Saturday, January 23, 2010

taguan

Tagu-taguan | maliwanag ang buwan

Ayaw na ayaw ko ang naglalaro. Alam mo yun. Lampa kasi ako at madalas nasusugatan. Ayaw ko ang nasasaktan, ayaw ko na kasi umiyak. Ayaw ko din kasi ang natatalo. Pikon kasi ako.

Tulad ngayon, napipikon na ko kakahintay sayo. Buong gabi na ako nandito, pero wala ka pa din. Hindi na lang talaga tayo nagkakaabutan online. Magka-iba na yata tayo ng timeslot. Online ako ‘pag offline ka, offline ako ‘pag online ka. Nanadya nga yata ang pagkakataon, ayaw tayong pagtagpuin. Minsan naisip ko, tinataguan mo kaya ako? Napipikon ka na ba sakin kaya ayaw mo na ko makausap? Ayaw mo ba talaga sakin? Baka nga, kako, tinataguan mo ko. Madalas din nama’y tinataguan kita.

Nagtataguan nga siguro tayo. Ayaw ko ng ganito. Ayaw ko mag-laro nito. Ayaw ko ang tumataya lalo pa at alam ko namang matatalo din naman ako sa huli. Alam ko, sa larong ito, matatalo lang ako

Tayo’y maglaro | Sa dilim-diliman

Gabi noon nung huli tayong mag-usap. Romantic kung romantic, pero parang hindi din. Magkatabi tayo pero hindi din. Magkausap tayo pero hindi pa din. Hindi lang siguro tayo nagkakaintindihan—hindi naman tayo kailanman nagkaroon ng pagkakaintindihan.

Lagi kong binabalikan yung gabing nag-usap tayo. Hindi kita maaninag sa dilim ng paligid. Naririnig kita, alam kong nandyan ka, pero parang wala pa din. Baka, kaya hindi tayo magkaintindihan, kasi hindi kita makita. Andyan ka nga pero, dahil nga madilim, parang wala din.

Kung laro man ito, suko na ko. Hindi kasi kita makita, hindi kasi kita mahabol.

Pagbilang kong tatlo| magsitago na kayo

Magic comes in threes, lagi kong sinasabi sa sarili ko. Kung bibilangin, dalawang beses pa lang tayong nag-uusap tungkol sa atin. Lagi tayong magkasama, lagi tayong magkausap, pero hindi naman tayo nag-uusap tungkol sa atin. Hindi tuloy natin alam kung ano ang nangyayari sa pagitan natin. Pero takot ako, at alam kong takot ka din, kaya iniiwasan natin ang paksang yun.

Kaya madalas akong umiwas. Naalala ko noon, may halos isang linggo akong hindi nagparamdam. Sabi ko ‘nagpapa-miss’ ako sa mga tao. Matapos nun, ikaw naman ang ‘nagpa-miss’. Sabi mo, gumaganti ka lang. Hindi naman kita tinaguan nitong linggo pero bakit feeling ko tinataguan mo ako? Kung sakaling tinataguan mo nga ako, ‘di bale, tataguan na lang din kita. Quits lang kumbaga.

Magic comes in threes. Takot ako na baka sa pangatlong pagkakataon na mag-usap tayo, may mangyaring hindi maganda, baka mawala ka pa. Mas mahalaga sa akin ang kung anong meron tayo ngayon kaysa sa mga posible pang mangyari.

Isa

Pero wait. Ano ba itong ginagawa ko? Bakit nandito pa din ako?

Dalawa

Akala ko sumuko na ko sa larong ito. Pero hindi, taya na naman ako.

Tatlo

O siya. Aasahan ko, paglingon ko, wala ka na.

Boom!

No comments: