Friday, November 20, 2009

right minus wrong

hobby ko ang mag-exam.

excited na excited ako mag-aral noon. gustong-gusto ko yung nagrereview. gustong-gusto ko yung nagkukulay ng notebook. gustong-gusto ko yung nagre-rewrite ng lecture. excited na excited ako kapag mage-exam.

pagdating ng klasrum kinabukasan, ligayang-ligaya naman ako. makikisawsaw ako sa mga nagrereview, yung mga nagtatanungan, at magpapakitang gilas dahil feel na feel ko na ang dami kong alam. tapos kukuntsabahin ko na yung isa kong kabarkada para makipag-unahan sa pagsagot ng exam.

kinasasabikan ko yung pagdating ng test paper. humahaba yung leeg ko kapag nakita kong pumasok na yung taga-admin na nag-aabot sa titser namin nun. feel kong gusto ko na makita yung mga tanong. feel kong gusto ko na magsagot. at pag-abot ng paper, right minus wrong pala.

parang ayaw ko na mag-exam.

impatient kasi ako. ayaw ko yung nagtatagal sa isang tanong para lamang masinop at siguradong tama yung sagot. ayaw ko din yung nagiiwan ng blangko, hangga't maari ay puno ang papel ko ng sagot. para sakin, ayos lang ang kahit anong sagot, basta tunog tama at makatapos ako ng maaga. hindi ito uubra sa right minus wrong na exam.

mahirap kasi ang magkamali sa ganung klase ng exam. kahit gaano man kadami ang tama, basta mayroong mali, malaki ang tsansa na babagsak pa din [halimbawa sa 10 pts na exam, kahit pa 7 ang tama tapos bawasan ng 3 mali, edi 4 na lang yung score, bagsak at all levels!].

magulo, masaklap at hindi makatao, pero yan ang katotohanan ng mundo. ang buhay, parang exam, madalas right minus wrong. kahit madalas tayong tama at minsan lang magkamali, malaki pa din ang epekto nito sa ating pagkatao at sa pagtingin sa atin ng iba. gayunpaman, hindi tayo titigil hangga't wala tayo sa tama. hindi tayo titigil hangga't meron pa ding mali.

yan tuloy, parang namiss ko ang mag-exam.

No comments: