Tuesday, March 31, 2009

upod-upod

pudpod na halos ang tsinelas na suot ko ngayon.

ang tsinelas na nagdala sakin sa kung saan saan at nakasama kong humarap sa kung anu-ano. ang tsinelas na dating bago, ngayon ay halos butas at pruo kulubot.

upod-upod ang tawag ni tita chatty kay angel noong bata kami. palagi niya kasi itong sinasama sa kung saan-saan. upod sa salitang ilonggo ata ay 'sama'. at sa ilang beses na umupod si angel kasama nila paula, minsan kasama ako minsan naman hindi, masasabi kong mas malapit kaming tatlo noong ganoon lang ang buhay namin. masaya kaming magkakasama.

siguro ngayon, sa aming tatlo, ako na ang upod-upod. hindi man sa mga lakad ng pamilya, mula ng nagdalaga kami ay nabawasan na ang mga gala ng angkan, pero siguro sa buhay kong misyonero. misyonero hindi lang para sa kabataan pero para na din sa serbisyong bayan.

ngayon, nabubuhay ako mula sa aking bag. para akong pagong na palaging dala ang aking bahay sa aking likod o balikat. at tanging ang tsinelas na suot ko ang proteksyon mula sa karahasan ng mundo.

inaamin ko na minsan nakakapagod, na minsan gusto ko na lang umuwi at matulog, pero kahit ano pa ang pagod na nararamdaman ko, wala iyon sa saya na dulot ng paglilingkod. kahit pa minsan, na sa layo ng nararating ko ay hindi ko na naiintindihan ang dialekto ng mga nakakasama ko. kahit pa taliwas na sa inaasahan ang lahat, wala pa rin sa saya na dulot ng abot kamay na tagumpay.

sa huli, tanging ang tsinelas ko lang at ang Diyos ang kakampi ko sa mahabahabang lakwatsang ito. kahit pa ang tsinelas na suot ko ay halos mapigtas na sa tindi ng lubak ng daan.

No comments: