uso nuong elementarya ang morning praise.
pag-patak ng mga ala-sais y medya ay magsisimula na kaming bumaba sa aming silid. pagbaba sa may tapat ng bilding ay pipila kami ayon sa tangkad. pero dahil matitigas ang ulo namin, tabi-tabi kaming magbabarkada.
at dahil magkakatabi kaming mga mokong, wala kaming ibang ginawa kundi laiitin ang ka-batch na nasa kabilang pila. madalas-dalas kasi siyang nasa may unahan namin. ayoko sabihin ang pangalan niya, (di niya kasi alam na siya yun) ayoko din lalo sabihin kung ano ang itsura niya, pero sinasabi ko na malamang-lamang na aasarin niyo din siya pagka-kita niyo sa kanya. walang halong biro, siya ang paboritong asarin saming lahat (pwera na lang siguro sakin).
buti na lang hindi uso samin nuong bata ang morning exercise. kapag morning praise eh kinakanta lang namin ang lupang hinirang, binigbigkas ang panatang makabayan at nagdarasal ng sabay-sabay. minsan, kapag may sumikat na kanta si jaime rivera (ung mga tipo ng jubilee song at only selfless love) ay kinakanta namin ito na may kasabay na dance steps. walang excercise. o kung meron man ay di ko na maalala. ayaw na ayaw ko nun, lalo na ng jamping jak.
kung tutuusin, talagang laking pasalamat namin na walang ehersisyo kaming ginagawa. kung nagkataon eh lait na lait na marahil ang kaibigan naming paborito naming asarin.
nung naghayskul ay hindi na siya tumuloy sa aming paaralan. wala na kaming balita sa kanya at di din naman namin siya hinanap.
sa ikatlong taon ko sa hayskul ay sumali ako sa COLT (parang military training nuong highschool) at nilunok ang kung anu-anong sakit sa katawan at damdamin. dito ko naranasan mag excercise pag umaga. isinusumpa ko ung mga ehersisyo na pinapagawa samin. pulos sakit sa katawan ang inabot namin. meron kaming tinatawag na modified squat thrust, ito ay kumbinasyon ng push-up at kung anu-ano pa. ten counts siya kumpara sa iba na eight lang, minsan pa nga four. kaya mula noon ay ginusto ko na ang jamping jak. madali na lang kasi ito.
makalipas ng ilang taon, nagkolehiyo na ko at lahat-lahat, ay may nakilala akong bagong kaibigan. nagkaroon kasi kami ng youth camp at isa siya sa mga partisipant. napaka-bibo niya at napuna ko siya kaagad. binigyan pa nga niya ako ng choco mucho at ito ay kinaligaya ko ng lubusan.
malaman-laman ko lang na ang ka-batch ko nung gradeschool at ang paborito kong partisipant ay iisa! aba! eh jumamping jak ang puso ko nung nalaman ko ito.
hindi ko ito matanggap nuong una. aba eh mas maganda na siya sakin ngayon. pero naisip ko na sadyang ganyan talaga. lulunukin ko na lang ang katotohanan na noon ang panahon ko, ngayon ang panahon niya.
hindi ko na lang inamin sa kanya na nilalait-lait ko siya nung bata pa kami. hindi muna siguro ngayon. ayoko naman masira ang bago naming pagkaibigan.
parehas na nga pala kami ulit ng pinapasukang unibersidad. magkaiba nga lang kami ng kolehiyo. hindi pa kami nagkikita. sa laki ba naman kasi ng UP eh malabo na talagang mangyari yun.
naisip ko lang, 'buti na lang pala hindi uso ang morning praise sa UP'.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment