ang daming camera kanina at kahapon.
hindi ko na tuloy alam kung saan titingin. naalala ko, nakapose ako kasama ng mga kaibigan ko, pero may apat mahigit na camera na kukuha ng litrato namin. minsan pa nga, hindi nagbibilang yung kumukuha, kaya tuloy hindi kami prepared sa litrato-- madalas na nakabuka ang bibig na parang tanga lang, o nakamangot na parang pinagsakluban ng langit at lupa.
naglipana ang mga photographers sa graduation grounds. lahat sinisikap na makuha sa litrato ang katangitanging pagkakataon ng pagtatapos.
sabi nga ni mami, minsan ka lang naman magtatapos sa buong buhay mo.
kaya hindi ko pinalagpas ang pagkakataon na magpapiktyur kasama ng mga kaibigan ko. pero gaya nga ng sabi ko kanina, kapag nakapose kami, may apat o higit pang camera na kinukunan din kami. kaya ayun, kung saan-saan tuloy kami nakatingin sa litrato.
kung saan-saan tayo nakatingin, pero saan naman kaya tayo pupulutin?
hindi maiiwasan ang paalala na matapos nitong graduation ay ang pagpasok sa 'real world' ika nga ng marami. ang pagtatapos ay, sa katotohanan, siyang simula pa ng mas marami pang mga bagay.
tinitingnan ko yung litrato naming mga kaibigan, at iniisip ko kung saan nga ba kami pupulutin matapos nitong graduation. makakahanap kaya agad kami ng trabaho? magiging successful kaya kami sa buhay? makakahanap kaya kami ng mapapangasawa? kelan kaya kami ulit magkikita-kita pagkatapos nito? saan kaya niya nabili yun damit niya? madaming tanong sa madaming pagkakataon.
tinanong ko ang isang kaibigan minsang nageemote ako sa kung ano ang gagawin ko buhay. sabi ko, "wherever am i headed at?" sagot niya, "forward no matter what". kung merong isang bagay na sigurado, yun ay ang pagsulong.
ngayon, itong mga piktyur ay magsisilbing paalala ng kung ano pa ang maaring mangyari sa amin.
pero sa mga susunod na araw, alam kong itong mga litrato ay magiging alaala na minsan nating hinarap ang pagtatapos na siyang simula ng mas malalaki pang mga bagay.
sa huli, baka bitter lang talaga ako at lagi na lang kasi akong nakakalimutan. paano kasi ay hanggang ngayon hindi ko pa nakukuha ang studio shots ko. sayang naman.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment