Wednesday, May 6, 2009

bahay-bahayan

marahil nga, ano man ang mangyari, tayo ay domestic na mga nilalang. o kung ano man ang tawag mo dun.

ngayon lang ako nalapit sa pamilya ko. naalala ko dati, sa sobrang malayo ang loob ko sa kanila ay naglalaro ako ng bahay-bahayan kasama ang aking mga paper dolls at hinihiling na sana sila na alng ang pamilya ko. pero hindi, natuto akong magmahal ng pamilya.

at kung kelan naman sila napamahal sa akin ay saka naman ako palaging wala sa bahay at sa kung saan saan na lang nagpapalipas ng gabi. wag nawa ninyo akong pagisipan ng masama pero madami lang talagang ginagawa sa trabaho, sa paaralan at sa misyon. at madalas, lalo na kapag weekend, ay sa kung saan-saan ako natutulog. halos linggo linggo na nga kung tutuusin.

hindi naman ako nagbubulakbol o kung ano man kapag wala ako sa bahay. nakakatawa nga kasi kahit hindi man ako umuwi, ay parang kasama ko na din ang aking pamilya.

domestic kasi tayong mga nilalang ano man ang mangyari. kaya tuloy 'nanay'/ 'mommy' ang tawag sakin ng mga bata. kasi sa tuwing wala sila sa kani-kanilang mga bahay, naghahanap sila ng parent-figure higit pa para tingalain pero para mag-gabay sa kanila, manglibre, umubos ng mga tira at manglibre pa ulit.

labag man sa loob ko na tawagin nila akong nanay, ibig sabihin kasi nito ay matanda na talaga ako, pero natutunaw ang puso ko tuwing naririnig ko ito. sa loob loob ko, tuwing naririnig ko iyon, mahal na mahal ako ng mga alaga ko. pakiramdam ko nanay na nanay na talaga ako.

pero kaakibat ng galak ay ang lunkot at takot ng responsbilidad na nakakubli sa salitang nanay tuwing tinatawag nila akong gayon. alam ko, higit pa sa mahal nila ako, ay kailangan kong magtino sa tuwing tinatawag nila akong nanay dahil tinitingala nila ako at umaasa sila sa akin.

tapos na nga marahil ang panahon ng bahay-bahayan. panahon noong kailan magloko man ako ay ayos lang. panahon noong ang mga anak ko ay paper dolls at kung mapugot man ang ulo nila ay scotch tape lang ang katapat. ngayon, ni mighty bond o greco ay hindi epektib para ipagdikit ang kung ano man ang mabiyak sa kanila, mapa-tuhod man yan o puso.

totoong tao na ang mga inaalagaan ko ngayon. mahal nila ako, at mahal na mahal ko sila. mahal na mahal ko sila na hindi ko kayang makita silang umiyak.

dahil domestic akong tao. at ano man ang mangyari, domestic pa din akong tao dahil sila ang mahalaga para sa akin.

amen

No comments: