Tuesday, July 27, 2010

first trip

Kung di ko bibilisan, maiiwan ako.

Lahat sila, all-set na. Nakasakay sa mga career na apat na taon nilang pinag-aralan. Marami sa kanila, nakatanggap na ng unang pay-roll, o kaya nama’y naghihintay na lang ng a-trenta.

Patapos na ang first trip papuntang corporate world. At hanggang ngayon, di pa din ako nakakasakay. Magkabilaan na ang mga status message ng mga ka-batch ko tungkol sa job-interview, payroll, OT at kung ano pa na related sa trabaho—na wala ako.

Lagi na lang akong naiiwan o napag-iiwanan, gaya ngayon. Noong nasa grade school pa ako, lagi akong naiiwan ng first trip ng serbis kasi lagi akong huli kung lumabas ng klasrum. Mabagal kasi ako kumopya ng lecture kaya huli na din ako kung makalabas.

Nakakapikon nga eh. Hindi ko naman kasalanan na madaming magpa-notes si ma’am ah. Nagkataon lang na mas mabilis magsulat yung mga kaklase ko at hindi kasi sila nagdadaldal pag kumokopya. Oh well. Milya-milya kasi kung magpa-notes yung mgs titser ko nung grade school, mga sampung blackboard ang haba, kaya hindi ako matatapos-tapos. Dagdag pa doon, lagi pang pinupulikat yung mga daliri ko sa haba ng mga lecture. Kaya ako huli.

Pero hanggang ngayon ba ako pa din ang huli?

Mukhang ewan yung nagsabi sakin na “kapag UP grad ka, the companies will come to you”. I-come-to-you mo mukha mo. Eh bakit wala pa ding sumasagot sa mga email ko? O, bakit walang tumatanggap sa akin matapos ang mga interbyu? Bakit wala pa din akong trabaho?

Minsan, matapos akong magpasa ng resume sa isang kompanya, sabi ni sir, “sayang naman kung mag pro-production assistant ka lang, UP grad ka pa naman” dagdag pa niya “wag ka mag-alala, in-demand naman ang mga graphic artists ngayon”.

Akala ko ba in-demand ang mga graphic artist [kaya nga ko nag-fine arts eh]? Ano ba ang ibig sabihin ng in-demand? Madaming trabaho ang naghahanap ng artist? O madaming artist ang naghahanap ng trabaho?

Madami ngang openings sa jobstreet at jobsDB. Pero mas madami yata kaming nag-aagawan para sa mga opening na yun. Yung status nga nung isang application ko sa jobstreet eh 512 applicants, 46 considered, 1 vacancy. Parang CRS lang. Pero buti pa ang CRS, kung hindi makuha sa 2nd at 3rd batch processing, may pre-rog pa naman.

Kaso walang ganun matapos ang college. Kung may pre-rog man sa corporate world, hindi laging happy ang ending. Kakaunti lang ang slot, ang dami-daming hopefuls, literal na hopefuls.

Ngayon naalala ko na kung bakit hindi ako nakakasabay sa first trip noong nasa grade school ako. Higit pa sa mabagal kasi ako kumilos, mabilis din kasi mapuno yung serbis. Nag-uunahan kaming maka-uwi para makanood ng Ghost Fighter o Akazukin Chacha o Zenki. Kaya pala wala akong gaanong alaala nung mga cartoon na yun, hindi pala kasi ako nagkaroon ng pagkakataon makanood.

Lipas na ang kabataan ko. Masyado nang huli para balikan pa ito.

Ayun. Nagpa-iwan na lang ako.

P.S. Sinong may alam kung sino ang patron saint ng mga un-employed? Pakiusap, pag alam
niyo, pasabihan ako. Salamat.

No comments: