kabilang sa aking kabataan ang walang sawang panunuod ng tv. at lahat ng pinanunuod ko ay kadalasang ginagaya ko. isang sikat na komersyal nuon ay komersyal ng diaper kung saan may isang batang nakadiaper na may payong ay naglalakad at sumasayaw sa ulan. singin in the rain ung tugtog.
tumatak sa isip ko ito. kaya kapag umuulan nuon ay kumakanta kami ng singin in the rain at nagsusumayaw sa ilalim ng ulan. hindi din kasi ako nagdadala ng payong noon paano kasi ay lagi ko itong nawawala kaya wala akong ibang puwedeng gawin kundi magpabasa na nga lang sa ulan. uuwi ako ng bumabahin at singhot ng singhot nang sa gayon ay hindi tumulo ang uhog. napapagalitan ako ng yaya namin dahil nga daw ay pabaya ako sa aking sarili. bakit ba daw di ko gayahin si ganito at si ganyan na matitino at may finesse kung kumilos. nakamangot ako kapag pinagsasabihan niya ako. pero sa loob loob ko, lumilipad ang isip ko. masaya ko kahit pa magkasakit ako at makagalitan ako dahil sa paglalakad ko sa ilalaim ng ulan. para sa akin, iyon ang kalayaan.
hindi kasi ako galang bata. bihira lang ako lumabas ng bahay. kaya nung makawala ako nuong nagkolehiyo ay laking pinagbago ko. pinilit ko magkaroon ng finesse. pinilit kong magdalaga. cool daw kapag may finesse. kaya nakiuso naman ako.
hindi daw cool ang mukhang basang sisiw. kaya bumili na ko ng payong. dalaga na kasi ako eh.
kakampi ko ang payong ko kapag pumupunta ako ng math building, fine arts, AS, SC at kung saan saan pa. tanda ko nga noon na sabi nila, nagpapaulan daw ng uno sa math2. sakto! math2 ung math ko. ayoko ng matematika kasi mahina sa larangang iyon pero laking tiwala ko noon na mau-uno ko talaga ang math2. umuulan daw ng uno dun eh. kaya di ako gaanong nagaral.
pero hindi ako naka-uno. mababa pa nga ang nakuha ko. hindi na ko nagulat kasi hindi ko naman siya pinagsikapan. mas lalo ko lang kinamuhian ang matematika. hindi na din ako naniniwala kapag may nagsabing nagpapaulan ng uno ang mga guro.
meron din namang nagsabi na iyong gurong si ganyan ay nagaambon ng uno sa mga babae. kinagat ko ito. babae naman kasi ako kaya umasa ako na mababasbasan ako ng mataas na marka. nang mga panahong iyon, tinapon ko yung payong ko. nasira na kasi siya. kaya nung araw na kinuha ko yung klase ay nakisilong pa ko sa payong ng isang kaibigan panu kasi ay bumabagyo. nung umuwi na siya, at sa mga ibang araw na hindi ko siya kasama ay nagpapatila na lang ako ng ulan. nagpapalipas ng kahit gaanong kahabang oras sa may silong basta ba hindi lang mabasa.
nang natapos ang klase para sa semestre, hindi ko nakuha ang inaasam na uno. masyado ako nanging kamapante na mababasbasan ako dahil nga babae ako. mali pala iyon. mali din na umaasa ako sa kaklase ko. parehas kasi kami ng iniisip, parehas kaming umaasa na maka-uno kahit na hindi kami magaral, parehas tuloy kami ng marka sa huli.
hay. sinabi ko sa sarili koo noon na hindi na ko maniniwala kapag sinabi nila na umuulan ng uno sa klaseng iyon o nagpapaulan ng uno si prof ganyan. hindi naman kasi ako nakatikim ng ulan na sinasabi nila. magpapayong na lang ako o kaya ay sisilong. mabuti ng hindi mabasa ng ulan at baka magskasakit pa ako.
nag PE1 naman ako ngayong taon. walang may sabi kung nagpapaulan ba dito ng uno. kung sabagay, di ko din naman paniniwalaan yun. pero minsan matapos ang klase, aba eh bumuhos ang pagkalakaslakas na ulan. putek. may klase pa naman ako pagkatapos na pagkatapos ng PE. nakatayo ako sa may bukana ng gusali, naghihintay tumila ang ulan pero wala siyang pinapakitang senyas na hihina siya. palakas pa nga ito ng palakas. at dahil wala akong payong at gahol na ako sa oras, sinugod ko ang malakas na ulan. tumakbo ako sa ilalim ng unos gaya noong bata pa ako.
madami akong natututunan sa paaralan. pero mas marami akong natututunan sa tunay na buhay. marami akong napagmumunihan sa tuwing naglalakad ako, depende sa kung ano ang nakikita o mga naganap. minsan, napagmunihan ko, dulot ng madaming beses na sinabi sakin na umuulan ng uno sa dito sa ganyan at kay ganito, na lahat ng prof, lahat ng klase ay nagpapaulan ng uno. madalas lan akong nakapayong o kaya ay nasa silong. kailangan ko matutunang bitawan ang payong o lumabas sa silong at tumungo sa kalayaan na alam ko noong bata ako.
naalala ko tuloy ang komersyal ng nescafe. ligayang ligaya silang nagtatakbuhan sa ilalim ng ulan. mga binata at dalagang naglalambingan at may hawak hawak na kape. tinanong ko sa sarili ko, hindi kaya nabasa yung kape nila? ano na kaya ang lasa nun? magaya nga.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment