alam mo yung feeling na alam mo yung sagot sa tanong pero di naman ikaw yung tinanatanong? yung kahit gaano ka na katagal magtaas ng kamay o kahit gaano mo man ito kataas itaas at iwagayway, iniisnab ka lang talaga ni maam.
marahil kasi lagi ka namang tinatawag dati. na sa inaraw araw ay ikaw at ikaw lang ang sumasagot. o baka naman kasi alam ng titser na kalokohan lang yung isasagot mo. maraming dahilan sa maraming pagkakataon pero sa lahat lahat isa lang ang mararamdaman mo:
na isa kang epal.
epal kapag papansin ng papansin di naman pinapansin. parang stalker na pa-cute ng pa-cute sa isang hot papa. at dahil sa kawirduhan ng stalker eh di na lang siya pinapansin ng hot papa.
epal kapag sagot ng sagot di naman tinatanong. parang tsismosang kapit bahay na makarinig lang na pinaguusapan si ganito o si ganyan eh sasabat na lang ng walang paalam. dahil sa stranger siya eh tataasan na lang siya ng kilay.
epal kapag kumakarir ng bagay na di naman niya trabaho. parang saksakan ng talinong classmate na kapag may group work ay sinosolo ang trabaho pero isinusumbat sa mga kagrupo ang nagawa niya. kadalasa'y walang tunay na kaibigan ang taong ganito.
nakakainis, nakakabwisit, nakakaputi ng buhok sa ulo, sa kilikili at sa binti ang mga epal. yung tipong hindi ka na nasisikatan ng sinag ng araw kasi malaki silang balakid sa buhay mo. yung tipong kahit di ka marunong magtaas ng kilay eh tataas na lang iyon ng kusa.
malungkot maging epal, lalo na kung ganyan gaya sa nakasaad sa itaas yung reaksyon sayo. wala ka na ngang kaibigan, wala ka pang pangalan dahil epal ang tawag sayo.
isang malaking epal.
pero sa depensa ng lahat ng epal, epal-epalan at kaepalan sa mundo, may mabuti naman silang nadudulot. gaya ng iba pang salot sa lipunan, halimbawa nito ay ang gagamba na kumakain ng peste. sabihin na lang natin na malaking tulong na ang kaepalan nila. isipin mo, na kung hindi epal si classmate edi pinaghirapan ninyo ng kuntodo yung group project. o kaya naman ay kung hindi epal si kapit bahay edi di mo nalaman na buntis na pala si ganyan. lalo na na kung hindi epal si stalker edi di mo nafeel na hot papa ka pala.
hindi sa lahat ng oras salot ang mga epal. gaya nga ng sinabi ko malaki pa nga silang tulong sa lipunan.
kaya lang naman sila naguumepal ay kasi naghahanap lamang sila ng pansin. naghahanap lang naman sila ng papansin sa mga kilos, porma, gawa, at lahat-lahat ng mabuti sa kanilang pagkatao. mabuti naman silang nilalang, wala lang nakapapansin sa kanilang abilidad.
kaya ko nasabi ito kasi epal din ako.
ako yung stalker na pa-cute nang pa-cute di naman cute. ako yung kapit bahay na tsismosa na sabat nang sabat di naman kausap. ako yung classmate, di man katalinuhan, ay karir nang karir ng trabaho di ko naman trabaho.
sa lahat ng kaepalan ko, nakatutulong man o nakakaperwisyo, natututo ako. unti-unti natututo akong lumugar sa tama. unti-unti natututo akong magbigay. unti-unti natututo akong magpakumbaba. siyempre kapag nagtagal, umaasa na buong-buo ko na matutunan ang tama. hindi naman dapat lagi kang nasa mali.
sa huli, pagbalik sa klasrum, gaano man katagal nang nakataas ang kamay ko, alam kong matatawag din ako. hindi man ngayong lesson na ito pero baka bukas, sa makalawa o sa malayon hinaharap. basta, kung doon ang tamang lugar, kung yun ang tamang oras edi doon ako lulugar.
recite lang ng recite. papansinin ka din ni maam.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment