Wednesday, June 18, 2008

jakston

Noong isang gabi lang ay pinag-aagawan namin ng kapatid kong babae ang isang sisidlang tela. Paano kasi ay iyon ang lalagyan ng mumurahin kong jakston. Laking gulat ko nga na iba na pala ang laman ng sisidlan at naisumbat ko pa sa kapatid ko kung saan ba niya nailagay ang laruan na nasa loob nun dati. Naitago naman daw niya at ipinakita pa sa akin ang kahon ng pinagsilidan niya rito.
Nakakatawa pero kahit na sa tanda kong ito ay ligayang-ligaya lang talaga ako sa paglalaro ng jakston. Sa bahay namin ay ito ang numero unong pampalipas-oras naming mga babae, at minsan pati mga lalaki. Kahit pa nga nanay ko na medyo may edad na ay wiling-wili sa paglalaro nito. Sa totoo lang ay mas magaling siya sa akin at hindi pa kailanman natalo sa aming lahat.
Napakahalaga para sa akin ang aking mga jakston dahil sila ang nagpapaalala ng minsang masaya at mas madalas na malungkot kong kabataan. Paano kasi ay pikon akong bata. Pikon na, lampa pa. Hindi kasi ako biniyayaan ng talento sa paglalaro, mapa-habulan, tagu-taguan, jakston, bato-bato-pik at iba pa. Sadyang talunan lang ako. Ako yung kaklase na kapag pilian na ng kalaro ay laging huling pinipili. Ako din yung kaklase na hindi kailanman pinapasahan ng bola kasi alam ng madla na iiwasan ko ito o kaya naman ay mabibitawan ko o mas madalas na tatama na lang sa mukha ko. Mas lalo na ako yung kaklase na lagi na lang taya sa habulan dahil sa bagal kong tumakbo.
Kahit na ba na ang jakston ay linalaro lang ng nakaupo, sadyang nuong bata ako ay talunan ako dito. Para sa aking mga mambabasa na marahil ay hindi na alam ang mga panuto ng laro, ganito lang iyon kasimple: merong sampung star at isang bola, layunin ng laro na makuha lahat ng star matapos itong ikalat. Ngunt hindi ganun kadali iyon. Matapos ihagis ang mga star upang kumalat, ihahagis naman pataas ang bola saka dadampot ng isang star at saka sasaluhin muli iyong bola. Ganun din ang gagawin sa mga star na natitira. At padami nang padami at dadamputing star habang patagal nang patagal ang laro. Minsan pa nga, lalo na kapag bihasang-bihasa na ang isang manlalaro ay kung anu-ano ng istilo ng pagbato ng bola at/o pagdampot ng star. Pero kahit gaano pa man kasalimuot ng pagbato o kaya naman ng pagdampot eh ganun pa din naman ang layunin ng laro: na madampot muli lahat ng nahulog na star.
Kahit na ganyan lang kadali ang proseso ng paglalaro ng jakston eh, talunan ako sa larong iyon nuong kabataan ko. Nang tumapak na ko ng kolehiyo eh saka na ako gumaling sa jakston.
Higit pa sa dahilan na sa jakston ko naaalala ang masalimuot kong kabataan, sa jakston ko din natutunan ang isang mahalagang aral sa buhay. Dito ko natutunan ang pagbitaw. Ganito kasi iyon, hindi mo makukuha ang star kung hindi mo bibitawan ang bola. Sa paghagis mo sa bola ay maaring masalo mo ito muli, at ito ang dapat para matuloy ang laro, o hindi na ito masalo. Sa karanasan ko ay madalas kong hindi na nasasalo ang bola. Minsan kasi ay naibabato ko ng masyadong mataas, o di kaya naman ay masyadong mababa. Minsan naman ay ayaw ko nang bitawan ang bola dahil natatakot akong baka hindi ko na nga ito masalo.
Pero yan ang jakston, kailangan talagang bitawan ang bola bago dumampot ng star. Mas madalas na hindi ko nasasalo ang bola. Oo natatalo ako, pero sa isang round lang naman. Alam ko at umaasa ako na babalik muli sa akin ang bola at ako na muli ang maglalaro. Magkakaroon ako muli ng pagkakataon para dumampot ng star matapos kong bitawan ang bola.

No comments: