Wednesday, November 24, 2010

langaw

Halos tatlong linggo na din ako sa bago (katunayan, una) kong trabaho.

Mula sa anim na buwang katamaran (ayon sa popular na kultura, tawag nila dun ay "bum") ay sinabak ko ang sarili ko sa magulo pero maayos na mga lansangan ng Ayala.

Medyo nasanay na din ako sa pagcommute, pagpila sa terminal, paggising nang maaga at kung ano pa. Alas-sais ako kung umalis ng bahay para makapila sa terminal ng mga 6:30. Depende sa dami ng tao sa pila o sa bagal ng trapik, makakarating ako sa opis ng mga 7:45-8:00. 8:30 ang call time sa opis, 8:45 kung may tawad. Minsan nga sinusumpa ko ang sarili ko sa pagpasok nang maaga, bilang puyat at pagod mula kagabi. Pero wala akong magagawa, dahil kung mahuli ako ng kahit trenta minutos lang ay tanghalian na ang maaabutan ko sa opisina. Kaya tinatyaga ko ang pagpila ng 6:30 ng umaga.

Hindi ko maiwasan ang lumibot ang tingin lalo na kapag wala akong maka-usap sa pila. Halos pare-parehas ang suot ng mga taong nakakasabay ko-- naka polo at slacks, parang pupunta ng opisina. Eh sa opisina nga naman ang tuloy ng mga tao. Bibihira lang ang nakikita kong naka-maong at t-shirt. Siguro, kung hindi lang iba-iba ang kulay (kadalasan nagre-range mula sa white, gray, blue, black) na suot ng mga tao, aakalain kong naka-uniform sila. Minsan nga naiisip ko, na parang hindi yata ako bagay sa mga katabi ko. Para akong "fly on the wall" ika nga nila.

Higit pa sa damit, paborito kong tingnan ang mga sapatos, lalo na sa mga babae. Inggetera kasi ako. Wala ni isa sa mga sapatos na sinusuot ko pang opisina ang maikukumpara sa mga suot nila. yung akin kasi ay lumang-luma na at madumi. Yung kanila, mukhang bagong kiwi. Minsan may dumapong langaw sa paa ko. Dahil laki naman ako sa hirap, sanay naman akong nilalangaw. Pero ang hindi ko matanggap ay nung tiningnan ko yung paa ng katabi ko, hindi naman siya nilalangaw. Gayun din yung mga sumunod sa kanya. Ako lang ang nilalangaw sa buong pila!

Mabaho kaya ako? Tinanong ko ang sarili. Bakit bukod tanging ako lang ang nilalangaw? Wala naman ako sigurong natapakang tae noh? Hindi bagay sa get-up ko ang langaw na yun. Paulit-ulit kong pinapadyak ang paa ko sa semento para bugawin yung langaw. Pero balik ito nang balik hanggang sa makasakay na ako ng FX.

Hindi nawala sa isip ko yung langaw. Bumaba ako sa magulo ngunit maayos na babaan ng mga sasakyan sa Ayala na iniisip kung bakit nilalangaw yung paa ko noong umaga. Wala gaanong langaw dito, sabi ko sa sarili ko. Hindi siguro kakayanin ng langaw ang mabuhay sa ganitong lugar, masyadong maayos na nakakasuka at magulo na nakakabaliw. Binubugaw ng kaayusan at kaguluhan ang langaw papalayo, pabalik sa kung saan ito galing.

May tatlong linggo na din akong nagtratrabaho dito sa Ayala. May tatlong linggo na din akong naglalakad na parang hindi nabibilang sa laksa-laksang tila-zombieng naka-polo na nakakasabay pag umaga. May tatlong linggo na din akong di makasabay sa takbo ng buhay ng karamihan--yung magulo ngunit maayos na kilos ng madla. Binubugaw ako ng kaayusan at kaguluhan, pero hindi ako papatalo.

Saturday, September 4, 2010

second trip

wala na 'to.

sabi ko sa sarili ko. mukhang wala na 'to. tatlong linggo na, di pa din sila tumatawag. baka nga kako, di na nila ako tatawagan. ever.

siguro nga ganyan pag job hunting. umaasa, nabibigo. sa isang banda, akala mo okay na. tapos bigla na lang hindi na pala. pero sa huli palagi at palagi pa ding umaasa.

parang pag-ibig.

akala ko talaga wala na. pero hindi ayos pa naman pala.

umalis na yung second trip, pero gaya nung una, di ako nakasakay. siguro mabagal ako, o baka kasi mapili ako. pero gaya ng nasabi na, patuloy pa din akong umaasa.

palagi at palagi akong aasa. kahit pa tingin kong wala na talaga.

Wednesday, August 25, 2010

walang kukurap, walang hihinga

parang pagbunot ng winning entry sa raffle draw. parang announcement ng winner sa beauty pageant. parang paglabas ng huling digit sa lotto.

yung panandaliang katahimikan, walang kumikibo, walang humihinga. lahat naka-pokus sa susunod na magaganap. walang kumukurap kasi baka may malampasan.

tila tumigil ang oras. di mabasag ang katahimikan. ni hangin ayaw na umihip, parang nakikiabang din sa mga mangyayari.

kumbaga sa sine, naka-slow mo ang lahat. pulga-pulgada ang galaw. maski ang pagbukas ng bibig, inaabot ng mahigit isang oras.

parang suspense film lang. walang kumukurap. walang humihinga.

Wednesday, August 11, 2010

case closed

walang misteryo.

yan ang laging sinasabi ng idol kong si conan, yung batang detective na hindi naman talaga bata. anime na nauso noong kabataan ko, at may re-runs ngayon sa channel 7.

walang misteryo, meron lamang iisang katotohanan. bilang detective, ito ang trabaho ni conan, ang hanapin ang katotohanan sa likod ng bawat misteryo.

idol ko si conan, pati si sherlock holmes. lalong lalo na si sherlock holmes.

umabot ako dun sa punto na ginagaya ko ang kanyang deductions. na lahat ng bagay ina-acheive kong tingnan in a detective point of view. yung wala nang kelangan sabihin pa, alam ko na kasi right away based on my deductions. or so i think.

alam ko kung nasaan ka at kung saan ka most likely tatambay base lamang sa brief recollection ko ng schedule mo at alaala ng personality mo. kaya kong sabihin kung saan ka nanggaling depende sa amoy ng t-shirt mo. alam ko kung kelan ka naka-mobile kapag ka-chat ako base lamang sa letters na gamit mo.

akala ko, kaya kitang tantyahin sa lahat ng oras. pero may hangganan ang deductive powers ko.

gaya ng kung minsang kamuntik pumalpak sina conan at holmes. yung mga pagkakataon na napangungunahan sila ng kalaban, o kaya naman naman ng pagkakataon. pero dahil fiction sila, madalas happy ang ending. nagagawan nila ng paraan ang kapalpakan gamit lamang ang liksi at talino nila.

napangunahan ako ng init ng ulo. napangimbabawan ako ng inis. hindi ko na nagawang intindihin ka gaya ng nagagawa ko dati. hindi kita natantya. hindi ko nagawa ang "sherlock holmes-style".

nanghihinayang ako sa pagkakataon. sayang huli na. tapos na ang kaso, pero hindi ko na nakita ang katotohanan sa likod ng misteryo.

at gaya ng mga pagkakataong hindi nalulutas ang kaso, baon ito nina conan at holmes sa kanilang mga konsensya. ako naman, baon ko ang panghihinayang. sana lang, sana lang talaga.

Tuesday, July 27, 2010

first trip

Kung di ko bibilisan, maiiwan ako.

Lahat sila, all-set na. Nakasakay sa mga career na apat na taon nilang pinag-aralan. Marami sa kanila, nakatanggap na ng unang pay-roll, o kaya nama’y naghihintay na lang ng a-trenta.

Patapos na ang first trip papuntang corporate world. At hanggang ngayon, di pa din ako nakakasakay. Magkabilaan na ang mga status message ng mga ka-batch ko tungkol sa job-interview, payroll, OT at kung ano pa na related sa trabaho—na wala ako.

Lagi na lang akong naiiwan o napag-iiwanan, gaya ngayon. Noong nasa grade school pa ako, lagi akong naiiwan ng first trip ng serbis kasi lagi akong huli kung lumabas ng klasrum. Mabagal kasi ako kumopya ng lecture kaya huli na din ako kung makalabas.

Nakakapikon nga eh. Hindi ko naman kasalanan na madaming magpa-notes si ma’am ah. Nagkataon lang na mas mabilis magsulat yung mga kaklase ko at hindi kasi sila nagdadaldal pag kumokopya. Oh well. Milya-milya kasi kung magpa-notes yung mgs titser ko nung grade school, mga sampung blackboard ang haba, kaya hindi ako matatapos-tapos. Dagdag pa doon, lagi pang pinupulikat yung mga daliri ko sa haba ng mga lecture. Kaya ako huli.

Pero hanggang ngayon ba ako pa din ang huli?

Mukhang ewan yung nagsabi sakin na “kapag UP grad ka, the companies will come to you”. I-come-to-you mo mukha mo. Eh bakit wala pa ding sumasagot sa mga email ko? O, bakit walang tumatanggap sa akin matapos ang mga interbyu? Bakit wala pa din akong trabaho?

Minsan, matapos akong magpasa ng resume sa isang kompanya, sabi ni sir, “sayang naman kung mag pro-production assistant ka lang, UP grad ka pa naman” dagdag pa niya “wag ka mag-alala, in-demand naman ang mga graphic artists ngayon”.

Akala ko ba in-demand ang mga graphic artist [kaya nga ko nag-fine arts eh]? Ano ba ang ibig sabihin ng in-demand? Madaming trabaho ang naghahanap ng artist? O madaming artist ang naghahanap ng trabaho?

Madami ngang openings sa jobstreet at jobsDB. Pero mas madami yata kaming nag-aagawan para sa mga opening na yun. Yung status nga nung isang application ko sa jobstreet eh 512 applicants, 46 considered, 1 vacancy. Parang CRS lang. Pero buti pa ang CRS, kung hindi makuha sa 2nd at 3rd batch processing, may pre-rog pa naman.

Kaso walang ganun matapos ang college. Kung may pre-rog man sa corporate world, hindi laging happy ang ending. Kakaunti lang ang slot, ang dami-daming hopefuls, literal na hopefuls.

Ngayon naalala ko na kung bakit hindi ako nakakasabay sa first trip noong nasa grade school ako. Higit pa sa mabagal kasi ako kumilos, mabilis din kasi mapuno yung serbis. Nag-uunahan kaming maka-uwi para makanood ng Ghost Fighter o Akazukin Chacha o Zenki. Kaya pala wala akong gaanong alaala nung mga cartoon na yun, hindi pala kasi ako nagkaroon ng pagkakataon makanood.

Lipas na ang kabataan ko. Masyado nang huli para balikan pa ito.

Ayun. Nagpa-iwan na lang ako.

P.S. Sinong may alam kung sino ang patron saint ng mga un-employed? Pakiusap, pag alam
niyo, pasabihan ako. Salamat.

Wednesday, July 21, 2010

STOP

stop right now / thank you very much / i need somebody with a human touch

lahat ng bagay may katapusan.

kung ang line nga ay may endpoint, ang series ay may finale, ang relationships may break-ups. lahat ng bagay aabot sa puntong kelangan lang talaga matapos.

pero lahat ng katapusan ay siyang simula.

hey you / always on the run / gotta slow it down baby gotta have some fun

Tuesday, July 20, 2010

oops i did it again

i played with your heart / got lost in the game

aaminin ko minsan akong naging fan ni britney. lahat naman siguro ng mga babae nung panahong yun ay pipili laman kina christina aguilera, britney spears o mandy moore.

kaya ayun, sinubaybayan ko yung mga music bidyo niya noon. wala lang. fan nga eh.

paborito ko lalo yung kanta niyang oops i did it again. o yun nga ba yung title nun? palagi at palagi na lang kasing nauulit ang mga bagay, kahit di sadya. di lang talaga maiwasan.

oops you think i'm in love / that i'm sent from above / i'm not that innocent

Thursday, June 24, 2010

gas boy

minsan, wala lang talaga.

gustong-gusto ko yung amoy ng gasolina. di ko rin alam kung bakit. dati pag nagpapa-gas si papa, inaabangan ko na buksan niya yung bintana ng kotse para makapasok ng onti yung amoy. adik lang.

pero mula nung matuto akong mag-commute, at nawalan na din kami ng kotse at nagmahal pa ang presyo ng gas pati pamasahe, parang ayaw ko na.

bagaman gusto ko pa din yung amoy, ayaw ko naman ng pagkakataon.

hassle kasi kapag late ka na nga, tapos magpapa-gas pa yung jip na sinasakyan mo. malas lalo kapag chummy pa yung driver sa gas-boy at makikipagkwentuhan pa. nung minsan, mahigit isang oras akong nalate sa klase dahil halos lahat na lang yata ng gas station ay pinarahan ng driver nung jip. hindi man nagpapagas, nagpapabarya naman.

nakakainip talaga yang mga nagpapa-gas na yan. matagal pa kung bumuwelo.

pero ang mahalaga naman ay yung makarating sa paroroonan. kahit late na, at least nakarating pa din. yun naman ang mahalaga eh.

matagal man bumwelo, ayos lang. worth the wait naman. at least nandito na.

wala lang talaga. <3

Friday, June 18, 2010

counting sheep

one.

sabi nila, kapag hindi daw makatulog, magbilang daw ng tupa.

halos dalawang linggo na din, simula nung despedida ni mark, na hindi ako nakakatulog hangga't wala pang alas singko ng umaga. nasubukan ko na magbasa, pero wala pa din, kahit pa ilang libro matapos ko.

ang hirap. lalo na kapag pagod na pagod na ako. halos maiyak na nga ako kasi hindi ko makuha magpahinga kahit pa gusto ko. kung pwede lang, sana tulog na lang ako buong buhay ko.

two.

pero hindi pwedeng tulog na lang palagi.

ang hirap pa nga niyan ay puyat na nga ako, maaga naman ang gising ko. kelangan kasi humabol sa job hunting. buti nga may mga nakukuha akong raket. pero siyempre hindi pa din sapat.

nandito ako ngayon sa punto na nagiisip kung saan ba ako pupulutin. kung makakapasok kaya ako sa magandang kompanya, kung magkakaroon ng mataas na sahod, kung aarangkada ba ang karir ko.

three.

karir. isang magandang karir.

sana ganun lang kadali yun. pero paano ako magkakaroon ng magandang karir kung hindi naman bagay sa akin ang propesyon ko? paano ako magiging isang magaling na artist kung hindi naman ako marunong magdrawing?

sa totoo lang, hanggang magandang cover letter lang ang kaya kong gawin. pangit kasi ng portfolio ko.

four.

pero ganun na lang ba talaga yun?

na kaya tayo nagaaral ay para magkaroon ng 'stable career' pagkagraduate? at kaya nagkukumahog tayo makapasok ng magandang paaralan ay para pag-agawan kuno ng mga kompanya?

sa tingin ko hindi.

five.

ang pagaaral ay higit pa para magkaroon ng isang magandang karir.

at hindi totoo na kapag gumraduate ka mula sa isang magandang paaralan ay pagaagawan ka ng kompanya. kelangan pa din patunayan ang sarili, higit pa sa kung anuman.

pero paano ko papatunayan ang sarili ko sa mundong wala namang bilib sa akin?

six.

kung sabagay, ako man ay walang bilib sa sarili ko.

kaya nga sa bahay lang ako matapang. sa kapatid ko binubuhos lahat ng hinanakit ko. kaya madalas nasasaktan ko sila, hindi ko man sinasadya.

pero sana alam nila, na sa bawat sakit na binibigay ko sa kanila, higit pa ang balik nun sa akin.

seven.

sakit at saya. pain and pleasure.

content and discontent, bliss and grief, security and insecurity. sa'yo ko lang nararamdaman lahat ng iyan ng sabay-sabay.

hinding-hindi mapapawi ang luha at ngiti na dala mo sa kin. dala-dala ko ito kahit sa panaginip.

zzz

Thursday, June 17, 2010

charades

Six words.

Naubusan na ako ng mga salita.

Hindi pala. Ang dami kong gustong sabihin pero walang lumalabas. Hindi ko mahanap ang mga tamang salita. Naisip ko, hindi kaya kung bakit wala na akong masabi ay kasi wala na talagang dapat sabihin?

Hindi naman siguro ganun. Palagi at palaging may sasabihin. Madalas lang na walang gustong makinig.

English. Taytel ng libro.

Nabasa ko sa Harry Potter and the Sorcerer’s stone: “It does not do to dwell on dreams and forget to live.”

Madalas ay ayaw ko na ang magising. Kung ako lang ay patuloy na lang akong mananaginip. Magpapakalunod na lang ako sa mga kathang isip kesa magising sa realidad na masaklap pa sa bangungot. Para sa akin, isang masamang panaginip ang hindi makapagsalita. Kung wala din naming masabi eh bakit kelangan pa magising?

Problema nga lang ay hindi naman ako makatulog. Paano gigising kung wala namang tulog kung saan ako dapat gisigin?

Fourth word, one syllable. Sounds like ‘eye’.

Alam mo yung feeling na mulat na mulat ang mga mata? Yung hindi talaga madapuan ng antok?

Minsan pa nga ay halos maiyak na ako dahil gustong-gusto ko na ang makatulog, pagod na pagod na kasi ako. Pero ayaw talaga kahit pa gaano pa kadiin ko ipikit ang mga mata ko.

Sana ganun lang kadali yun, pipikit lang ako tapos nandun na ako sa dreamland—kung saan kita kikitain.

Third word, one syllable. Sounds like ‘match’.

Bagay tayo. Sabi nila.

Sabi mo, huwag akong magsulat ng kolum tungkol na naman sayo. Dagdag mo pa, bakit hindi na lang ako sumulat tungkol sa araw ng kalayaan, o tungkol sa unemployment, o iba pang mga bagay. Madami namang iba diyan.

Pero paano ako susulat ng iba, kung ikaw at ikaw lang ang laman ng isip ko?

Sixth word, one syllable. Nakaturo ako sa’yo.

Ikaw nga. Ikaw na naman.

Hindi ka mawala sa isip ko. Palagi at palagi kang nasa panaginip ko kung makatulog man ako. At lahat ng bagay ay nakokonek ko sayo, mula amoy ng fabric conditioner hanggang pangalan ng mga santo. Minsan nga nakakita lang ako ng nakashorts ay naalala agad kita.

Hindi ka naman kasi nawala sa isip ko, kahit saan man ako naroroon.

Second word, one syllable. Sounds like ‘house’. Minus ‘s’.

Madalas ay nasa bahay na lang ako ngayon. Milya-milya ang layo mula sa kung saan ka man naroroon.

Sa bahay wala naman akong magawa kundi magbasa, wala na kasing ibang magawa. Minsan nga, nakakatapos ako ng tatlong libro sa iisang araw. Hindi lang kasi dahil walang magawa kundi pati na din kasi hindi ako makatulog.

Baka nga kako ganun, kaya wala akong masabi dahil, sa kakabasa ko, sa ibang tao ko napupulot ang mga dapat sabihin. Ibang tao ang nagsasabi para sakin.

First word, one syllable. Isang malaking question mark.

Pero ano nga ba ang dapat sabihin?

Fifth word, one syllable. Korteng puso.

Walang dapat sabihin, hindi naman kasi sapat ang mga salita. Parang sa charades kung saan hindi na kailangan ng salita, sapat na ang katahimikan para sa pagkakaintindihan.

Game.

Monday, May 10, 2010

sori sori sori

wala na ko sa tamang wari. kanina pa ako nakahiga pero hindi pa din ako dinadapuan ng antok. sa gulo kasi ng mundo natin, tulog na lang ang tanging solusyon ko.

1.
isang taon na diba? pero nasaan na tayo?

heto ako, at nandyan ka na sa kung saan ka man ngayon.

madalas, gusto kitang kamustahin. pero natatakot ako baka itulak mo lang ako palayo gaya ng dati. sa totoo lang, iyang pagtulak mo sakin sa bawat sikap kong kausapin ka ang siyang tuluyang nagpalayo ng loob ko sayo.

gusto kong humingi ng tawad, hindi na kita nahintay. akala ko kasi wala na. pero wala na nga ba talaga? hindi na ako aasa ng sagot, wala na rin naman tayong magagawa.

pero higit sa lahat, patawad dahil nasaktan kita. hindi ko naman ginusto iyon at mas masasaktan lang tayo kapag pinagpatuloy pa natin kung anuman ang meron noon. hindi kasi ako ang nararapat para sayo, hindi pa kasi kita kayang mahalin ng buong-buo noon.

isang taon na at malayo na tayo sa isa't-isa.

wala tayong inasahan, kaya wala din tayong napala. tuluyan na lang talaga tayong nalayo sa isa't-isa

2.
lagi na lang ako may atraso sayo. minsan nga naiisip ko na masyado na akong nasasanay sa pagtatampo mo. hobby mo na nga lang ba talaga ang magtampo?

sana hindi. dahil hindi ko kaya ang buong buhay ko na masama ang loob mo sa akin-- sa amin.

patawad, dahil nagkulang kami. wala naman kaming ninais na hindi maganda, pero gayun na nga at kulang lang talaga. pero ano pa ba ang dapat naming gawin para maramdaman mo na seryoso kami sa usaping ito?

gusto ka namin makausap. gusto namin malaman kung saan kami nagkulang. gusto naming, kahit na alam kong hindi ganun kadali yun, magbati na tayo.

hindi kita matiis, at nahihirapan na ako sa sitwasyon natin. oo nga at magkalapit lang tayo, pero malayo naman ang loob natin sa isa't-isa. kelan ba natin maayos ito? lubos na akong nababahala.

mahalaga ka sa amin. sana mahalaga din kami sayo.

3.
siguro, dito ako pinakanaguguluhan. sayo ako pinakanababahala. nasaan ka na nga ba kasi?

magugulat na lang ako na kung saan-saan ka na nakakarating. hindi ko tuloy maiwasan ang mag-alala. ni hindi ka nga nagte-text o nag-iiwan man lang ng mensahe sakin. minsan tuloy naiisip ko, kung namimiss mo din ba ako? o naiisip mo pa ba kaya ako? ano nga ba ako sayo?

baka nga, naglagay lang tayo ng pangalan sa 'pseudo-relationship' natin.

patawad kung, oo aaminin ko na, minsan ay nagdududa ako sayo-- sa atin. minsan, tinanong mo ako kung nagda-doubt ba ako sayo. sabi ko, hindi naman sa ganun. pero hindi ba kapag sinabing, hindi naman sa ganun, ay ganun na nga din?

gusto kong mahalin ka ng buong-buo, pero nararamdaman kong parang ayaw mo. parang tinutulak mo ako palayo kahit wala kang gawin. parang meron pang ibang namamagitan sa atin.

matanong ko lang, nakita mo na ba yung spark na hinahanap mo? baka kako hindi mo nahanap sa akin yun, kaya ganito at parang napipigilan ka sa akin.

hindi ko na tuloy alam ang gagawin. nandito ako sa punto na gusto kang mahalin pero hindi ko lang alam kung saan ka hahanapin. nasaan ka na nga ba kasi? ayaw ko na kasi na sa pagtulog binubuhos ang pagkasabik.

Sunday, April 25, 2010

graduation pictures

ang daming camera kanina at kahapon.

hindi ko na tuloy alam kung saan titingin. naalala ko, nakapose ako kasama ng mga kaibigan ko, pero may apat mahigit na camera na kukuha ng litrato namin. minsan pa nga, hindi nagbibilang yung kumukuha, kaya tuloy hindi kami prepared sa litrato-- madalas na nakabuka ang bibig na parang tanga lang, o nakamangot na parang pinagsakluban ng langit at lupa.

naglipana ang mga photographers sa graduation grounds. lahat sinisikap na makuha sa litrato ang katangitanging pagkakataon ng pagtatapos.

sabi nga ni mami, minsan ka lang naman magtatapos sa buong buhay mo.

kaya hindi ko pinalagpas ang pagkakataon na magpapiktyur kasama ng mga kaibigan ko. pero gaya nga ng sabi ko kanina, kapag nakapose kami, may apat o higit pang camera na kinukunan din kami. kaya ayun, kung saan-saan tuloy kami nakatingin sa litrato.

kung saan-saan tayo nakatingin, pero saan naman kaya tayo pupulutin?

hindi maiiwasan ang paalala na matapos nitong graduation ay ang pagpasok sa 'real world' ika nga ng marami. ang pagtatapos ay, sa katotohanan, siyang simula pa ng mas marami pang mga bagay.

tinitingnan ko yung litrato naming mga kaibigan, at iniisip ko kung saan nga ba kami pupulutin matapos nitong graduation. makakahanap kaya agad kami ng trabaho? magiging successful kaya kami sa buhay? makakahanap kaya kami ng mapapangasawa? kelan kaya kami ulit magkikita-kita pagkatapos nito? saan kaya niya nabili yun damit niya? madaming tanong sa madaming pagkakataon.

tinanong ko ang isang kaibigan minsang nageemote ako sa kung ano ang gagawin ko buhay. sabi ko, "wherever am i headed at?" sagot niya, "forward no matter what". kung merong isang bagay na sigurado, yun ay ang pagsulong.

ngayon, itong mga piktyur ay magsisilbing paalala ng kung ano pa ang maaring mangyari sa amin.

pero sa mga susunod na araw, alam kong itong mga litrato ay magiging alaala na minsan nating hinarap ang pagtatapos na siyang simula ng mas malalaki pang mga bagay.

sa huli, baka bitter lang talaga ako at lagi na lang kasi akong nakakalimutan. paano kasi ay hanggang ngayon hindi ko pa nakukuha ang studio shots ko. sayang naman.

Saturday, April 24, 2010

para sa mga madaling makalimot at madaling makalimutan

lagi na lang akong kinakalimutan.

o mas madalas na wala sa listahan [marahil, kinalimutan na nga].

halimbawa na nga ay nung unang roll call ng graduating students sa FA. marami kaming hindi natawag. akala ko naman normal lang yun, o baka naman dahil talagang hinold ni sir yung mga thesis grantees bilang hindi pa namin napapasa yung catalog sa kanila. pero biglang naglabas ng papel yung prof, listahan daw ng mga laude.

for a moment, umasa ako na baka umabot yung grade ko sa laude [kahit pa alam ko namang imposible yun]. napakapit ako sa upuan ko habang tinatawag ng prof yung mga pangalan ng laude. lumagpas na ng B. hindi ako natawag.

wala ako sa listahan ng graduating students.

wala naman akong deficiency. kumpleto na naman ang grade ko sa crs. nakapagbayad naman ang grad fee at tinawag naman yung ibang grantees, pero bakit hindi ako tinawag? nabahala ako. baka, kako, hindi ako makagraduate.

naayos naman agad ang problema. nakasama na ako sa mga sumunod na roll call [kahit pa sa ibang major ako natawag T_T]. kaya unti-unti, nawala ang pagkabahala.

pero makulit lang talaga ang tadhana. hindi na naman ako natawag kanina sa parangal.

dapat kasi tatayo kapag tinawag ang pangalan ng grantee. ready na nga ako eh. kaso lumagpas na ng B, wala pa ding bonjibod. hindi ko na nagawang isulat ang pangalan ko sa papel at iabot sa stage gaya ng sabi ni sir [mabilis kasi ang mga pangyayari, nagulat na lang ako at tapos na]. higit pa dun, ayos lang din naman.

nagtataka lang ako kung bakit lagi na lang akong nakakalimutan. at bakit nga ba tayo nakakalimot?

baka kasi may ayaw tayong maalala. o hindi lang tayo nakikinig maigi. pero ako, dun ako sa una. madami tayong ayaw maalala.

kahapon sana yung huling araw na malulubos ko yung student discount ko. pero, aba, ayaw nung manong tanggapin yung bayad ko. kesyo summer daw at walang pasok. sa isip ko 'pano kung may summer classes ako. at saka pag saturdays, sundays and holidays lang walang student fare ah!?'. pero sa isip ko na lang yun. dahil mas mahalaga sa akin yung paalala na sa isang araw, hindi na ko estudyante.

wala akong ayaw maalala. sa apat na taon na kasama ko kayo, wala akong kakalimutan. lahat ng oras kasama kayo, mahalaga. lahat ng pagkakataon, masaya. makalimot man ako ng pangalan, maalala ko naman ang oras na pinagsamahan.

sa huli naisip ko na, ayos lang kahit hindi ako natawag, madalas din naman akong nakakalimot ng pangalan. quits lang.

Wednesday, April 14, 2010

mirror mirror

hindi ko maiwasang tumingin sa salamin.

paborito ko kapag dumadaan ako sa may gilid ng law at ncts kung saan madaming kotse. hilig kong tingnan yung repleksyon ko sa mga bintana ng mga nakaparadang sasakyan. tinitingnan ko kung gusot na ba yung damit ko, kung ayos pa ba ang buhok ko, kung maganda pa ba ako tingnan.

madalas ay binobola ko na lang ang sarili ko na, oo maganda ako. pero sa loob-loob ko, ramdam kong hindi at naghihintay akong may ibang taong magsabi. insecure na naman kasi ako.

mahirap mabuhay sa mundo na ang dikta ay maging maganda. na ang maganda ay kelangan ay makinis, sexy at malambot ang buhok. mahirap kapag hindi ka pasado sa merkado. kaya madalas na nakakamukmok na lang talaga.

kung ako lang ay ayaw ko nang tumingin sa salamin, kasi ayaw kong harapin ang katotohanan na hindi ako kagaya ng dinidikta ng mundo. ayaw kong makita ang sarili ko na hindi pasok sa merkado. gusto ko na lang sa dilim.

pero kaya lang naman tayo insecure kasi lagi tayong nasa dilim; na sa sobrang dilim ay hindi na natin nakikita kung gaano tayo kaganda kapag nasa liwanag.

minsan, kelangan ko lang pala matuto na makuntento at maging masaya sa kung ano ang meron ako.

ugali ko pa din, hanggang sa ngayon ang manalamin. hindi na lamang para makita kung maayos pa ba ang hitsura ko o bolahin ang sarili na maganda ako pero para maappreciate ang ganda na pinagkaloob sa akin, hindi man ito gaya sa kung ano ang dikta ng mundo.

Thursday, April 1, 2010

Monday, March 29, 2010

pasasalamat

“Gaano kalayo ang mararating sakay ng Balangay?”

Ganyan ang bungad ko sa panelists noong thesis delibration ko.

Gaano na nga ba kalayo ang narating ko?

Malayo, sa tingin ko malayo na din. Kaya maraming salamat sa mga tao na kasama ko sa ‘paglalakbay’ ko.

Kina Mama at Papa, para sa lahat-lahat. Mula sa pambaon araw-araw, hanggang sa moral support tuwing nagpupuyat ako. Pati na din sa mga kapatid ko, kina Jojo, Trice, Jolo at Jevan. Lalo na sa’yo Jevan na tila fan ng ginawa kong libro. Salamat sa inyo.

Kina tita Angie at tito Nelson, sa inspirasyon at libreng pagpapa-print ng thesis. Wala siguro ako Fine Arts kung hindi dahil sa inyo.

Sa mga kaibigan noong high school, sa inyong mga hindi makapaniwala na tinuloy ko ang pagfa-Fine Arts. Salamat sa lahat ng tawanan at kwentuhan.

Sa mga kaibigan ko YFC/YFL, salamat sa pakikinig sa lahat ng kadramahan ko.

Sa mga kaibigan ko sa FA, sa wakas ito na! Salamat sa pagkakataong nakasama ko kayo sa loob ng apat na taon. At para naman sa mga Browny, sayang talaga yung mga sombrero natin, ikayayaman pa man din natin yun.

Sa mga propesor na walang kinalimutang ituro. Di ko talaga alam kung saan ako pupulutin kung wala kayo.

Kay sir Marc, na thesis adviser ko. Literal na milagro itong thesis na ito.

Sa Kule, at sa mga taong bumubuo nito, na nagturo sa akin ng mga hindi natutunan sa eskwela. Salamat sa lahat ng oras na kasama kayo.

Kay Chris, para sa walang sawang pakikinig sa lahat ng reklamo ko sa mundo, sa pagsama sa akin sa kung saan-saan at sa pagkuha ng mga litrato na ginamit ko para sa thesis, maraming, maraming salamat.

Syempre, sa Panginoon na pinakinggan ang halos araw-araw kong pagsisimba. Salamat sa lahat at hindi ninyo ako pinabayaan. Amen.

Sa huli, malayo man ang narating ko na, alam ko hindi pa dito natatapos ang lahat. Malayo pa ang aabutin ko. Muli, maraming, maraming salamat sa lahat.

Wednesday, March 24, 2010

creative juices

2:24. wala na akong mapiga.

biniro ko minsan si chris, na ang creative creative juices ay pinipiga mula sa creative fruit, at ang creative fruit ay tumutubo lang sa gabi.

bale, tinatanim sila sa umaga, pero sa gabi pa sila pwedeng pitasin. kaya sa gabi lang gumagana ang creative juices.

pero wala talaga akong mapiga ngayon.

2:30 na at wala pa din akong naisip na gawin para sa exhibit. kanina pa ako pabago-bago ng isip sa gagawin. pero sigurado akong gusto ko pa din. di ko nga lang alam kung alin.

siguro, naisip ko, naubos ko na ang lahat ng creative juices ko sa apat na taon ko sa FA. buwan-buwan ba naman may plate, di kaya maubos yun? kaya ayun, simot na nga.

2:38. wala na talagang mapipiga.

Tuesday, March 9, 2010

tuesdays

pero pag tuesday...

tuesday ngayon, kanina o kahapon. depende sa kung saang timezone ka naroroon o kung kelan mo ito mababasa. umaasa ako na sana gising ka pa para mabasa mo ito sa oras na i-post ko ito sa facebook.

pero alam kong hindi, alas dos na kasi sa orasan ko at malamang mahimbing ka nang tulog bilang alas siyete pa ang klase mo mamaya. hindi mo rin naman hobby ang magpuyat gaya ko. sa katunayan, lagi ka pa ngang talo sa pustahan natin na 'last man standing'. paano kasi ay madali kang antukin, ako tuloy ang naiiwan na online. maaga ka lagi matulog, at hindi ka na rin gaano nago-online ngayon, kaya malamang na hindi mo ito mababasa agad.

tuesday ang paborito kong araw sa linggo noong gradeschool ako. tuwing tuesday kasi ang ballet classes ko noon. excited ako kapag dismissal na dahil alam kong oras na para humarurot ako papuntang gym para magpalit ng ballet uniform ko. at sabay ng pagpalit ko ng damit ay ang pagpalit ko ng persona.

wala namang big leap, hindi naman parang caterpillar na naging butterfly. at hindi rin ako magaling sumayaw noon [kahit pa hanggang ngayon]. alam ko pag tuesday ng hapon, nag-iiba ako. well more of nagpapanggap ako. hindi kasi ako yung sumasayaw. hindi naman kasi ako ganun. excited ako pag tuesday, excited akong maging hindi ako.

tuesday ang araw natin. hindi na ito ang araw na hindi ako nagiging ako, pero ito na ang araw na naging tayo. linggo-linggo inaalala ko ito. at araw-araw sana ganito, sana tuesday na lang.

...namimiss kita..

Sunday, March 7, 2010

playground

ang mundo ay isang malaking playground.

at tayo ay ang mga batang naglalaro dito.

sayang, kung alam ko lang, hindi na sana ako tumaya. talo na naman kasi ako.

Tuesday, March 2, 2010

good night, sleep tight

good night, sleep tight

lagi na lang akong tulog. sa bahay, tanghali na ako kung magising. kahit pa maaga naman ako natulog, hindi lang talaga ako sanay na magising ng maaga.

hirap na hirap si mama tuwing gigisingin ako. lagi akong humihingi ng '5 more minutes' na tumatagal hanggang dalawang oras. kaya tuloy kapag may pasok, may halos limang oras ang binibigay sa aking oras ni mama para maghanda. tatlong oras dun ay napupunta sa gisingan namin.

eh hirap naman kasing gumising. para kasi sa akin, basta mataas pa ang araw, hindi pa yun ang tamang oras ng paggising.

liban dun, masarap kasi matulog. lalo pa at maganda ang panaginip. minsan pa nga, mas gusto ko matulog kasi ang gma bagay na hindi kailanman pwedeng mangyari sa totoong buhay ay sa panaginip lang nangyayari.

kaya madalas, sa sarap ng tulog (at ganda ng panaginip) ayaw ko nang magising. kung pwede lang ay tulog na lang ako forever. pero hindi.

ilang araw na din akong puyat, at tiyak ko na pag-higa ko ay makakatulog ako agad. pupusta din ako na malamang magiging mahimbing ang tulog ko sa sobrang pagod. kung pwede lang huwag nang gumising. sana lang talaga.

don't let the bed bugs bite

Sunday, February 28, 2010

para kay C

wala lang.

alam ko naman na hindi mo ito mababasa, hindi ko kasi ito ilalagay sa facebook gaya ng ginagawa ko sa iba kong mga sulat. hindi naman sa ayaw kong mabasa mo, minsan may mga bagay lang tayong gustong itago.

alam ko namang wala akong dapat itago sayo. nasabi ko na din naman dati yun, na hindi ka iba sa akin. pero hindi ko alam. sa pagkakataong ito, may gusto akong ilabas na alam kong hindi mabuti kung mababasa mo. at bilang pasintabi, nanunood ako ng kramer vs kramer sa oras na sinusulat ko ito. kaya wag kang magulat kung madrama/malungkot ang tono ng sulat ko.

naalala mo noon, nung gumawa ako ng kolum na para para sa iyo? sabi kong wag mong basahin pero binasa mo pa din. ano napala mo? wala. pero pasalamat ako at nakapagusap naman tayo dahil dun.

sabi mo, walang spark. sabi mo noong gabing yun, at sa ilang gabi pang nakaraan, kaya ayaw mong pumasok sa isang relasyon kasama ko ay dahil walang spark. hindi kita maintindihan noon. ano ba ang mali sakin at ayaw mo. hindi naman sa gusto ko na ang maging boyfriend ka, naramdaman ko lang na parang na-basted ako. nadurog ang kagandahan ko. at gaya ng nangyari kay circe noong hindi niya nakuha si ulysses, napamahal ako lalo sayo.

pero iba na ngayon. minsan nga naiisip ko, mahal pa din kaya kita, ngayong nakuha ko na ang loob mo? minsan sinabi mo sakin, na napapaiisip ka kung nagda-doubt ako sayo. sabi ko, hindi naman sa ganun. pero hindi ba kapag sinabing 'hindi naman sa ganun' ay ganun na nga din?

aaminin ko, na parang may mali sa atin. madami kasing hindi masaya para sa atin. sabi ng mga ate at kuya ko, malalaman mong may mali sa isang relasyon kapag hindi masaya ang mga tao sa paligid mo. ambilis kasi ng mga pangyayari. ni hindi mo nga ako niligawan. kaya hindi ako nagtataka kung bakit ganito ang nararamdaman ko at ng mga tao sa paligid natin. marami ang hindi masaya para sa atin. kaya napapaisip ako lalo ngayon.

gabi-gabi dinarasal ko na sana ikaw na nga ang para sa akin. kasi gusto kita, gustong-gusto kita. desisyon ko ang mahalin ka, gaya ng desisyon mo ang itapon ang dati mong paniniwala sa spark na hindi mo naman nahanap. sana nga ikaw na.

naniniwala din ako na walang sikretong hidni mabubunyag. alam ko, balang araw ay mababasa mo ito at maiisip na minsan pala akong nagduda sa nararamdaman natin para sa isa't-isa. uulitin ko, hindi naman sa ganun. mahal kita, oo. mahal kita at sana sapat na iyon.

madami pa akong gustong sabihin. pero sa ngayon ang mahalaga ay masaya tayo. masaya nga ba tayo?

ayun, wala lang ulit.

-B

Thursday, February 25, 2010

tag team

apir.

pinapasa ko sayo ang lahat. mula sa mga plate hanggang sa mga reklamo, ikaw ang sumasalo ng lahat. tinatapon ko, sinasalo mo naman.

tinutulungan mo ko sa lahat ng plate ko. binibigyan ng ideya o kinukuhan ng litrato. ikaw na ang official photographer ko. naalala ko na sa iyo ko lang ipinakita yung plate ko kay doloricon. pangit na pangit kasi ako sa gawa ko kaya hiyang-hiya akong ipakita iyon sa mundo, maski sayo. pero ano ang iniba mo sakin? wala akong dapat ikahiya sayo. walang dapat itago.

sinasalo mo din ang lahat ng reklamo ko. minsan nga naiisip ko kung nagsasawa ka na sa pakikinig sa lahat ng angas ko sa mundo, mula puwing sa mata hanggang sa hindi matatapos-tapos na requirements hanggang sa balaj na sistema ng lipunan. laking salamat ko din at kahit anong reklamo ko dahil sa insecurity ko, hindi mo ko sinukuan. hindi mo ko sinukuan kaya hindi din kita susukuan.

sayang, wala akong masyadong nagaganti sayo. hindi ko nababalik lahat ng sinasalo mo. hindi kita matulungan sa acads, wala kasi akong gaanong alam sa math. nagsit-in ako minsan sa klase mo at naglaway lang ako sa harap ng titser, hindi ko kasi maintindihan ang tinuturo niya. hindi ka din naman reklamador, kaya hindi ko magagantihan ang lahat ng pagiintindi mo sa mga kadramahan ko. hindi ko magantihan lahat ng effort mo.

sa larong ito, magkakampi tayo. kung sakaling ako naman ang kailanganin mo, andito lang ako.

apir.

Monday, February 22, 2010

pandesal

sana lahat ng bagay parang pandesal, pwedeng i-share.

alam mo yung feeling na ang saya saya lang ng mundo, at gusto mo lang ishare ang joy sa lahat ng tao. yung ang saya saya lang at gusto mo lahat ng tao ay masaya din gaya mo. yung gusto mo ishare yung joy para masaya din ang lahat.

naalala ko dati kapag nago-overnight kami kina joy, may hinahada si tita ellen na jumbo pandesal. yung tipong pampamilya yung isa sa laki. ang ginagawa namin share-share kami sa isang pandesal, mahirap kasi maubos sa laki.

pero hindi na ko nakakadalaw kina joy. pagkakataon na sana noong birthday niya kaso hindi rin ako nakapunta [sorry :(], natambakan kasi ako ng balita sa opisina kaya sayang talaga. wala nang overnight, wala nang pandesal. ang lungkot.

namimiss ko na magshare ng pandesal sa mga kaibigan lalo na sa household, sila na parang pamilya ko na din.

gusto ko masaya lahat, gaya ng kung gaano ako kasaya ngayon.

sana lahat ng bagay parang pandesal, pwedeng kurutin at isubo ang isang piraso sa mga kaibigan.

Friday, February 19, 2010

guess how much i love you*

Little Nutbrown Hare was going to bed held on tight to Big Nutbrown Hare’s very long ears. He wanted to be sure that Big Nutbrown Hare was listening.

“Guess how much I love you” he said.

“I don’t think I could guess that” said Big Nutbrown Hare.

“This much” said Little Nutbrown Hare stretching out his arms as wide as he could go.

Big Nutbrown Hare have even longer arms. “But I love you this much” he said.

“Hmmm. That’s a lot” thought Little Nutbrown Hare

“I love you as high as I can reach” said Little Nutbrown Hare.

“I love you as high as I can reach” said Big Nutbrown Hare.

“That is very high” thought Little Nutbrown Hare. “I wish I had arms like that”

Then Little Nutbrown Hare had a good idea. He tumbled upside down then reached up the tree trunk with his feet. “I love you all the way up to my toes” he said.

“And I love you up to your toes” said Big Nutbrown Hare swinging him up over his head.

“I love you as I high as I can hop” laughed Little Nutbrown Hare, bouncing up and down.

“But I love you as high as I can hop” smiled Big Nutbrown Hare---and he hopped so high that his ears touched the branches above.

“That’s good hopping”, thought Little Nutbrown Hare. “I wish I could hop like that”.

“I love you all the way down the lane as far as the river”, cried Little Nutbrown Hare.

“I love you across the river and over the hills”, said Big Nutbrown Hare.

“That’s very far,” thought Little Nutbrown Hare. He was almost too sleepy to think anymore. Then he looked beyond the thornbushes, out into the big dark night. Nothing could be farther than the sky.

“I love you right up to the moon” he said and closed his eyes.

“Oh that’s far,’ said Big Nutbrown Hare. “That’s very, very far”

Big Nutbrown Hare settled Little Nutbrown Hare into his bed of leaves. He leaned over and kissed him goodnight. Then he laid down close by and whispered with a smile. “I love you right up to the moon---and back”.


*Sam McBratney

Saturday, February 13, 2010

magic show

walang magic.

walang rabbit sa loob ng hat. paano kasi ay noong pinakita samin yung sumbrero, wala namang laman. pero biglang may nahugot yung magician na kuneho sa loob. saan naman kaya nanggaling yun? baka kako invisible lang yung rabbit nung una, tapos naging visible na lang bigla. walang magic, invisible lang yung kuneho.

walang babaeng nahahati sa gitna. mapurol lang talaga yung lagari. kasi kung matalas yun, edi namatay na siya sa pagdurugo. o baka naman, alien talaga yun babae. na kapag nahati sa gitna, eh nabubuhay pa din. tapos ang dahil alien nga, sticky yung dugo kaya pwede pa ding ibalik. walang magic, mapurol lang yung lagari at/o alien yung assistant ng magician.

walang roses na bumubulwak mula sa dulo ng magic wand. manipis kasi yung wand para magkaroon ng roses sa loob. ang totoo niyan, may seeds ng ultra-fast-growing roses sa loob ng wand. segundo lang, may roses ka na. walang magic, may green thumb lang yung magician.

yan kasi. ang tanda mo na, naniniwala ka pa sa magic. wala naman kasing ganun.

walang magic. walang butterflies, walang choir of angels, walang lightning, walang spark. walang magic, pero masaya.

Sunday, February 7, 2010

hindi tayo tao, hindi tayo hayop, bagay tayo! BAGAY!

bagay nga kasi eh.

hobby ni mami ang gawan kami ng reviewer bago mag-exam. yung mga mini-tests na nakasulat sa pad paper na tipong 75 items na lang ay pwede nang exam sa skul. kumpleto lahat ng types, mula mutiple choice hanggang sa color by number.

nagsasagot si jevan kanina ng reviewer na gawa ni mami. kasama sa reviewer ay i-identify kung tao, bagay, pook o hayop yung mga salita. nasagot naman ni jevan ang karamihan, pero tumigil siya dun sa isa. tinanong niya ako, "ate, ano yung kotse?". sagot ko "car yun". hindi nakuntento si jevan kaya nagtanong ulit, "hindi, yung kotse ba bagay o lugar?".

inexplain naman ni jevan na pwede din maging lugar ang kotse. paano daw kasi kapag pumasok daw ang tao sa loob ng kotse, lugar na yun. kung sabagay, pinupuntahan nga naman. grabe lang mag-isip yung batang yun.

pero bagay nga kasi eh. ang kulit.

tinanong ko kay mami kung pwede yung ganung sagot. malay ko ba kung pwede nga. eh bawal daw. yun na daw yung textbook answer. at alam naman natin na kapag exam, yung textbook answer lang yung tama. kaya pinilit ko kay jevan na bagay yung kotse at hindi lugar gaya ng inaasahan niya.

pero naisip ko, may point nga naman si jevan. minsan may mga bagay na nagiging higit pa sa kung ano sila dapat depende sa kung paano ito titingnan. para kay jevan hindi lang bagay yung kotse, pero lugar na din kasi pinapasukan/pinupuntahan ito. nagkakaroon ito ng dagdag na value. hindi lang siya basta kotse, lugar na din. pero hindi iyon ang textbook answer.

sa huli, textbook answers lang ang tama. kaya bagay talaga yun.

Friday, February 5, 2010

para sa iyo na hindi marunong magotso-otso

nakakahiya ka.

pinagtitinginan na tayo ng mga tao noon sa katipunan. ano ba naman kasi ang ginagawa mo noon ha? nagkakamot ng tuhod?

tinawanan lang kita ng tinawanan. paano kasi ay pinagbigyan mo ako. hindi naman kasi kita pinilit o anuman, hiniritan lang kita saglit (biro nga lang yun kasi inasahan kong hindi mo gagawin). ayaw mo pa nga eh, sabi mo 'ano ako uto-uto?'. pero ginawa mo pa din. ayun, gulat nga ako ginawa mo eh.

hindi ka marunong magotso-otso. talo pa kita eh. talo ka pa nga yata ng bunso kong kapatid. pero bilib ako dahil pinagbigyan mo ako, kahit pa hindi ko naman hinihingi.

kaya ang sakit ng tyan ko kakatawa kanina. pinagtitinginan na tayo ng mga tao noon. ikaw naman kasi ang lakas ng boses mo. hindi na ako magtataka kung lingunin tayo ng mga nag-aabang ng dyip. maingay na tayo, magulo pa. grabe lang ang eskandalo natin kanina.

pero masaya ako. masaya ako na hanggang dyip natatawa ako mag-isa. masaya ako sa mga ginawa natin, sana ikaw din.

kaya para sa iyo na hindi marunong magotso-otso, hayaan mo na yun. wala naman yata nakakita sayong magkamot ng tuhod, madilim na din kasi. ang mahalaga ay masaya tayo, walang dapat ikahiya.

Sunday, January 31, 2010

deadlines

kung ang mga deadline ay tunay na lubid, matagal ko nang binigti ang sarili ko.

santambak ang deadline ng mga bagay ngayon. kung tunay ngang lubid yun, pag dinugtong-dugtong ko ay pwede na kong mag-bungee jump mula saturn pabalik ng earth. wala pa kasi akong natatapos. hindi pa din kasi ako nagsisimula.

madaming deadline na paparating palang, gaya ng paper sa archeo, studies para sa thesis, plate sa elective. at marami ding deadline na lipas na, yun na nga yung santambak na paper sa PI at isa pang paper sa archaeo na nakalimutan ko nang gawin. minsan naisip ko, kaya ba deadline ang tawag sa pasahan ng mga bagay dahil tunay itong nakamamatay? to death kasi ang effort para makapagpasa lang ng requirement.

naisip ko din minsan, bakit kung may deadline, eh may deadliest deadline pa? kung pwede namang magpasa matapos nung deadline, bakit deadline pa din ang tawag? pag lumagpas ba sa deadline, after life na yun? madaming tanong sa maraming pagkakataon. at lahat ng pagkakataon na yun ay ang mga panahon na tinatamad lang akong magsimula. to hell with deadlines.

sana nga tunay na lubid ang mga deadline. bet yata magjump-rope ngayon.

Friday, January 29, 2010

kay paula at kay angel, dahil magbebente na kayo

tumatanda na tayo.

hindi na tayo naglalaro ng paper dolls gaya ng dati, hindi na din tayo nag-agawan ng character sa power rangers. higit sa lahat, hindi na tayo pwede maligo ng sabay gaya dati.

naalala niyo yun? naglalaro tayo ng paper dolls sa pasig. pina-iyak niyo ko dahil sabi niyo hindi naman maganda si licca, yung paborito kong paper doll. tapos kapag napuputol yung ulo ng kahit sinong paper doll ko ay agad-agad ko itong tinetape. alagang-alaga ako sa mga laruan kong yun. masira na ang lahat, wag lang sila. pero wala na sila ngayon.

dati din, naglalaro tayo ng power rangers. naalala ko noon, gusto ko maging pink ranger. pink kasi ang favorite color ko. pero sabi mo pau, nauna ka kay pink ranger, kay mag yellow ranger na lang ako. yan tuloy, mula noon, yellow na favorite color ko. ikaw naman gel si blue ranger, kahit pa lalaki yun. hindi kaya questionable na ang sexuality mo noon? biro lang. bumawi ka naman sa jet man noong babae na si blue swallow. ako naman ang nawalan ng character kasi ayaw ko kay yellow owl, matabang lalaki kasi yun. at siyempre, as usual, si pau si pink swan. love team pa nga sila ni jeck jeck kasi siya naman si black condor. naaalala niyo pa ba yun?

at higit sa lahat, hindi na tayo pwede maligo ng sabay-sabay gaya ng ginagawa natin noong bata pa tayo. dati, ayaw natin ang naliligo kung hindi kasabay ang isa. kahit pa sumasakit ang ulo ng mga tita natin satin kasi ang tagal natin sa banyo. namimiss ko ang mga panahong yun. kasabay kasi ng pagtanda natin, nabuo na ang hiya, nalayo na tayo sa isa't-isa. nasaan na nga ba tayo ngayon?

madami tayong kelangan habulin sa isa't-isa. :)

Wednesday, January 27, 2010

kung bakit bawal mag-kape ang bata

wala namang nasusunod sa plano.

balak ko dati na hindi uminom ever ng kape. sabi kasi nina mama, bawal daw yun para sa mga bata kasi nagpapatigil daw ito ng pagtangkad. eh gusto ko ang tumangkad.

pero wala ngang nasusunod sa plano. kaya grade 5 yata ako noong una akong nag-kape. ayun, non-stop na. ambango kasi eh.

umabot din ako sa point na ginusto ko lang tumigil mag-kape. masyado na kasi nagdedepend ang sistema ko sa ganun. na hindi ako nagigising nang walang iniinom na kape. hindi maganda ang ganun.

yun nga lang, nauso ang coffee house planner. kaya nauso din ang "pagtulong" sa mga kaibigan sa pagkumpleto ng mga sticker. balik-kape, balik din sa dependency. kung dati, pampagising lang, ngayon naman para may planner.

makulit lang siguro ako, pero wala talagang nasusunod sa plano.

kaya din siguro wala akong planner. para saan pa?

Saturday, January 23, 2010

taguan

Tagu-taguan | maliwanag ang buwan

Ayaw na ayaw ko ang naglalaro. Alam mo yun. Lampa kasi ako at madalas nasusugatan. Ayaw ko ang nasasaktan, ayaw ko na kasi umiyak. Ayaw ko din kasi ang natatalo. Pikon kasi ako.

Tulad ngayon, napipikon na ko kakahintay sayo. Buong gabi na ako nandito, pero wala ka pa din. Hindi na lang talaga tayo nagkakaabutan online. Magka-iba na yata tayo ng timeslot. Online ako ‘pag offline ka, offline ako ‘pag online ka. Nanadya nga yata ang pagkakataon, ayaw tayong pagtagpuin. Minsan naisip ko, tinataguan mo kaya ako? Napipikon ka na ba sakin kaya ayaw mo na ko makausap? Ayaw mo ba talaga sakin? Baka nga, kako, tinataguan mo ko. Madalas din nama’y tinataguan kita.

Nagtataguan nga siguro tayo. Ayaw ko ng ganito. Ayaw ko mag-laro nito. Ayaw ko ang tumataya lalo pa at alam ko namang matatalo din naman ako sa huli. Alam ko, sa larong ito, matatalo lang ako

Tayo’y maglaro | Sa dilim-diliman

Gabi noon nung huli tayong mag-usap. Romantic kung romantic, pero parang hindi din. Magkatabi tayo pero hindi din. Magkausap tayo pero hindi pa din. Hindi lang siguro tayo nagkakaintindihan—hindi naman tayo kailanman nagkaroon ng pagkakaintindihan.

Lagi kong binabalikan yung gabing nag-usap tayo. Hindi kita maaninag sa dilim ng paligid. Naririnig kita, alam kong nandyan ka, pero parang wala pa din. Baka, kaya hindi tayo magkaintindihan, kasi hindi kita makita. Andyan ka nga pero, dahil nga madilim, parang wala din.

Kung laro man ito, suko na ko. Hindi kasi kita makita, hindi kasi kita mahabol.

Pagbilang kong tatlo| magsitago na kayo

Magic comes in threes, lagi kong sinasabi sa sarili ko. Kung bibilangin, dalawang beses pa lang tayong nag-uusap tungkol sa atin. Lagi tayong magkasama, lagi tayong magkausap, pero hindi naman tayo nag-uusap tungkol sa atin. Hindi tuloy natin alam kung ano ang nangyayari sa pagitan natin. Pero takot ako, at alam kong takot ka din, kaya iniiwasan natin ang paksang yun.

Kaya madalas akong umiwas. Naalala ko noon, may halos isang linggo akong hindi nagparamdam. Sabi ko ‘nagpapa-miss’ ako sa mga tao. Matapos nun, ikaw naman ang ‘nagpa-miss’. Sabi mo, gumaganti ka lang. Hindi naman kita tinaguan nitong linggo pero bakit feeling ko tinataguan mo ako? Kung sakaling tinataguan mo nga ako, ‘di bale, tataguan na lang din kita. Quits lang kumbaga.

Magic comes in threes. Takot ako na baka sa pangatlong pagkakataon na mag-usap tayo, may mangyaring hindi maganda, baka mawala ka pa. Mas mahalaga sa akin ang kung anong meron tayo ngayon kaysa sa mga posible pang mangyari.

Isa

Pero wait. Ano ba itong ginagawa ko? Bakit nandito pa din ako?

Dalawa

Akala ko sumuko na ko sa larong ito. Pero hindi, taya na naman ako.

Tatlo

O siya. Aasahan ko, paglingon ko, wala ka na.

Boom!

Thursday, January 14, 2010

bye bye loona

dedz na si loona.

naniniwala ako na lahat naman tayo ay nagkaroon ng imaginary friend kahit minsan sa mga buhay natin, lalo na noong kabataan natin. nagkataon lang siguro na delayed ang childhood ko.

si loona ang pet balloon ko. isa sa dinami-daming inanimate objects na bininyagan ko at binigyan ng personality. kagaya ni gino, yung pc ng grapiks sa kule, ni pol, yung pole sa may katipunan, at ni stephanie, ang ultimate imaginary friend ko, si loona ay nagka-buhay dahil kinailangan ko ng kausap, kinailangan ko ng kasama.

binigay sakin si loona ng isang kaibigan, minsan isang martes ng umaga. matapos nun, buong araw kong hawak yung balloon na puno ng tubig. hindi ko pinabayaan si loona lalo pa at alam kong fragile ito, madaling pumutok kumbaga. nakalampas ang isang araw na hindi pumuputok ang alaga kong balloon. naisip ko, kung maalagaan, baka kako kayanin nitong tumagal.

si loona ang nagbigay sakin ng pag-asa na kahit ang mga maselang bagay ay pwedeng tumagal. nagkaroon ako ulit bigla ng konsepto ng forever. may mga bagay pala talagang nagtatagal.

pero wala na siya, tigok kumbaga. patay na si loona, ang pet balloon ko.

kahapon tinanong ako nung nagbigay, 'hindi ka ba magmo-mourn para sa pet balloon mo?" sa totoo lang, ayaw ko. nawala na din sa isip ko yun. ano nga ba naman si loona kundi isang ilusyon, isa sa mga imaginary friends ko. sa isip ko lang naman nag-exist si loona. para sa akin, isa siyang pet. sa mundo, isa siyang balloon. ngayon wala na siya, isa na lang siyang pumutok na lobo.

nawala na ang pag-asa ko sa isang happily ever after, sa konsepto ng forever. binalik ako sa realidad na pansamantala lang talaga ang mga bagay at laging darating sa punto na kelangan lang talaga tumigil nito. lahat ng bagay may katapusan, kahapon yung kay loona.

may butas na kasi yung lobo. hindi ko na din alam ang gagawin ko. biniro pa ako na slow death daw ang nangyayari kay loona. naisipan ko na lang tuloy siyang patawan ng euthanasia, mercy killing na lang para wala ng sakit. binato ko tuloy yung lobo sa pader at pinanood ang saglit na pag-tama nito sa tiles sabay ang pagbulwak ng tubig nito. ako ang pumatay kay loona. ako ang tumuldok sa pag-asa.

sayang, hindi ko pa man din nadrowingan ng mata si loona.

Saturday, January 9, 2010

sa pagkatuto at pagtanda: isang hardcore emo blog oyeauh

tumanda na nga ako, pero natuto ba ako?

nasa party ako ng isang kaibigan kagabi. at isa sa mga bagay na pinaka-pinagisipan ko buong gabi ay ang masaklap na katotohanan na, oo nga, matanda na ako.

pulos teenager ang kasama ko sa party, mga 13-18 ang mga edad. ako nga lang yata ang college student sa dun. pakiramdam ko tuloy ang tanda ko na. iba ang sayaw nila sa sayaw ko, iba ang kanta nila sa kanta ko, iba sila sa kung ano ako.

hindi ko inakala na aabot ako sa ganung realization, na sasama ako sa isang party at ako lang ang hindi makasunod sa galaw. hindi ko inakala na, minsan sa buong buhay ko ay, aaminin ko na hindi na lang talaga ako bata, at hindi na din babata pa.

matanda na nga ako, wala naman akong alam.

sa mahigit 20 taon ko sa mundo, tila wala naman akong napala. hindi ko maipagyayabang na sa tanda ko ay naging marunong ako. hindi ako natuto. wala akong natutunan.

hindi sa walang dapat matutunan, ayaw ko lang siguro. ayaw ko lang siguro tanggapin ang pagtanda, at kaakibat nito ay ang pagkatuto.

baka nga kelangan ko na matuto. kelangan ko na aminin na tumatanda na ko. kelangan ko na.

mahirap nang tumanda nang hindi marunong.

Friday, January 1, 2010

labing-isang hello para sa 2010

labing-isang linggo na lang.

kung tama ang tantsa ko, meron na lamang akong 11 linggo sa unibersidad. meron na lamang akong 11 isyu na kelangan ilayout. meron na lamang akong 11 presswork.

meron akong mahigit-kumulang (paano ay tantsa ko lang) 11 beses na papasok sa opis para bumati ng "hello po" sa kung sino mang makita ko. saglit na lang pala ang panahon ko sa lugar na halos bahay na para sakin.

may halos 11 linggo na lang ako para lumabas-masok sa fa para mag"hello" sa mga kaibigan at kakilala, at para magtago na din sa mga prof. paalaala na din siguro ito para sa akin na kelangan ko na lubusin ang mga tambay ko sa fa, paano ay sabay-sabay din kaming aalis.

11 linggo na lang. matapos nun, hindi na ko pwedeng humingi ng baon mula kina mama at papa. matapos nun, hindi ko na pwedeng gawing dahilan na may pasok sa iskul para magkaroon ng pera panggastos sa mga lakad. walang pasok, walang baon.

saglit na lang. kaya ang lungkot na ang pambungad ko para sa bagong taon ay isang pamamaalam.