sabi ng kapatid ko, piyesta daw sa bayan noong isang araw. kaya naisip ko ang makukulay na banderitas, litson, tsubibo, discohan at palo sebo. pero asa naman ako. hindi uso sa bayan ang mga yun. liban na lang sa mga banderitas na gawa sa balot ng tsitsirya.
ikinalulungkot ko na hindi pa ako kailanman nakakita ng palo sebo. lahat ng nabanggit ko, yung litson, banderitas at iba pa ay madalasdalas kong nakikita sa paaralan kapag may okasyon. pero hindi pa talaga kailaman ako nakakita ng palo sebo sa tunay na buhay.
sa tv ko lang ito napapanuod. kapag nagpapalabas sila ng mga pelikula na kung saan ang bida ay magtatago sa nayon at maabutan sila ng piyesta tapos maglalaro sila ng habulang biik. madalasdalas na nagpapalo sebo ang mga bata na nasa likod.
simple lang naman ang panuto ng laro. aakyatin ng manlalaro ang isang mahabang kawayan na nakatuhog sa lupa para makuha ang premyo na nasa tuktok. kadalasan daw ay buko ang nasa ibabaw.
pero siyempre, hindi lang ganun kadali yun. minamantikaan muna nila ang kawayan nang sa gayon maging madulas at mahirapan ang mga bata pumanhik sa gapatpat na kawayan.
naaaliw ako sa tuwing manunuod ako ng palo sebo (sa tv malamang). paano kasi ay tatalunin ng mga bata ang kawayan at mula sa kung saan sila makakapit ay doon sila aakyat. pero dahil nga madulas ang patpat ay mahuhulog na lang sila sa kanilang mga puwit at tatalunin muli ang kawayan. kadalasan, pataasan na lang ng talon ang nangyayari dahil nga dito na lang sila nakakabawi. kapag mas mataas ang natalon, mas kaunti na lang ang papanhikin. mas madadalian sila. aakyatin at mahuhulog ng paulit-ulit hanggang sa may makaabot ng tuktok.
kanya-kanya ang pagpanhik sa kawayan. walang tulong mula kahit kanino liban na lang siguro sa mga palakpak at puri ng mga kaibigan na nanunuod.
iisa lang naman ang layunin ng laro, ang maabot ang premyo sa dulo ng kawayan. mahulog ka man ng makailang beses, kailangan mo pa ring talunin at akyatin ang kawayan at higit sa lahat subukan ,kahit na makailang ulit mahulog, na abutin ang buko na nasa tuktok ng kawayan.
akala ko sa taytay lang hindi uso ang palo sebo. noong nasa catanduanes ako, isang buwan na ang nakaraan, nataon na piyesta sa isang bayan doon. siyempre, hinanap ko ang banderitas, litson, tsubibo, discohan at palo sebo. pero hindi ko sila nakita liban sa discohan. at siyempre naguumapaw na hipon at alimango.
naisip ko lang. baka siguro marami na ang nabalian sa puwit dahil sa palo sebo kaya hindi na siya nilalaro. o baka naman kasi lagi na natin itong nakikita sa araw araw nating buhay. tayo na nakikipagpalo sebo sa ating mga pangarap.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment