Hindi man uso sa Pilipinas ang mga bisirong babasagin na sinasabit sa puno sa tuwing may kaarawan, bida naman sa atin ang palayok na pinupukpok.
Sa mga banyaga, pinyata ang tawag sa kung anu mang hayop na gawa sa paso, nakasabit sa mataas na lugar at pilit hinahampas ng mga batang nakapiring ang mga mata para mabasag at bumuhos ang premyong kendi, tsokolate at kung anu anong masasarap na makakapagpabulok ng ngipin ng bata.
Dahil sa marahil pobre ang mga Pilipino, ang pinalit nila sa magagara at makukulay na pasong hayop ay palayok. Kaya tuwing may piyesta o kaya ay may kaarawan eh pinupuno ni nanay ng masasarap na premyo at saka naman sinasabit ni tatay sa mataas na puno.
Para sa mga bata ngayon na maaring hindi na naabutan ang kasikatan ng pukpok palayok, ganito lang ang laro: bawat bata na kasali ay lalagyan ng piring sa mata. Ang unang susubok ay papaikutin ng ilang beses at hahayaang hanapin kung saan ang palayok, maari siyang turuan ng mga manunuod. Pag nasipat niya na ang paso eh hahampasin niya ito ng pagkalakaslakas nang sa gayon eh mahulog lahat ng kendi. Kung hindi man ito nagawa ng unang kalahok eh di ang susunod naman hanggang sa mabasag na ang palayok.
Iisa lang naman ang puntos na laro. Mabasag ang palayok nang sa gayon ay bumuhos ang kendi. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit pa kailangan basagin ang paso. Para saan pa at nilagay pa nila sa loob ng palayok ang mga kendi at tsokolate kung maari naman na ihagis nalang ang mga ito? Hindi ba nila naisip na sayang lang ang palayok? At sa pagbasag nito ay baka may mabubog pang bata? Disin sana ay hinagis na lang talaga ang mga premyo nang sa gayon ay makamura sila at walang masaktang bata.
Ngunit sadyang ganyan ang buhay. Hindi naman sa araw-araw eh umuulan ng monay at tuyo para may makain ang sanlibutan. Hindi ka rin naman makaka-inom ng kape kung hindi mo ito titimplahin. Ano marahil ang inaasahan mo? Pakatandaan mo na hindi lahat ng bagay ay libre. Bihira na ang ganoong kabait na tao.
Minsan na akong naging palayok. Napuno ng kendi at ng tsokolate, at minsan na din akong nabasag. Masakit mabasag, masakit mawalan ng lahat ng masarap na kung anu-ano sa loob ko. Masakit isipin na nabasag ako at malamang na hindi na maibalik sa dating ako.
Pero ano nga ba ang silbi ng kendi sa paso? Wala naman siyang bibig para kainin ito. Mas mainam na din siguro na nabasag ang palayok at iba ang nakapakinabang ng premyo.
Sa huli, napagmunihan ko, na sa pagkabasag ko naging masaya naman ako. Maraming ibang tao ang nakapakinabang sa mga biyaya ko. At sa huli, sa likod ng kendi, tsokolate at bubog, nakita ko si Kristo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment