hindi sa lahat ng oras nananalo ang mas malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.
karumaldumal. marahil sa lahat ng laro noong bata ako ay ito ang pinaka-hindi ko na-pusuan. una dahil hindi ito maka-tao, o maka-hayop kung ano man ang mas tama. pangalawa kasi bawal yata siya sa paaralan dahil sa unang rason. pero higit sa lahat dahil kadiri lang talaga para sa aking mga mata ang gagamba.
at tanging armas nila ay ang kanilang napaka-daming mga paa/kamay na kinaiinggitan ko. na sana ako din ay may ganun kadaming galamay. nang sa gayon magawa ko ang lahat ng bagay na kailangan gawin.
na sana ngayon habang tinatayp ko itong blog na ito ay may isa pa akong kamay para magdial sa telepono. at isa pang kamay para tapusin ang props na gagamitin namin bukas. isa pa ding kamay para magtext. at ilang pang mga kamay para magtayp sa message box sa ym sa apat kong kausap. pati pa nga pala isa pang kamay para hanapin ang nawawalang faci kit na kailangan na ngayong gabi.
at wala akong matapos (o magawa pa) ni isa bilang sabay sabay sila. at parang nagugulo na ang aking utak kung ano ang gagawin/sasabihin.
pero hindi sa lahat ng oras nanalo ang malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.
ngayon halos papikit na ang mata ko sa antok at namamaho na dahil buong araw akong nasa labas ng bahay. kung pwede lang ay bigyan nawa ako ng ilan pang mga kamay para makaligo pero matapos pa din ang mga kailangan tapusin.
pero hindi pwede. hindi ako gagamba at dadalawa lang ang kamay na meron ako. at kaya ko lamang gawin ang kaya ng dalawang kamay ko.
at sa papikit-pikit na moda ng aking mga mata, dala marahil ng pagod, pinaaalalahanan ko na hindi ako susuko.
hinding hindi ako susuko.
dahil hindi sa lahat ng oras nanalo ang malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.
praise God!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment