Sunday, July 20, 2008

tago-taguan

tago-taguan maliwanag ang buwan...

hindi ko na malala ang sumunod. basta kailangan mo magtago hanggang makabilang ang taya ng hanggang sampu, minsan bente, minsan isang daan. tapos hahanapin ka ng taya. pag nahanap ka, pwedeng ikaw na autmatically ang taya. minsan naman paunahan kayo sa base. kung sino mahuli, siya na ang taya.

magaling ako magtago.

hindi kasi nila ako hinahanap.

pero mga bata kami noon. mga uhugin, pawisin at walang kapoise-poise na nilalang. mukha kaming mga tyanak na nagsisiksikan sa kungsaang-saang sulok sa buong bilding. minsan sa likod ng pinto, ilalim ng upuan, gilid ng hagdan atbp. maliliit kami kaya kasya kami kahit saan.

pero malaki na kami ngayon.

hindi na uso ang tago-aguan. masagwa na kasi para sa akin na sa laki kong ito ang magtago sa sulok-sulok.

pero sasabihin ko sa iyo, ang galing ko pa ding magtago.

sa tuwing titingin ako ng mga litrato ng kung ano-anong event sa kung saan-saang lugar ng kuung kani-kaninong camera eh bihira ko lang makita ang sarili ko. nandun naman ako. bakit kaya wala ako?

siguro kasi gaya ng bata pa ako eh hindi ako hinahanap ng mga tao.

pero ayos lang. hindi naman kasi sa lahat ng oras, noon nung kami pa ay naglalaro, ay hindi ako hinahanap. sa katunayan, madalas rin naman akong taya.

baka nga ganun.

taya ako kaya hindi ako hinahanap.

pero ganyan talaga.

wala man ako sa larawan, nandun naman ang mga kaibigan ko. at kahit papano, alam ko ang kwento sa likod ng litrato.

ang galing ko talaga mag tago.

No comments: