mahirap buuin ang mga pira-pirasong sing-liit ng kuko sa hinliliit ng paa. liban sa nakakaduling, nakakabubog at mahirap pang pulutin.
pakiramdam ko ay nababasag na lang ako araw-araw. nanlulumo sa kapaguran at nanglalata sa mga kaganapan. sa bilis ng panahon, tila ba ako ay uugod-ugod sa kahahabol dito. sa billis ng panahon, malabo nang mahabol ko ang alon.
at sa bagal ng aking kilos, nadudurog ako. pinupulbos ang buo kong pagka-tao sa mabagal kong pagtakbo laban sa alon ng panahon. at ang pulobos ay nadadala na lang ng hangin tungo kung saan-saan, tungo sa kawalan.
kaya mahirap nang hanapin ang ga-pulbos kong pagka-tao. kaya mahirap simulan ang pagpulot sa dating larawan ng kung ano ako.
at kung hindi matapos ang pagpulot, hindi masisimulan ang pag-buo.
pero mahirap man hanapin at pulutin ang mga pira-pirasong sing-liit ng hinliliit ng paa, mainam ng simulan ko na ngayon. para, kung hindi man bukas, balang araw ay gigising akong buo na muli ako.
muli, kaligtasan ang aking dasal.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment