Thursday, September 10, 2009

koala bear baby

Parang koalang nakakapit sakin si Jevan kanina. Dapat kasi ay mag-aaral siya ng spelling ng numbers pero dahil kakakain lang niya, at gaya ng isang normal na pasaway na bata, ay tinatamad siyang mag-aral. Hindi ko siya masisisi, ako man ay tinatamad magsulat ng thesis proposal ko kanina, siguro gawa na din ng panahon - maulan kasi at malamig. Kaya ang tagal-tagal niyang hawak ang reviewer na gawa ni Mama habang nakatayo sa may tabi ko. Nagpapa-kyut at nilalamutak ang papel na hawak niya. Malakas kasi sakin ang bunso kong kapatid, kaya nadala ako ng pagpapa-kyut niya. Hinagip ko siya at pinaupo sa may hita ko baka sakali makumbinsi ko si Jevan na mag-aral. Binilinan din kasi ako ni Mama na turuan siya ng spelling. Balak ko noon ay basahin namin nang malakas ang nakasulat sa papel. Pero niyakap ako ng bata. Para siyang koalang nakayakap sakin kanina. Mahigpit ang kapit. Tila takot na baka bumitaw ako. Pero ano ang kailangan niyang ikatakot? Mahal ko siya at mahal niya ako, hindi pa ba sapat iyon para mapanatag siyang hindi ko siya pababayaan? Walang dapat ikatakot. Pero sa pagyakap niya sakin kanina naramdaman kong may sinat na naman si Jevan. May sakit na naman si Jevan. Hindi na ito bago bilang sakitin naman talaga siya, pero malungkot pa rin yun. Minsan pa nga naaawa ako sa kanya kasi hindi siya makapag-laro gaya ng isang normal na bata. Hindi naman kasi siya normal na bata, mayroon siyang butas sa puso kaya mabilis siyang hingalin. Hindi rin siya makapagsalita nang maayos dahil nahihirapan siyang huminga. Kaya tuloy hindi siya maintindihan ng karamihan. Sabi ni mama, ‘weakling’ daw ang tingin sa kanya sa klase nila noon. Pero hindi siya ‘weakling’, hindi lang siya pinalad. Hindi man siya pinalad ng isang normal na buhay, nakakalibang naman panoorin si Jevan. Sinisikap niyang maging isang normal na bata. Nakikipaglaro sa mga normal na bata kahit napapagod siya agad at nakikipagusap sa mga normal na tao kahit na nahihirapan silang intindihin siya. Naiintindihan ko si Jevan kahit pa hindi ko mawari ang kanyang mga sinasabi. Hindi naman kasi kailangan ng salita para magpahayag ng damdamin. Nung niyakap niya ako kanina, narinig ko ang hirap niyang paghinga at ang mabilis na tibok ng kanyang puso. Mainit na naman si Jevan, gaya nu'ng mga nakaraang araw. Mukhang hirap na hirap na naman siya. Nanghihina na naman ang kanyang katawan. Parang koalang nakakapit sakin si Jevan kanina, kaya tuloy dinig na dinig ko ang mabilis niyang paghinga.

No comments: