Sunday, March 8, 2009

habulan

habulan ang laro namin palagi ni jojo, ang kapatid kong autistic.

kapag lalabas siya ng bahay para kumuha ng kendi sa tindahan, hahabulin ko kaagad siya. ganito kami halos araw-araw lalo na kapag naiiwan nilang nakabukas ang gate ng bahay.

pero kanina ang habulang hindi ko kailanman makakalimutan.

katatapos lang ng misa at pauwi na kaming magkakapatid, liban kay jojo na sadyang nagpa-iwan sa bahay, nang makasalubong namin siyang lumuluha at patakbo papuntang kapilya. agad kong kinuha ang braso ng umiiyak kong kapatid at inakbayan ito hanggang sa pag-uwi. laking gulat ko nga na hindi siya pumiglas o ano man, tahimik siyang umiiyak at nagpupunas ng luha. nag-alala ako. ang akin lang ay mapawi ang mga luha niya.

hindi ko makakalimutang umiiyak siya kanina.

minsan lang kasi umiyak ang kapatid ko. kaya habang naglalakad, iniisip ko kung ano marahil ang nagpa-iyak sa kanya. bakit pa niya kinailangan tumakbo sa direksyong hindi naman niya dati tinatahak?

ayaw ni jojo ang maiwan sa bahay mag-isa, sabi ni mama. malamang daw siguro matagal na niyang pinilit makalabas ng bahay para sumunod sa misa, kaso kinandado namin ang gate, akala kasi namin ayaw na niya talaga. dagdag pa ni mama, sinubukan din marahil ni jojo ang tumalon sa bakod para lang makalabas dahil nakita na lang niya na nasa lupa ang nasirang sandals ng kapatid ko. nasira umano sa pagtangka niyang tumalon ng bakod.

sira na ang sandals ni jojo. ang tanging sapin niya sa paa. at ayaw niyang mag-suot ng iba liban na lang sa dumi ng lupa na hinahayaan niyang tumubo sa kanyang talampakan.

hindi ko alam kung ano ang iniyakan niya, ang sandals o ang misa?

hindi ko alam. pero niyakap ko na lang si jojo baka sakaling gumaan ang loob niya. ayokong ayoko pa man ding nasasaktan ang kapatid ko.

naisip ko lang, hinayaan ni jojo na masira ang sandals niya sa pag-asang makahabol ng misa.

habulan ang laro ng mundo.

at kasama sa laro ang pagsusugal ng ilang mga mahahalagang bagay at ang mabigong makarating sa paroroonan.

sa huli, tanging pag-hilom lamang ang tangi kong dasal.

No comments: