grabe lang talaga ang sakit ng tiyan ko.
hindi ko alam kung may nakain ba ako o ano. tapos naman na ako tumae kaya laking taka ko kung bakit masakit pa din. grabe lang talaga, kung pwede lang hugutin ang sikmura.
dahil sa sobrang sakit, binilinan ko si mama na talian ako ng magic lampin sa bewang.
mula pagkabata, naniniwala ako sa healing power ng magic lampin. kapag masakit ang ulo ko, bebendahan ako kagad ni mama sa may noo. kapag may kabag, sa may tyan na man ipupulupot si lampin. kapag masakit ang braso, itatali sa braso. pag paa, sa paa. pag sa ngipin, sa may ngipin. sa kahit anong sakit, magic lampin lang ang katapat.
at hindi pa kailanman pumalya ang magic lampin.
napagaling niya ang kahit anong karamdaman ko. matutulog lang ako na may may benda sa kung saan, kinabukasan sa paggising ko, wala na ang sakit. magic na magic diba? wala nang tanong-tanong, magic lampin ang sagot sa kahit anong kirot.
pero may mga bagay na hindi maaring talian ng lampin. at kung maari man, ay wa epek ang healing powers nito.
hindi pwedeng talian ng lampin ang puso para patahanin ang pagluha nito. hindi kasi madaling manggilit ng dibdib para lang mabendahan ang tumitibok na laman loob sa pagasang tumigil na ang pagkirot nito.
hindi rin pwedeng bendahan ang mukha sa pagasang gumanda sa pagsikat ng bukas. kasi ang pangit sa mata ng mundo, pangit magpakailanman. pasensyahan na lang. magulo kasi ang konsepto ng kagandahan dito.
lalong hindi pwedeng puluputan ng lampin ang utak. mas mahirap kasi bumasag ng bungo sa pagasang kapag mabendahan ang utak ay magbabago na ang pananaw sa buhay. aminin na natin sa hindi, mas masarap magpakalunod sa kadramahan.
masarap lumangoy sa luha at habag.
pero nakakalunod din madalas. wala kasing mangsasagip bilang karamihan ng mga nilalang ay abala sa paglangoy sa sarili nilang lawa ng awa.
sa wakas, dumating na din yung magic lampin. mainit-init pa galing plantsahan. agadko itong tinali sa aking tiyan, umaasang bukas paggising ko, mawala na ang kirot ng tiyan.
umaasa din ako na sa paggising ko, maganda na ako kahit pa alam kong niloloko ko lang ang sarili ko.
hay
pero sa likod ng lahat ng kadramahan, salamat pa din sa Diyos. dahil kung hindi man ako gumanda bukas, gagaan naman ang loob ko kahit papano.
sana mabasa niyo din ang akda bago nito...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment