Tuesday, June 17, 2008

tedi ber

Halos walong oras ang itinatagal ko sa paaralan noong nasa elementarya pa ako. Kadalasan mahaba-haba ang oras na wala kaming ginaawa sapagkat madalas-dalas na huli ang mga guro sa pagpasok. Kung bibilangin, mga tatlong oras din aabot ang suma total ng oras na wala kaming ginagawa sa loob ng silid-aralan.
Sa haba ng oras, nauso ang kung anu-anong laro na maaring laruin ng naka-upo para pampalipas-oras. Ilan dito ay ang ‘PANTS’, ‘FLAMES’ at iba pa. Ngunit ang pinakapaborito ko ay ung tedi ber.
Ang tedi ber ay kinakanta at sinasabayan ng pagguhit ng hugis tedi ber. Ang kanta ay ganito: ‘small circle, small circle, big circle… six times six six times six sixty six…’ hindi ko na saulado ang ilang parte ng kanta. Basta ang alam ko sixty six ang sagot.
Alam ko naman sa teorya ng matematika na ang anim kapag pinadami pa ng anim na beses ay tatlumpu’t anim. Kahit mahina ang kukute ko sa matematika, alam ko naman kung panu solusyonan iyon.
Naniniwala din naman ako na ang mga kantang-bataay mas madalas na walang katuturan ang mga sinasabi. Madalas pa nga ang mga salita ay kung anu-ano na lang basta ba ay magkatunog din naman sila sa dulo. Sabihin man nila na mayroon itong mas malalim na ibig sabihin, hindi pa rin mawawala na sa unang dinig ay wala siyang patutunguhan.
Eto na ang kwento. Sa walong taon na nagaaral ako at natutunan ko ang tedi ber, alam ko lang talaga na sixty six ang sagot sa six times six. Kahit na alam ko na ang six times six ay thirty six, basta tuwing kinakanta ko ang tedi ber, para sa akin tinatanggap ko at pinagkakalandakan ko na ang sagot ay sixty six.
Pero hindi naman maari na maluod na lang ako sa paniniwala sa bagay na sa simula pa lang ay alam ko ng mali. Hindi naman maari na hanggang dun na lang ang alam ko. Hindi naman maaring magpatuloy ako sa pag-bubulagbulagan sa katotohanan. Kailangan mai-tama ang mali.
Kung kinakailangan na mapahiya ako sa harapan ng tanang madla para lang matuto, kung kinakailangan kong madurog para mas maintindihan ko ang tama, kung kinakailangang lunukin ang mapait na katotohanan na mali ako para baguhin ang ilang taong pagaakala na iyon ang tama, lahat ng iyon gagawin ko para lang hindi na magkamali muli.
Hindi lahat ng bagay ay natutunan sa paaralan. Hindi lahat ng bagay ay natuturo ng mga guro. Minsan pa nga ay mas marami matututunan sa pagkakamali.
Sa pagkakamali ko natutunan kong sumuko. Natutunan kong lunukin ang pagkakamali gaano man ito nakakapandurog at hagkan ang katotohanan ng naka-dipa ang mga kamay. Suko na ako. At sa aking pagsuko, bumalik ako sa yakap ng Panginoon ko.

No comments: