Friday, February 6, 2009

may dwende sa unan ni jojo!*

baka nga may kalarong dwende si jojo.

sabi kasi dun sa nabasa ko, may dwendeng kalaro din ang kapatid niya.

palaging may kausap, palaging nakatingin sa kawalan, palaging tumatawa magisa. baka nga, ika ni ginny na bida sa kwento, may kaibigan dwende ang kapatid niyang si caloy kaya ganun kung umasta. mas gusto pa yata ni caloy na kalaro at kausap yung dwende kaysa sa kanya.

naisip ko, ganun din si jojo. ganung-ganun din! palaging nakatingin sa kawalan. palaging may kausap kahit wala. palaging tumatawa magisa. baka nga may kaibigan dwende si jojo.

hindi lang yun, palagi niyang pinupulupot yung bangs nia, palagi niyang binubuksan ang mga gripo sa bahay, palagi siyang tumatakbo, palagi siyang oihikan sa pagkain. baka lahat ng ito ay utos ng kaibigan niyang dwende.

ika ni ginny, otisem ang pangalan ng dwende ni caloy.

otisem din ang dwende ni jojo.

dahil kay otisem, paulit-ulit na binubuksan ni jojo ang mga gripo sa bahay. dahil kay otisem, halos mapanot na si jojo sa kakapulupot ng kanyang bangs. dahil kay otisem, tumatae si jojo sa kanyang brip tuwing wala sa bahay si mama.

minsan, naaawa ako sa kapatid ko. kapag gabi nakikita ko siyang naglalaro ng mga laruan niya naluluha na lang ako. naiisip ko, paano kaya kung hindi siya autistic.

siguro, kung hindi siya autistic, nasa kolehiyo na din siya, sabay kaming papasok tuwing umaga, sabay din kaming uuwi. siguro, lider na din siya sa yfl kung magkaganoon. o kaya naman siguro ay may nililigawan na siya at mamalditahan ko lang kung sino man yun bilang magseselos talaga ako ng todo. siguro ibang-iba ang buhay namin kung hindi siya autistic. malayo sa kung ano ang meron kami ngayon.

madaming beses din naman na, sa halip na mahabag ako sa kondisyon ni jojo, napipikon ako sa kanya. lalo na tuwing binabaklas niya ang kamera ko, tuwing kumakaripas siya ng takbo papuntang tindahan para kumuha ng kendi, tuwing susulatan niya ang likod ng notebook ko ng 'zaido', 'paloma', 'saksi' atbp at sa marami pang bagay. minsan,mahirap lang talaga mahalin ang isang tulad ni jojo.

palaging sinasabi ni mama na blessing samin si jojo. minsan nahihirapan lang talaga akong makita iyon pero naniniwala naman ako.

siguro, kung hindi dahil kay jojo, hindi ako matutong magtago ng mga gamit. dahil kay jojo, natuto akong siguraduhin na palaging nakasara ang gate para hindi siya matakbo papuntang tindahan para dumukot ng kendi. dahil kay jojo, natuto akong magmahal ng kapatid hindi dahil nauutusan ko siya o ano man o dahil special child siya, pero dahil kapatid ko siya at sapat na iyon.

kanina kausap na naman ni jojo ang kanyang unan. baka kausap niya ung dwende niyang kaibigan.

madalas-dalas na nakahiga na lang si jojo sa kama ngayon. tila ba walang gana sa buhay. madalas din siyang matamlay. hindi ko alam kung ano nangyayari sa kanya. di naman kasi siya nagsasabi. pero dahil dito, mas napapamahal sa akin si jojo. mas gusto kong tabihan siya para maramdaman ko kung sakali mang may sakit siya. mas gusto kong umuwi sa bahay dahil baka hinahanap na niya ako at hindi na naman siya mapakali. mas gusto kong yakapin siya palagi para lang masabi na mahal na mahal ko siya.

sana nga lang naiintindihan niya iyon. kung hindi man, sana nakikita ito gn dwende sa unan ni jojo. sana ibulong ng dwende sa kanya na mahal na mahal ko ang kapatid ko.

at sa lahat lahat, salamat pa din sa Diyos

*pasintabi kay lara saguisag

No comments: