itong mabilis. masyado naman akong mabagal. ako na nga lang marahil ang mabagal.

at lahat ay para na nga lang talagang flash. mabilis.

Monday, July 13, 2009

kapag may tinulak, may nalalaglag

at bilang lampa lang talaga ako, tuwing tinutulak nila ako ay mabilis akong malaglag.

palagi na lang.

baka nga kasi mahina lang ang tuhod ko. madali kasi akong madala. maski konting tulak lang.

takot ko lang talaga, baka maulit ang dati.

kasi kapag may tinulak, may nalalaglag.

Friday, July 3, 2009

narnia

si mon ay palaging nasa narnia.

kung wala siya sa fa, tiyak, nasa narnia siya. at minsan (hindi lang misan pero madalas) na nagseselos kami sa narnia bilang inaagaw nito ang kaibigan namin.

pero wala kaming ideya kung saan ba ito o kung anong klaseng lugar ba ito. basta pag wala si mon, nasa narnia siya.

minsan naisip na namin na baka sumasayaw siya sa narnia, bilang magaling siya sumayaw. o kaya naman ay kumakanta, bilang magaling din siya dun. pero alam naming biro lang ang mga ito at patuloy pa ding misteryo para sa amin kung saan nga ba nagpupunta si mon tuwing nawawala siya sa fa.

ikaw kasi mon, bigla-bigla kang nawawala at madalas walang pasabi. kaya tuloy nagimbento na lang kami ng lugar na sa palagay namin ay palagi mong pinupuntahan. nag-aalala lang kasi kami sayo. at sa paraan ng pagpapangalan ay napapanatag kami na ligtas ka, diyan sa lugar mo sa narnia.

at ako rin may sarili nang narnia. naiintindihan ko na kung bakit nawawala bigla si mon. alam ko na din kung ano ang hitsura ng narnia.

sa narnia nahahanap ang sarili, nabubuo ang pagkatao.

at para sa mga kaibigan ko, para mapantag kayo, nasa narnia lang ako.

Tuesday, June 30, 2009

nanay tatay

nanay, tatay

gusto ko tinapay

ate, kuya

gusto ko kape

lahat ng gusto ko

ay susundin niyo

ang magkamali

ay pipingutin ko



baka kasi makalimot din ako, mahirap na..

Monday, June 29, 2009

tagu-taguan*

tagu-taguan

maliwanag ang buwan

tayo't maglaro

sa dilim-liman

pagbilang kong tatlo

magsitago na kayo

isa

dalawa

tatlo

boom!



*para kay chris, baka kasi makalimutan mo... mahirap nang makalimot

Sunday, June 28, 2009

zombie zombie zombie

hindi ko na alam ang ginagawa ko.

halos wala na ding lumalabas sa kokote ko. at kung ano ano na lang ang mga tinatayp sa keyboard makaraos lang ng isa na namang blog.

dulot marahil ng pasukan. 6 klase sa isang linggo, samahan pa ng trabaho para sa lingguhang dyaryo. halos wala na akong oras gumala. at sa gabi pag-uwi ay tanging tulog na lang ang kaya ng lampa kong katawan.

wala na ako sa tamang wisyo.

minsan nalilito na nga ako sa mga klaseng papasukan ko. maraming dedlayn ang kamutikan ng hindi maipasa dahil sa limot. madaming pangalan ang nakalimutan dahil sa dami ng datos na pilit pinapasok sa utak kong marupok.

tanging kwentuhan na lang ang aking pahinga, liban sa tulog na kelangan ko lang talaga. ang pagtambay ay nakaw lamang na oras na dapat sana ay nasa aklatan o kung saan pa. pero kailangan ko din naman ng kaibaigan. kaialngan ko din naman ng kausap.

at dito, masaya ako.

kahit pa nakakalito ang lahat. at nakakapagod lang ang mga bagay. masaya ako.

hindi mapapawi ng pagod ang saya na mayroon ako.kahit pa halos zombie na ako. masaya akong zombie. masaya akong zombie.

hoola hoop

bilog ang nagbibigkis sa maraming bagay.

at sa bilog din nabubuo ang pagkakaibigan

Tuesday, June 23, 2009

para kay joey, pambihira ka kasing bata ka

simple lang. sana bata ka na lang palagi.

ikaw na palaging inaabanangan ni uds para dalhan palagi ng kendi tuwing miyerkules at byernes nung huling semestre. ikaw na kunyari may ibubulong pero bigla-bigla na lang nang hahalik sa pisngi ng mga babaeng naka-short. ikaw na kyut, at kinakyukyutan ng lahat ng nilalang sa fa.

bilib ako sayo.

hindi dahil kyut ka, medyo mababaw yata iyon, alam mo kasi ang gusto mo. alam mo na ang gusto mo ay yung c2 na red. at alam mo na gusto mo yung oishi na original. at dahil iyon ang gusto mo, iyon ang kukunin mo.

bilib ako sa iyo dahil alam mo ang gusto mo at gagawin mo ang lahat makuha iyon. at sana ay palagi ka na lang isang bata.

pero hindi ko mapipigilan ang paglaki mo. sa isang taon marahil ay nasa grade 1 ka na. sa susunod ay nasa hayskul na. hindi natin masasabi. pero panigurado ay lalaki ka at baka makalimutan na c2 na red pala ang gusto mo. lalaki ka at gaya naming nakatatanda, na hindi alam ang gusto, baka hindi mo na din malaman kung ano ang gusto mo.

kapag tumatanda nga naman, madaming nakakalimutan. madaming pangarap na dati-rati'y bukam-bibig pero paglaki ay kinakaligtaan sa paghabol sa mas mapagkakakitaang pangarap. tatanda ka din, at baka makalimutan ang iyong gusto.

hindi ko mapipigilan ang panahon. pero mabibilinan pa kita. hindi ka man bata palagi, pero sana wag mo makalimutan kung ano ang gusto mo. sa ganitong paraan, hindi ka mawawala sa mundo na puro gulo. 

joey, wag na wag mong kakalimutan kung ano man iyang gusto mo.

amen

Monday, June 22, 2009

basuraman saves the day

hindi na kinailangan ng palabok o anuman pero talbog silang lahat. tinalo nitong performance na ito ang iba pang mga palabas sa iskul noon.

malinaw na malinaw pa sa aking alaala. mga nagsasayaw na tanging garabage bag lang ang suot sa saliw ng 'livin la vida loca'. at hindi ko na ito nakalimutan ever since.

simple lang ang moda ng presentation, pinapakita nito ang karumal-dumal na epekto ng hindi pagtapon sa wasto ng ating mga basura, na sa paglaon ay maiipon sila nang maiipon at makakaroon ng sariling buhay saka magiging basuraman, tagapagtanggol ng mga basura, char.

tinalbog nito ang classic na 'tapon-tapon-tapon-niyo-basrua-niyo' sa saliw ng fleur de lis, at ang 'anak ng pasig' na parehas may choreography ng mga sumasayaw na naka-garbage bag. talbog sila. siguro kasi mas update lang ang musika ng basuraman.

siguro nga bayani talaga si basuraman. hindi man dahil tagapagtanggol siya ng lahat ng kabasurahan sa mundo pero dahil pinapa-realise niya sa mga tao ang epekto ng pagkakalat. na sa paglaon ay nagiging monster ang basura lalo na pagsapit nang madaling araw. char. pero totoo. sa maliit na paraan, ang karakter ni basuraman ay nakakapagbago ng paniniwala.

hindi kinailangan ng palabok o anuman, hindi ko kinailangan ng near-death experience para matuto magpulot ng kalat. sana ganun din ang sanlibutan.

amen

Thursday, June 4, 2009

mommy, mommy i am sick...

hindi. wala pa naman akong sakit.

pero naalala ko lang na sa tuwing may naiisip/mangyayaring akong/saking hindi maganda, una kong sinasambit ang mami ko.

dati, lagi akong nakakapit sa palda ng nanay ko. kapag pinapakilala niya ako sa ibang tao, isisnusubsob ko ang aking mukha sa ung ano man ang kanyang suot. at kapag pinilit niya akong magpakilala ay lalo ko pang isusubsob ang nguso ko na halos hinahalikan ko na nag pwet ng aking nanay. pakiramdam ko noon, si mami lang ang kakampi ko sa mundo. si mami lang ang aking kasangga at ang ibang mga tao ay masasamang alien na nais akong iuwi sa kanilang planeta.

pero lumaki din ako at hindi na kayang itago ang mukha sa likod ng palda ni mami. lumaki din ako at natutong makihalubilo sa ibang tao at nakalimutan na minsan, sila ay mga alien sa aking mga mata.

at unti unti nalayo na ako kay mami.

at ngayong naiisip ko iyon ay tila magkakasakit na ako.

mga ilang araw na din akong hindi nakakauwi ng bahay. pusta ko hindi ito ang huli lalo't higit pa magsisimula na naman ang pasukan at nag-iisa na lang akong naglalapat ng dyaryo. pusta ko din na lalo akong mawawalan ng oras para kay mami. masaya ako at suportado nia ako sa lahat ng aking ginagawa pero lubos ko din itong kinalulungkot dahil kaakibat nito ang pagka-ubos ng aking oras na dapat sana ay sa pamilya.

ngayon, sabik na sabik na akong umuwi ng bahay. halos hindi ko na nga matandaan ang lasa ng luto nia. hindi na nga yata ako kilala ni jojo, ang aking kapatid. miss na miss ko na si mami. miss na miss ko na silang lahat.

sana lang talaga ay makauwi na ako. malamang maya-maya lang ay sipunin na ko dito sa lamig.

Thursday, May 28, 2009

sige ka, pag di ka natulog, di ka na lalaki

walang masabi. paano kasi ay siesta at lahat ng tao, maski utak ko, ay natutulog. pero hindi kailangan gising para matuto.

naalala ko dati,kapag ganitong oras, pinapagalitan ako ng katulong namin dahil kailangan ko na daw matulog. hindi daw kasi ako lalaki kung hindi. at hahabulin na ako ng walis dahil nga ayaw ko pa at mulat na mulat pa ang aking mga mata. hindi na nga lang ako kasing bibo noon. marahil tumanda na rin ako at madaling mapagod.

matutulog na sana ako kanina, kaso masyadong mainit na halos lumangoy na ako sa sarili kong pawis. kaya pinili ko na lang ang humarap sa kompyuter para maglaro.

maglaro at magpalipas ng oras sa pagsagot ng mga quiz as facebook. at pagpilit sa sarili na magblog kahit pa wala na talagang lumalabas sa utak ko dahil nga natutulog na ito.

pero hindi kailangang gising para matuto. hindi kailangang mulat para maging marunong.

ewan ko ba. wala mang lumalabas sa aking kokote, marami naman pumapasok. maraming natutunang bago.

kung dati, wala akong kapaguran sa paglaro. ngayon, gusto ko naman umupo at matuto. baka nga kasi tumatanda na talaga ako. at minsan nang naubos kaya ngayon ay bubuwelo muna ako. para sasusunod lahat ng matutunan ko, nakapikit man o hindi, maibabahagi ko.

Monday, May 25, 2009

mami, may skehlie na lilipad sa kitchen

kahit pa madalas bulol at nabubuhol ang salita ng bata, naiintindihan pa din natin ang gusto nila sabihin.

noong isang gabi sabi ni jevan habang nanunuod kaming tv. "mami, may skehlie na lilipad sa kitchen!" nakuha naman namin kaagad. siguro nasanay na din kaming mag-anak sa ganong pagsasalita ng bunso kong kapatid. may diperensya kasi siya sa puso at tila mahirap huminga kaya tuloy nadamay pati pananalita. ibig sabihin ni jevan, may scary daw na lumilipad sa kusina namin at natatakot siyang lumabas para kunin ang kanyang teddy bear.

at agad lumabas si jolo (isa ko pang kapatid) para silipin kung ano man iyon.

kasi kahit pa bulol at nabuhol ang salita ni jevan, naiintindihan namin siya. kasi mahal na mahal aming kapatid at ayaw namin ang nagagambala siya.

at bilib ako sa kapatid ko, kasi hindi siya nagatubiling magsumbong. alam niya kasi na hindi niya kayang harapin ang kung ano man yung lumilipad sa kusina, kaya tinawag niya ang aming atensyon. dahil mas malaki kami. dahil mas kaya namin at malaki ang tiwala niya sa amin.

at dahil nagtiwala siya, nagawan ng paraan. at hindi rin siya natakot na baka hindi namin siya maintindihan. dahil kahit gaano man sya kabulol o nagkabuhol-buhol ang kanyang mga salita, dahil mahal namin siya , nagkakaintindihan kami. at handa kaming gawin kahit ano para sa kanya.

amen

Wednesday, May 20, 2009

gaya gaya puto maya

hinding hindi ko makakalimutan ang komersyal ng nestle noong bata ako. "ang ginagawa ng matanda, sa mata ng bata, laging tama..." o kung tama nga ba ang pagkakaalala ko.

pero ganun na nga. ano man ang gawin ng nakatatanda, palaging tama para sa mas nakababata. at gagawin din nila kung ano man iyon dahil nga para sa kanila ganun ang tama.

at minsan kahit ang mali, nagmumukhang tama. at tama minsan nagmumukhang mali. at kung ano man iyon gagayahin pa din ng mas nakababata. kaya lalo tuloy sila nawawalan ng konsepto ng tama at mali.

at kahit anong gawin ko ay tama sa mata ng mga alaga ko. dahil nanay ang taguri nila sakin, at mga anak ang taguri ko din sa kanila, lahat ng kung ano ako ay halos ganun din sila.

ganun pala yun. kaya pala kung anong konsensya ko na lang tuwing may ginagawa akong mali. kung anong bigat sa loob tuwing wala na ako sa tama.

kasi lalaki silang buhaya. lalo pa kung hindi ko iwawasto ang dapat.

dahil kung ano man ang gawin ko, yun dapat ang tama.

amen

Monday, May 18, 2009

lampayatot

si elaine kasi.

kapagka siya ang kasama ko palagi na lang ako natitisod, nadadapa, natatapilok. at minsan nakakahiya na lang talaga. ako itong matanda, ako pa itong inaalalayan niya.

nakakahiya.

madalas din kasi akong inaalalayan ng mga mas nakakabata sa akin. madalas din kasi ako kung magkamali, madalas akong wala sa tama. at kung sino pa iyong mas bata, sa kanila ko pa napagtatanto na mali na pala ako.

palagi kasi akong natitisod, nadadapa at natatapilok kahit pa noong bata ako. lampa nga raw ika ng marami. liban sa mahina ang tuhod ko ay payat din ako. lalo pa tuloy akong napintasan bilang lamapayatot.

nakakahiya.

matagal-tagal na din ang pagiging lampa ko. nakakalungkot na hanggang ngayon, ganun pa din ako.

lampa pa din.

ngayon nga lang, hindi lang tuhod ang mahina sa akin pati na din ang loob.

nakakahiya man pero laking salamat ko at mayroong umaalalay sa akin, kahit pa madalas mas bata sila sakin. madapa man ako, panatag ako na may tutulong sa akin patayo.

hindi na ako mahihiya, mabuti nang maging lampa basta ba nakakatayo.

amen

Friday, May 15, 2009

PANCIT NA NAMAN! mga kwento ng kumakalam na sikmura

minsan, hindi pagkain ang sagot sa kumakalam na sikmura.

mahigit bente-kwatro oras na ako sa opisina ng kule.kahapon, iniwan ako ng mga tao at tanging ang mga ate at si mang romy na lang ang kasama ko; ang mga ate, si mang romy at ang kumakalam kong sikmura.

walang tulog, walang kain, walang celpon, walang muwang, walang ligo ni hilamos. ganyan halos ang hitsura ko kahapon. nagbalak na akong bumaba para bumili ng pancit canton nung medyo maaga-aga pa. kaso naalala ko, ganun pa din nga pala ang suot ko. nakakahiya naman makita ng mga tao na hindi ako nakaligo.

pancit na naman. sabi ko sa sarili ko. ni minsan yata ay hindi lumampas ang pagkakataon na kumain ako ng pancit kapag press work. mura lang kasi at nakakabusog naman kahit papano. pantawid gutom ikaw nga nila.

pero hindi lamang pagkain ang sagot sa kumakalam na sikmura. kaya kahit pa kumain din ako nung kinahapunan, parang may kulang pa rin. sa katunayan, marami-rami din akong kinain. pero hindi ako nabusog. hindi ako nakuntento.

at umuwi ako na masakit ang ulo. tila lumulutang sa hilo, sa puyat at sa gutom. maka-ilang beses na din akong nakaidlip sa byahe at mabuti na rin ay hindi ako lumampas ng bababaan.

pancit na naman. hindi na nga marahil mawawala sakin ang pagkain ng instant malamnan lang ang sikmura. hindi rin mawawala ang madaming beses na minadali ko ang maraming bagay matapos lang ang mga ito.

baka nga ganun. kaya hindi ako nabubusog sa instant. kasi minadali ito. hindi pinaghihirapan at hindi binubuhusan ng puso. baka yun ang kulang. baka yun ang wala. baka iyon ang kailangan ng aking sikmura.

kasi hindi pagkain ang sagot sa kumakalam na sikmura. at ngayon, busog na busog na ako.

amen

Tuesday, May 12, 2009

lottie, lottie iyakin...

kapag nagtanim ka daw ng luha, galak ang aanihin. (when you plant tears, you will harvest joy)

likas na marahil sa akin ang maging iyakin. mula pagkabata hanggang sa pagtanda, 'drama queen' ang bansag sakin. hind ko na nga ito napapansin. buong akala ko ay mas matapang ako ngayon, hindi pa pala.

noong bata ako ay humihikbi ako sa tuwing may nang-aasar sakin. halos tumulo pa nga ang uhog ko sa tuwing umiiyak ako sa harapan ng aking mga kaklase. dati, hindi lang sila makinig sa mga sasabihin ko ay magbabalak na akong magsumbong.

pero sabi nga nila, kung nagtanim ka ng luha, galak ang aanihin. at mula sa lahat ng luhang niluha ko ay madami akong natutunan.

kaya pagtapak ko ng hayskul, iniwasan ko na ang pag-iyak. pero hindi maiwasan. hindi matigilan.

lumuluha ako kahit nanonood lang ng pelikula, kahit pa sa cartoons. naiiyak din ako kapag nasaasktan, pisikal man o hindi. iyakin na kung iyakin.

pero laking salamat ko dahil sa bawat luhang tumutulo, may kaakibat na aral akong natutunan.

ngayon, ang dasal ko, nawa sa pagluha ko para sa mga taong mahal o, may aanihin silang galak, kung hindi man ay aral. at sana nawa makaintindi ako at makita ang mga bagay bagay gamit ang inyong mga mata.

dahil kapag nagtanim ka ng luha, may aanihing galak.

Wednesday, May 6, 2009

bahay-bahayan

marahil nga, ano man ang mangyari, tayo ay domestic na mga nilalang. o kung ano man ang tawag mo dun.

ngayon lang ako nalapit sa pamilya ko. naalala ko dati, sa sobrang malayo ang loob ko sa kanila ay naglalaro ako ng bahay-bahayan kasama ang aking mga paper dolls at hinihiling na sana sila na alng ang pamilya ko. pero hindi, natuto akong magmahal ng pamilya.

at kung kelan naman sila napamahal sa akin ay saka naman ako palaging wala sa bahay at sa kung saan saan na lang nagpapalipas ng gabi. wag nawa ninyo akong pagisipan ng masama pero madami lang talagang ginagawa sa trabaho, sa paaralan at sa misyon. at madalas, lalo na kapag weekend, ay sa kung saan-saan ako natutulog. halos linggo linggo na nga kung tutuusin.

hindi naman ako nagbubulakbol o kung ano man kapag wala ako sa bahay. nakakatawa nga kasi kahit hindi man ako umuwi, ay parang kasama ko na din ang aking pamilya.

domestic kasi tayong mga nilalang ano man ang mangyari. kaya tuloy 'nanay'/ 'mommy' ang tawag sakin ng mga bata. kasi sa tuwing wala sila sa kani-kanilang mga bahay, naghahanap sila ng parent-figure higit pa para tingalain pero para mag-gabay sa kanila, manglibre, umubos ng mga tira at manglibre pa ulit.

labag man sa loob ko na tawagin nila akong nanay, ibig sabihin kasi nito ay matanda na talaga ako, pero natutunaw ang puso ko tuwing naririnig ko ito. sa loob loob ko, tuwing naririnig ko iyon, mahal na mahal ako ng mga alaga ko. pakiramdam ko nanay na nanay na talaga ako.

pero kaakibat ng galak ay ang lunkot at takot ng responsbilidad na nakakubli sa salitang nanay tuwing tinatawag nila akong gayon. alam ko, higit pa sa mahal nila ako, ay kailangan kong magtino sa tuwing tinatawag nila akong nanay dahil tinitingala nila ako at umaasa sila sa akin.

tapos na nga marahil ang panahon ng bahay-bahayan. panahon noong kailan magloko man ako ay ayos lang. panahon noong ang mga anak ko ay paper dolls at kung mapugot man ang ulo nila ay scotch tape lang ang katapat. ngayon, ni mighty bond o greco ay hindi epektib para ipagdikit ang kung ano man ang mabiyak sa kanila, mapa-tuhod man yan o puso.

totoong tao na ang mga inaalagaan ko ngayon. mahal nila ako, at mahal na mahal ko sila. mahal na mahal ko sila na hindi ko kayang makita silang umiyak.

dahil domestic akong tao. at ano man ang mangyari, domestic pa din akong tao dahil sila ang mahalaga para sa akin.

amen

Wednesday, April 29, 2009

pitik bulag

ang mata, kahit pa nakapikit, kapag pinitik, masakit pa din.

subukan nang makita. baka pa nga lalong hindi makita.

basta sa huli, konting kuskos lang. makakakita ulit.

kasi ang mata, kahit pa nakapikit, kapag pinitik, masakit.

amen

Friday, April 24, 2009

NOISY, STANDING at iba pang lista noong gradeschool

ang ingay gaano man kahina, kapag pinagsama-sama ay maingay pa din. at minsan naakabingi lang talaga.

minsan hindi ko na lang talaga alam kung ano ang pakikinggan.

kanina sa youthcamp, maingay at magulo ang lahat. madaming nakatayo. madaming naglaakad. higit sa lahat madaming nagsasalita. para kaming gradeschool. dala marahil ng makukulit na mga "bata" isama na natin ang napakamakulay na chalkboard sa unahan na kulang na lang ay lagyan ng lista na noisy at standing.

magsasalita si ganito, biglang magkwekwento naman si ganyan sa likod. sasabayan din sila ni ganun na tila ba kausap silang dalawa pero hindi pala dahil iba pala ang kausap.

pero ang ingay gaano man kahina, kapag pinagsama ay maingay pa din. kaya kahit pa mahina ang boses ni ganyan at ganon, pag sabay sila magsalita, maingay pa din.

kaya hindi ko alam kung sino ang pakikinggan.

o baka bingi lang ako. baka hindi lang ako nakapag-linis ng tutuli sa tenga na sa dami na marahil ay hinaharangan na ang daluyan ng tunog sa tenga ko. kaya wala akong marinig. sana nga lang hindi.

o baka naman kasi baka matanda lang ako. baka hindi na ako yung batang umiiyak kapag nalilista sa noisy kasi nakikisali ako sa maiingay. baka ngayon tumanda na ako at nakalimutan ko na kung paano jumoin sa saya.

o baka hindi ko lang alam ang papakinggan. na sa dinami-dami ng naririnig ko, hindi pala iyon ang dapat kong marinig. baka sa dinami-dami ng nagsasalita, hindi pala sila ang dapat kong pakinggan.

kaya nga sa dinami-dami at sabay sabay na ingay na gaano man kahina, dahil nagsama-sama, nagsabay-sabay, maingay pa din.

pero isang tinig lang doon sa loob ng ingay ang dapat kong pakinggan. ang katotohanan.

praise God!

gagamba wars

hindi sa lahat ng oras nananalo ang mas malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.

karumaldumal. marahil sa lahat ng laro noong bata ako ay ito ang pinaka-hindi ko na-pusuan. una dahil hindi ito maka-tao, o maka-hayop kung ano man ang mas tama. pangalawa kasi bawal yata siya sa paaralan dahil sa unang rason. pero higit sa lahat dahil kadiri lang talaga para sa aking mga mata ang gagamba.

at tanging armas nila ay ang kanilang napaka-daming mga paa/kamay na kinaiinggitan ko. na sana ako din ay may ganun kadaming galamay. nang sa gayon magawa ko ang lahat ng bagay na kailangan gawin.

na sana ngayon habang tinatayp ko itong blog na ito ay may isa pa akong kamay para magdial sa telepono. at isa pang kamay para tapusin ang props na gagamitin namin bukas. isa pa ding kamay para magtext. at ilang pang mga kamay para magtayp sa message box sa ym sa apat kong kausap. pati pa nga pala isa pang kamay para hanapin ang nawawalang faci kit na kailangan na ngayong gabi.

at wala akong matapos (o magawa pa) ni isa bilang sabay sabay sila. at parang nagugulo na ang aking utak kung ano ang gagawin/sasabihin.

pero hindi sa lahat ng oras nanalo ang malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.

ngayon halos papikit na ang mata ko sa antok at namamaho na dahil buong araw akong nasa labas ng bahay. kung pwede lang ay bigyan nawa ako ng ilan pang mga kamay para makaligo pero matapos pa din ang mga kailangan tapusin.

pero hindi pwede. hindi ako gagamba at dadalawa lang ang kamay na meron ako. at kaya ko lamang gawin ang kaya ng dalawang kamay ko.

at sa papikit-pikit na moda ng aking mga mata, dala marahil ng pagod, pinaaalalahanan ko na hindi ako susuko.

hinding hindi ako susuko.

dahil hindi sa lahat ng oras nanalo ang malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.

praise God!

Wednesday, April 22, 2009

BEACHBALL ang bolang hindi madribol

lahat ng bola ay bilog, gaya ng ilan pang mga bagay bagay sa mundo.

ngayon, hindi ako makapasok sa opisina para sa maraming rason. una, dahil masakit ang tyan ko. may nakain yata ako kahapon na hindi ko umayon sa aking sikmura. pangalawa, kasi huli na akong nagising at tinatamad na namang pumasok. pero higit sa lahat dahil masakit ang braso ko dahil nasunog ito kakalangoy.

at naalala ko na hindi ako sumama sa mga kaibigan ko para mag volleyball. wala kasing bola. at wala akong balak na tamaan ng bola sa mukha kahit pa inflatable beach ball lang. ni lumangoy nga, noong una ay tinanggihan ko. pero dala na din ng magandong alon at ng init ng panahon ay umayon na din ako sa gusto ng karamihan.

pero lahat ng bola ay bilog, gaya ng ilan pang mga bagay bagay sa mundo. kahit pa ang beach ball na hindi madribol ay paikot pa din kung gumulong.

at lahat ng bagay na bilog, ay bumabalik sa kanyang pinanggalingan.

wag nga lang sana ako makalimot.

Monday, April 13, 2009

ays kendi

hindi lahat ng uhaw ay napapawi ng tubig.

walang sinabi ang init ng panahon ngayon kumpara sa mga nakaraang araw. halos kakulay na tuloy ng brown kong polo ang balat kong tuyo na.

kaninang umaga, binagtas ko ang kalye ng annapolis sa likod ng greenhills kakahanap ng atlanta center para magpa-interview. pagkatapos ay nilakad ko ang edsa mula poea papuntan megamall para magtanghalian kasama ni joy. pumila ako ng pagkahaba-haba sa pnb sa ilalim ng tumitirik na araw para magbayad ng tuition. at ngayon ay nakaharap sa kompyuter sa opis, walang aircon, walang electric fan at tanging ang isang mug ng tubig na hindi kalamigan (bilang sa tindi ng init ay maski ang ref ay ayaw ng magpalamig) ang pumapawi sa init ng aking ulo, kalamnan at katawan.

at hindi kayang pawiin ng isang mug ng maligamgam na tubig ang aking uhaw. ngayon ay kating kati na ang aking lalamunan para sa shake o iced tea o ays kendi. pero hindi ko magawa dahil kakabayad ko lang ng utang ko dito sa opisina. kahit pa sabihin natin ang ays kendi ay mamiso lang.

paborito ko ang ays kendi. nakakahiligan ko kasi ang ngumuya ng yelo noong bata ako. naalala ko pa, noon, tuwing bakasyon ay may nakahandang dose-dosenang ays kendi sa freezer namin. mango para sa aming mga bata, avocado naman para kina mama.'

naaalala ko kung gaano ito kalamig sa lalamunan. kung gaano ang matamis na malamig na malagkit na katas ng mangga ay dumudulas mula sa dila papuntang tyan. at halos umuusok-usok pa sa lamig ang bibig lalo na kapag bumuga ka matapos sumubo nito. walang tatalo talaga.

pero gaano man katamis, kalamig at kasarap ang ays kendi, ay hindi maikakaila ang lagkit nito. na hindi nito mapapawi ang uhaw, kahit pa maka-ilang galon. kahit pa tubig din naman ang pinagmulan nito.

hindi lahat ng uhaw ay napapawi ng tubig. sa katunayan ay nakaubos na ako ng isang boteng gatorade, isang coke float, isang basong pineapple juice at ilang mug ng maligamgam na tubig pero hanggang ngayon ay uhaw pa din ako.

baka kasi hindi lahat ng pantawid uhaw ay naiinom.

LARO NG APOY (o playing with fire bilang hindi ko alam ang tamang salin)

ang silab, kapag lumaki, ay mahirap nang pundihin pa. lalo pa itong lalaki hanggang sa kainin na nito ang lahat ng kaya nitong maabot.

binilinan ako ni mama na bantayan si jojo kanina-nina lang. wala kasi ibang ginawa ang bata kundi maglaro ng apoy. bubuksan niya ang stove, tapos tatapatan niya ng papel at papanuorin niyang lamunin ito ng apoy. siguro, halos nakasampung beses na siyang nagsunog ng papel sa kusina.

nakakatakot sa totoo lang. bilang praning lang talaga ako, naiisip ko tuloy na baka masunog ang bahay namin. at paano nga kung magkagayon? mahirap na, wala pa man din si papa sa bahay. walang magbubuhta ng mga gamit. papanoorin ko na lang, kung magkataon, na lamunin ng apoy ang aming tahanan.

at sa likod ng kapraningan, at kaunting panic, pinapanood kong lamunin ng apoy ang sinunog na papel ni jojo. tinitigan ko kung gaano ang dating puting papel ay unti-unting nagiging itim na abo. ang dating kapakipakinabang, ngayon ay, marahil, basura na.

pero hindi man ang abo ang kapakipakinabang. pero ang init at ang silab mismo ang mahalaga. madaming silbi ang nagagawa ng silab at ng init.

habang pinapanuod kong kainin ng apoy ang papel, naisip ko na ako marahil ang papel. dating buo, may silbi. pero nilamon ako ng apoy. kinakain ako ng matinding pagmamahal ko sa Diyos. hanggang sa ako'y maging abo.

ang silab, kapag lumaki, ay mahirap nang pundihin pa. lalo pa itong lalaki hanggang sa kainin na nito ang lahat ng kaya nitong maabot.

ganoon ako kamahal ng Diyos ko. ganoon katindi ang pagmamahal niya sakin. sa tindi, nilamon na ako nito para maliwanagan nawa ang marami. at sa tindi ng pag-ibig na ito, nanalig ako sa kanya.

at sa lahat lahat, praise God!

Sunday, April 5, 2009

baby shark tenentenentenen at kung bakit katumabas ng dalawang gills ang nararamdaman ko ngayon

gaano man katalas ang ngipin ng pating ay hindi nito kayang kumain ng kahit anong mas malaki pa dito.

kwento ni roald dahl sa james and the giant peach, hindi kinayang kainin ng mga umaaligid na pating ang lumulutang na higanteng prutas. mahahaba daw kasi ang mga mukha nito kaya hindi maabot ng mga ngipin ang malambot na peach.

wala akong gaanong kaalaman tungkol sa mga pating. liban na lang sa nakakatakot sila dahil nangangain. at meron silang gills.

biro ng titser ko saking mga kaibigan, "kapag pinagsama mo ung dalawang gills ng shark, yun ang nararamdaman mo para sa kanya... gi-GILL!"

at tumawa ako ng tumawa. tumawa ako na tila wala ng bukas. bumenta sakin ang biro at mahirap nang alisin pa. kaya hanggang ngayon, matapos ang madaming araw, ay naaalala ko pa din. at nangingiti kapag dumaplis sa isip. tamang pagtatapos sa isang magandang semestre.

ako man ay nang-gigigil. gigil na gigil. gigil na gigil sa pag-ibig.

pag-ibig sa maraming bagay. at higit sa lahat, sa aking Diyos.

gigil na gigil dahil minahal niya ako ng sobra. sobra sobra na ito ay siksik, liglig at umaapaw. sobra sobra na alam kong wala na akong aalalahanin pa.

gigil na gigil dahil minamahal niya ako kahit pa madami akong mali. kahit pa hindi ako perpekto. kahit pa minsan tinutulak ko siya palayo.

gigil na gigil dahil mamahalin niya ako habang buhay dahil anak niya ako. mamahalin niya ako kahit hindi ko ito matumbasan. dahil lang anak niya ako at ama ko siya.

at dahil sa pag-ibig na ito, nalalagay ako sa tahimik. napapanatag ako. nawawala ang lahat ng takot, gaano man ito kalaki.

matalas ang ngipin ng pating. pero gaano man ito katalas, hindi nito kayang kumain ng kahit anong mas malaki pa dito.

hindi kailanman kayang kainin ng takot ang tindi ng pag-ibig sakin ng Diyos. mas malaki ang aking Panginoon kaysa sa lahat ng bagay, kaysa sa lahat ng takot. at dahil dito, panatag akong pagkatiwalaan siya sa kahat lahat.

sa huli, papuri sa kaitaasan.

Tuesday, March 31, 2009

upod-upod

pudpod na halos ang tsinelas na suot ko ngayon.

ang tsinelas na nagdala sakin sa kung saan saan at nakasama kong humarap sa kung anu-ano. ang tsinelas na dating bago, ngayon ay halos butas at pruo kulubot.

upod-upod ang tawag ni tita chatty kay angel noong bata kami. palagi niya kasi itong sinasama sa kung saan-saan. upod sa salitang ilonggo ata ay 'sama'. at sa ilang beses na umupod si angel kasama nila paula, minsan kasama ako minsan naman hindi, masasabi kong mas malapit kaming tatlo noong ganoon lang ang buhay namin. masaya kaming magkakasama.

siguro ngayon, sa aming tatlo, ako na ang upod-upod. hindi man sa mga lakad ng pamilya, mula ng nagdalaga kami ay nabawasan na ang mga gala ng angkan, pero siguro sa buhay kong misyonero. misyonero hindi lang para sa kabataan pero para na din sa serbisyong bayan.

ngayon, nabubuhay ako mula sa aking bag. para akong pagong na palaging dala ang aking bahay sa aking likod o balikat. at tanging ang tsinelas na suot ko ang proteksyon mula sa karahasan ng mundo.

inaamin ko na minsan nakakapagod, na minsan gusto ko na lang umuwi at matulog, pero kahit ano pa ang pagod na nararamdaman ko, wala iyon sa saya na dulot ng paglilingkod. kahit pa minsan, na sa layo ng nararating ko ay hindi ko na naiintindihan ang dialekto ng mga nakakasama ko. kahit pa taliwas na sa inaasahan ang lahat, wala pa rin sa saya na dulot ng abot kamay na tagumpay.

sa huli, tanging ang tsinelas ko lang at ang Diyos ang kakampi ko sa mahabahabang lakwatsang ito. kahit pa ang tsinelas na suot ko ay halos mapigtas na sa tindi ng lubak ng daan.

Friday, March 27, 2009

jigsaw

mahirap buuin ang mga pira-pirasong sing-liit ng kuko sa hinliliit ng paa. liban sa nakakaduling, nakakabubog at mahirap pang pulutin.

pakiramdam ko ay nababasag na lang ako araw-araw. nanlulumo sa kapaguran at nanglalata sa mga kaganapan. sa bilis ng panahon, tila ba ako ay uugod-ugod sa kahahabol dito. sa billis ng panahon, malabo nang mahabol ko ang alon.

at sa bagal ng aking kilos, nadudurog ako. pinupulbos ang buo kong pagka-tao sa mabagal kong pagtakbo laban sa alon ng panahon. at ang pulobos ay nadadala na lang ng hangin tungo kung saan-saan, tungo sa kawalan.

kaya mahirap nang hanapin ang ga-pulbos kong pagka-tao. kaya mahirap simulan ang pagpulot sa dating larawan ng kung ano ako.

at kung hindi matapos ang pagpulot, hindi masisimulan ang pag-buo.

pero mahirap man hanapin at pulutin ang mga pira-pirasong sing-liit ng hinliliit ng paa, mainam ng simulan ko na ngayon. para, kung hindi man bukas, balang araw ay gigising akong buo na muli ako.

muli, kaligtasan ang aking dasal.

Saturday, March 21, 2009

TUYO pang almusal at kung bakit ayaw ko nun

hindi ko kailangman tinagkilik ang tuyo. o tabagak ika ni mami.

wala kasi siyang lasa liban na lang sa mantika na nanunuot sa isda habang ito ay piniprito.

hindi ko kailanman tinangkilik ang tuyo.

gaya ng utak na wala nang maisulat dahil tigang na sa kaalaman.

parang bibig na wala nang mabigkas dahil salat na sa karunungan.

kaya hindi ko kailanman tinangkilik ang tuyo, wala kasing nakukuhang sapat na nutrisyon mula dito.

at muli, kaligtasan at lakas pa din ang aking dasal.

Wednesday, March 18, 2009

KAY LUNA AT KAY SOL, at kung kinakian nga ba ng buwan ang araw kapag gabi and vice versa

ang umaga ay nagsisimula matapos ang gabi. at ang gabi ay nagsisimula matapos ang umaga.

para kay sol, na dating ako, tandaan mo na sa sinag ng ngiti ay nakakapapagaan ng loob. sa dinami-dami ng saya ng ating pinasamahan, at ating napamahagi, sapat na iyon para maalala kita. sana ay maintindihan mo na kailangan ko lang talagang umayon sa panahon kaya napabayaan na kita.

para naman kay luna, na persona ko ngayon, hindi sa pag-luha nadadaan ang lahat ng bagay. hindi sa pagtaas ng boses o pagkunot ng kilay matatapos ang mga problema. ang galit, gaya ng saya, ay nakakahawa at sana ay matandaan mo yan. aaminin ko na madalas gusto kita kalimutan bilang nasasaktan ako sa iyo. pero ikaw ay ako din. at ang pagkalimot sa iyo ay pagkalimot na din sa akin.

para ulit kay sol, na marahil nasa kasulok-sulukan ng katauhan ko, baka nga kinain ka ni luna kaya ka biglang nawala. baka inulam ka niya kasama ng mga bahaghari at bughaw na ulap na minsa'y namumuno sa aking buhay. ito marahil ang dikta ng panahon. hindi ko alam, hindi ko masabi, lalo pa at si luna pa ang persona ko ngayon.

para muli ay luna, na maaring kumain kay sol kaya siya nawawala, hindi ko alam kung paano, pero nararamdaan kong kakainin ka din ni sol. matatapos ka din at sa halip na ako ay ikaw kundi ako ay siya. mawawala ka din at si sol ang papalit.

mawawala si luna at si sol ang papalit. mawawala si sol at si luna ang papalit.

ang umaga ay nagsisimula matapos ang gabi. at ang gabi ay nagsisimula matapos ang umaga. gaya ng bilog nilang hugis, maaring hindi na matatapos ang siklong ito.

sa huli, pag-unawa at lakas ang aking dasal.

Wednesday, March 11, 2009

familia telenovela: mula mara clara hanggang sa tayong dalawa

tanging ang ideal lamang ang pinapalabas sa telebisyon. at sa telebisyon lang lumalabas ang ideal.

bata pa lang ako ay sinundan na namin ang buhay ni marimar. mula nung pinalabas siya sa channel 9 tapos nilipat sa channel 7. sinubaybayan din namin (tuwing hapon) sina rosalinda, camilla, chabellita, betty la fea, alicia at kung sino pang espaniolang maganda na lumaking mahirap na yun pala ay anak ng mayamang may-ari ng hacienda at ang hot papa na matagal nang sinusuyo si espaniola ay anak naman ng kaibigan, kung hindi man ay kaaway, ng tunay na pamilya ng babae pero sa huli ay mamayani ang pag-ibig!

syang pormyula ng isang telenovela noong kabataan ko.

sa gabi naman, tinangkilik namin ang esperanza, mula sa puso, pangako sa yo, it might be you, maging sino ka man at kung ano pang mga palabas na ang pamagat ay pamagat din ng kanta. at kung ano ang kwento ni espaniola na binanggit ko kanina, gayundin ang kwento ng pilipinang bida. palagi nga lang may tagpo na may kikidnapin at dadalhin sa bulok na warehouse o lumang terminal ng bus tapos magkakaroon ng sagupaan na hindi nauubusan ng bala ang bida. at siyempre, pagkatapos lang ng bakbakan darating ang pulis.

pero kahit baduy, pinanuod ko pa din.

at dahil nag-sawa ang mundo sa mga haciendero at haciendera, umuso naman ang mga koreano at koreana pati ang mga kwento nilang chummy lang talaga. kung saan kadalasan mamimili ang bidang babae sa dalawa nitong manliligaw at ang parehas na manliligaw ang anak ng ceo ng isang malaking kompanya o kung hindi man ay may-ari mismo ng kompanya.

lahat ng ito, mula dramarama sa hapon hanggang sa primetime bida, sinubaybayan namin ng pamilya ko.

dito kasi namin nakikita ang 'magandang buhay', ang ideal.

sa mga telenovela natutupad ang mga panaginip na kahit kailan ay hindi namin makakamit. sa mga telenovela lang natutupad ang mga pangarap ng malaking bahay at madaming kotse, pa din ng masarap na agahan na may hotdog, bacon at tasty bread at ang pag-kain ng hapunan ng sabay sabay.

telenovela ang nagdidikta ng merkado ng magandang buhay.

pero wala na akong panahon manood ng telenovela ngayon. hindi na rin nakukumpleto sa harap ng telebisyon ang pamilya ko. minsan na lang siguro.

siguro pasimuno ko bilang madalas na ang pag-uwi ko ng gabi, o kaya naman ay dahil palagi ng tulog ang nanay ko pagkatapos mag-rosaryo. pero hindi ko na talaga alam kung ano ang nangyari sa tayong dalawa. mas nasubaybayan ko pa ang mara clara na kung iisipin ay lagi ko lang tinutulugan dati. siguro nga sa oras at sa dami ng ginagawa. siguro din naman hindi.

kaninang umaga, sabay-sabay kaming nag-almusal.

kaninang umaga, nagkamustahan kaming pamilya sa hapag-kainan. gaya ng kung paano sila magkamustahan sa mga telenovela.

tanging ang ideal lamang ang pinapalabas sa telebisyon. at sa telebisyon lang lumalabas ang ideal. pero ang ideal ay nagbabago din dala ng panahon.

ito na marahil ang 'magandang buhay' para sakin.



Sunday, March 8, 2009

habulan

habulan ang laro namin palagi ni jojo, ang kapatid kong autistic.

kapag lalabas siya ng bahay para kumuha ng kendi sa tindahan, hahabulin ko kaagad siya. ganito kami halos araw-araw lalo na kapag naiiwan nilang nakabukas ang gate ng bahay.

pero kanina ang habulang hindi ko kailanman makakalimutan.

katatapos lang ng misa at pauwi na kaming magkakapatid, liban kay jojo na sadyang nagpa-iwan sa bahay, nang makasalubong namin siyang lumuluha at patakbo papuntang kapilya. agad kong kinuha ang braso ng umiiyak kong kapatid at inakbayan ito hanggang sa pag-uwi. laking gulat ko nga na hindi siya pumiglas o ano man, tahimik siyang umiiyak at nagpupunas ng luha. nag-alala ako. ang akin lang ay mapawi ang mga luha niya.

hindi ko makakalimutang umiiyak siya kanina.

minsan lang kasi umiyak ang kapatid ko. kaya habang naglalakad, iniisip ko kung ano marahil ang nagpa-iyak sa kanya. bakit pa niya kinailangan tumakbo sa direksyong hindi naman niya dati tinatahak?

ayaw ni jojo ang maiwan sa bahay mag-isa, sabi ni mama. malamang daw siguro matagal na niyang pinilit makalabas ng bahay para sumunod sa misa, kaso kinandado namin ang gate, akala kasi namin ayaw na niya talaga. dagdag pa ni mama, sinubukan din marahil ni jojo ang tumalon sa bakod para lang makalabas dahil nakita na lang niya na nasa lupa ang nasirang sandals ng kapatid ko. nasira umano sa pagtangka niyang tumalon ng bakod.

sira na ang sandals ni jojo. ang tanging sapin niya sa paa. at ayaw niyang mag-suot ng iba liban na lang sa dumi ng lupa na hinahayaan niyang tumubo sa kanyang talampakan.

hindi ko alam kung ano ang iniyakan niya, ang sandals o ang misa?

hindi ko alam. pero niyakap ko na lang si jojo baka sakaling gumaan ang loob niya. ayokong ayoko pa man ding nasasaktan ang kapatid ko.

naisip ko lang, hinayaan ni jojo na masira ang sandals niya sa pag-asang makahabol ng misa.

habulan ang laro ng mundo.

at kasama sa laro ang pagsusugal ng ilang mga mahahalagang bagay at ang mabigong makarating sa paroroonan.

sa huli, tanging pag-hilom lamang ang tangi kong dasal.

Tuesday, March 3, 2009

inflata-pools at kung bakit marso ang buwan ng mga pagtatapos

marso ang buwan ng mga pagtatapos.

alinsabay ng paglabas ng ilang mga kabahayan ng inflata-pool para sa mga bata, ay ang mga badya ng nalalapit na wakas.

alam ko, noong bata ako, kapag nilabas na ni mama ang inflata-pool sa bahay, hudyat na ito ng bakasyon. tapos na ang paghihirap sa eskwela at nagsisimula na kaming magdiwang sa loob ng plastik na tampisawan na halos braso na lang namin ang gumagalaw dahil sa sikip.

ito para sa amin, isama na din natin ang mais-con-hielo, ice candy at mango shake, ang pabuya ni mama para sa aming pag-aaral ng mabuti sa eskwela.

marso pa lang ay nilalabas na ni mama ang inflata-pool sa bahay.

marso pa lang ay damang-dama na naming magkakapatid ang nalalapit na pagtatapos ng pasukan.

pero madaming nagbabago matapos ang mahabang panahon.

marso ang buwan ng mga pagtatapos.

alinsabay ng pagkabutas ng inflata-pool sa bahay dahil sa labis na gamit ay ang pagtutuldok sa ilang mga bagay.

kaya ang dating taunang laruan bago matapos ang pasukan ay ginawa na lamang na trapal sa likod-bahay. wala na kasi itong pakinabang pa. hindi na kasi nito magagampanan ang dapat niyang silbi sa lipunan.

gaya ng ilang mga relasyon na wala nang patutunguhan, ay dapat lamang tuldukan.

lalo pa kung ito ay nagsgasan na at wala na sa dati nitong konteksto.

marso ang buwan pagkatapos ng pebrero.

marso ang buwan ng pagtutuldok sa mga relasyong wala ng patutunguhan pa.

pero sa bawat puwang ay palaging may hahalili.

marso ang buwan ng mga pagtatapos.

sa likod ng lahat ng alaala ng nakaraang taon ay ang pag-asang kung may mawala man ay may darating na bago.

at siyempre ang pangako na anuman ang mangyari, ang lahat ng alaala ay mananatili.

marso ang buwan ng mga pagtatapos, syang hudyat ng mga bagong simula.

Saturday, February 28, 2009

PAULIT-ULIT-ulit at kung bakit makulit ang batang makulit

ang kulit ni lola nanday.

wala nang mas kukulit pa.

kanina, makailang beses niyang tinanong sakin kung nainom na ba niya ang kanyang gamot. makailang beses din akong sumagot ng "opo lola, mamaya na pong alas-nuebe ulit." sabay balik sa binabasang libro at umaasang tatapikin niya ako ulit matapos ang ilang minuto.

kahapon naman, pauli-ulit niyang tinanong kung alam ko ba daw ang daan pauwi. at sa tuwing tanong niya, sumasagot naman ako ng "opo". siguro, naka-tatlong tanong siya hanggang sa dumating na ang pedicab sa tapat ng bahay nina tita.

kwento naman ni paula, kinulit siya ni lola ng kakatanong kung anak ba talaga siya ni ni tita chatty, maputi daw kasi masyado si pau para maging anak ni tita. dagdag pa niya sa akin "ang hyper talaga ni lola".

ito at marami pang iba, paulit-ulit si lola sa kanyang mga sinasabi.

at pauli-ulit din naman kaming nakikinig.

kung tutuusin, parang bata si lola. napakakulit. naaalala ko sa kanya si , liban kay mang romy na unang pumasok sa isip ko nung mamataan ang kakulitan ni lola, jevan. parehas silang makulit.

kapag nasa bahay ako, paulit-ulit sinasabi ni jevan na miss na daw niya ako. paulit-ulit niyang sinasabi ang kanyang mga gusto. paulit-ulit niyang sinasabi ang kung anu-ano. kaya siguro madali kong maalala.

siguro nga. kaya sila makulit, higit pa kasi nakalimutan nila na sinabi na nila, pero para maalala natin. para hindi makalimutan. para tumatak sa isipan.

makulit si lola.

at kahit ngayon ko lang siya nakita ulit, di ko siya makakalimutan.

praise God.

Saturday, February 21, 2009

GAAAAAHHHRRRR!!!!! at kung ano ano pang pagputok ng buchi

ayokong ayokong nagagalit.

nakakapangit, di lang ng mukha pati na din ng ugali.

nalaman ko kasi noong hayskul, walang magagawa ang pagalit kasi wala naman silang pakialam sakin.

minsan nagalit ako sa mga ka-grupo ko sa dula namin pero walang naganap. parang wala lang nangyari. wala man lang akong narinig na sorry.

kaya mula noon, alam kong walang magagawa ang pagsigaw, pagtaas ng boses at pag-walk-out dahil tumatak na sa isip ko na walang pakialam sakin ang mundo. walang pakialam ang mundo kung nasasaktan na ako nito.

ayokong nagagalit. kaya marahil dito ko na lang ilalagay ang lahat ng sama ng loob ko.

walang pakialam sakin ang mundo!
walang galang!
walang modo!

gaaahhhrrr!

hay

Wednesday, February 18, 2009

THE TUKO CHRONICLES 2: madaming creature sa bahay and beyond!

hindi lang tuko ang panganib sa buhay ko ngayon, maski ipis, daga at butiki jumujoin na din!

nakakapagtaka pero mas madaming daga sa bahay kaysa ipis.

oras-oras may naririnig akong plastik na yun pala ay ginagapangan na ng daga. o kaya naman ay nahanap na ni mousy ang tinapon kong balat ng fita. minsan pa nga, pagbukas ko ng drower ah may lumabas na daga na halos gapangan ang braso ko.

kadiri.

pero mas karimarimarim yung minsang nahigaan ko yung daga na nasa ilalim ng unan ko. yak lang talaga.

kadiring kadiri lang talaga.

pero higit pa sa bahay namin na pinupugaran na ng daga (pati na din ng langgam, tuko at ahas), mas matindi pa din sa opis.

doon naman,madaming butiki. matatabang butiki.

sa dami eh nagugulat na lang kami at dalawa-dalawa sila kung mahulog galing kisame. kanina nga si roni eh muntik nangmahulugan ng mga butiki.

baka nga tama si aprille, lumalanding ang mga butiki pagsapit ng alas sais. alas sais na din halos nung nangyari yun.

higit pa sa matatabang butiki na lumalanding sa opis eh madami ding ipis na pagapang-gapang sa sahig.

sakatunayan eh kinagat pa nga nito ang aking kaliwang mata! ganoon sila kasama! gawin ba namang ulam ang aking talukap.

ganoon na talaga karumaldumal ang mga kaganapan sa mundo.

kung dati, nakakapagod lang, ngayon nakakadiri na.

grabe lang talaga.

pero praise God pa din.

hay

Friday, February 13, 2009

what is love? at kung bakit nga ba siya blind at full of mystery or not

12:52.

balentayms na nga.

mamaya ay may balentayms parti kami kaya marahil nawalan na din ako ng gana magbitter dahil walang nagaaya ng deyt sakin. at ngayon ay puno na naman ng bulak ang aking kokote at naghahanap na ng unan at mahihigaan.

wala na talaga akong oras para sa pagibig, o kung ano ang persepsyon ko dati ng pagibig.

ngayon, ang oras ko ay nahahati sa pagbyahe, pagaral, paglapat ng dyaryo, paglakad at pagtulog o pagnasang makatulog. sa bilis ng mga kaganapan, huli na ng malaman ko ng pebrero na pala. siguro kung hindi dahil sa naglipanang nagbebenta ng bulaklak at lobo ay hindi ko mamamalayang pebrero na.

kasing bulag ko nga marahil ang pagibig. lab is blind ika nga. sa sobrang pagbigay ko ng pansin sa maraming bagay na nagaganap sa buhay ko, hindi ko na nakikita ang ilang bagay na nagaganap na mahalaga pala para sa akin. dahil sa dami ng nangyayari, madaming bagay akong nakakalimutan.

at hindi na ito nakapagtataka. kung meron akong pinagtatakhan ay yung gaano kabilis ang panahon.

parang kahapon lang nung maglapat ako ng isyu 21, tapos ngayon lumabas na ang isyu 24 nang hindi ko man lamang namalayan. hindi ko na naiintaindihan ang mga nangyayari kahit pa nakikita ko sila.

parang lab, full of mystery. dami daming nangyayari na hindi na natatanto ng pagod na isip.

wala na talaga. sa ilang letra pang ita-tayp ko ay zombi na ako. sadyang kasabawan na lang talaga ang mababasa ninyo sa iilan pang mga linya.

what is love?

ewan ko na lang. basta alam ko hindi siya blind at full of mystery.

1:20.

ZZzzz

Sunday, February 8, 2009

magic lampin

grabe lang talaga ang sakit ng tiyan ko.

hindi ko alam kung may nakain ba ako o ano. tapos naman na ako tumae kaya laking taka ko kung bakit masakit pa din. grabe lang talaga, kung pwede lang hugutin ang sikmura.

dahil sa sobrang sakit, binilinan ko si mama na talian ako ng magic lampin sa bewang.

mula pagkabata, naniniwala ako sa healing power ng magic lampin. kapag masakit ang ulo ko, bebendahan ako kagad ni mama sa may noo. kapag may kabag, sa may tyan na man ipupulupot si lampin. kapag masakit ang braso, itatali sa braso. pag paa, sa paa. pag sa ngipin, sa may ngipin. sa kahit anong sakit, magic lampin lang ang katapat.

at hindi pa kailanman pumalya ang magic lampin.

napagaling niya ang kahit anong karamdaman ko. matutulog lang ako na may may benda sa kung saan, kinabukasan sa paggising ko, wala na ang sakit. magic na magic diba? wala nang tanong-tanong, magic lampin ang sagot sa kahit anong kirot.

pero may mga bagay na hindi maaring talian ng lampin. at kung maari man, ay wa epek ang healing powers nito.

hindi pwedeng talian ng lampin ang puso para patahanin ang pagluha nito. hindi kasi madaling manggilit ng dibdib para lang mabendahan ang tumitibok na laman loob sa pagasang tumigil na ang pagkirot nito.

hindi rin pwedeng bendahan ang mukha sa pagasang gumanda sa pagsikat ng bukas. kasi ang pangit sa mata ng mundo, pangit magpakailanman. pasensyahan na lang. magulo kasi ang konsepto ng kagandahan dito.

lalong hindi pwedeng puluputan ng lampin ang utak. mas mahirap kasi bumasag ng bungo sa pagasang kapag mabendahan ang utak ay magbabago na ang pananaw sa buhay. aminin na natin sa hindi, mas masarap magpakalunod sa kadramahan.

masarap lumangoy sa luha at habag.

pero nakakalunod din madalas. wala kasing mangsasagip bilang karamihan ng mga nilalang ay abala sa paglangoy sa sarili nilang lawa ng awa.

sa wakas, dumating na din yung magic lampin. mainit-init pa galing plantsahan. agadko itong tinali sa aking tiyan, umaasang bukas paggising ko, mawala na ang kirot ng tiyan.

umaasa din ako na sa paggising ko, maganda na ako kahit pa alam kong niloloko ko lang ang sarili ko.

hay

pero sa likod ng lahat ng kadramahan, salamat pa din sa Diyos. dahil kung hindi man ako gumanda bukas, gagaan naman ang loob ko kahit papano.




sana mabasa niyo din ang akda bago nito...