Sunday, April 5, 2009

baby shark tenentenentenen at kung bakit katumabas ng dalawang gills ang nararamdaman ko ngayon

gaano man katalas ang ngipin ng pating ay hindi nito kayang kumain ng kahit anong mas malaki pa dito.

kwento ni roald dahl sa james and the giant peach, hindi kinayang kainin ng mga umaaligid na pating ang lumulutang na higanteng prutas. mahahaba daw kasi ang mga mukha nito kaya hindi maabot ng mga ngipin ang malambot na peach.

wala akong gaanong kaalaman tungkol sa mga pating. liban na lang sa nakakatakot sila dahil nangangain. at meron silang gills.

biro ng titser ko saking mga kaibigan, "kapag pinagsama mo ung dalawang gills ng shark, yun ang nararamdaman mo para sa kanya... gi-GILL!"

at tumawa ako ng tumawa. tumawa ako na tila wala ng bukas. bumenta sakin ang biro at mahirap nang alisin pa. kaya hanggang ngayon, matapos ang madaming araw, ay naaalala ko pa din. at nangingiti kapag dumaplis sa isip. tamang pagtatapos sa isang magandang semestre.

ako man ay nang-gigigil. gigil na gigil. gigil na gigil sa pag-ibig.

pag-ibig sa maraming bagay. at higit sa lahat, sa aking Diyos.

gigil na gigil dahil minahal niya ako ng sobra. sobra sobra na ito ay siksik, liglig at umaapaw. sobra sobra na alam kong wala na akong aalalahanin pa.

gigil na gigil dahil minamahal niya ako kahit pa madami akong mali. kahit pa hindi ako perpekto. kahit pa minsan tinutulak ko siya palayo.

gigil na gigil dahil mamahalin niya ako habang buhay dahil anak niya ako. mamahalin niya ako kahit hindi ko ito matumbasan. dahil lang anak niya ako at ama ko siya.

at dahil sa pag-ibig na ito, nalalagay ako sa tahimik. napapanatag ako. nawawala ang lahat ng takot, gaano man ito kalaki.

matalas ang ngipin ng pating. pero gaano man ito katalas, hindi nito kayang kumain ng kahit anong mas malaki pa dito.

hindi kailanman kayang kainin ng takot ang tindi ng pag-ibig sakin ng Diyos. mas malaki ang aking Panginoon kaysa sa lahat ng bagay, kaysa sa lahat ng takot. at dahil dito, panatag akong pagkatiwalaan siya sa kahat lahat.

sa huli, papuri sa kaitaasan.

No comments: