Wednesday, April 29, 2009

pitik bulag

ang mata, kahit pa nakapikit, kapag pinitik, masakit pa din.

subukan nang makita. baka pa nga lalong hindi makita.

basta sa huli, konting kuskos lang. makakakita ulit.

kasi ang mata, kahit pa nakapikit, kapag pinitik, masakit.

amen

Friday, April 24, 2009

NOISY, STANDING at iba pang lista noong gradeschool

ang ingay gaano man kahina, kapag pinagsama-sama ay maingay pa din. at minsan naakabingi lang talaga.

minsan hindi ko na lang talaga alam kung ano ang pakikinggan.

kanina sa youthcamp, maingay at magulo ang lahat. madaming nakatayo. madaming naglaakad. higit sa lahat madaming nagsasalita. para kaming gradeschool. dala marahil ng makukulit na mga "bata" isama na natin ang napakamakulay na chalkboard sa unahan na kulang na lang ay lagyan ng lista na noisy at standing.

magsasalita si ganito, biglang magkwekwento naman si ganyan sa likod. sasabayan din sila ni ganun na tila ba kausap silang dalawa pero hindi pala dahil iba pala ang kausap.

pero ang ingay gaano man kahina, kapag pinagsama ay maingay pa din. kaya kahit pa mahina ang boses ni ganyan at ganon, pag sabay sila magsalita, maingay pa din.

kaya hindi ko alam kung sino ang pakikinggan.

o baka bingi lang ako. baka hindi lang ako nakapag-linis ng tutuli sa tenga na sa dami na marahil ay hinaharangan na ang daluyan ng tunog sa tenga ko. kaya wala akong marinig. sana nga lang hindi.

o baka naman kasi baka matanda lang ako. baka hindi na ako yung batang umiiyak kapag nalilista sa noisy kasi nakikisali ako sa maiingay. baka ngayon tumanda na ako at nakalimutan ko na kung paano jumoin sa saya.

o baka hindi ko lang alam ang papakinggan. na sa dinami-dami ng naririnig ko, hindi pala iyon ang dapat kong marinig. baka sa dinami-dami ng nagsasalita, hindi pala sila ang dapat kong pakinggan.

kaya nga sa dinami-dami at sabay sabay na ingay na gaano man kahina, dahil nagsama-sama, nagsabay-sabay, maingay pa din.

pero isang tinig lang doon sa loob ng ingay ang dapat kong pakinggan. ang katotohanan.

praise God!

gagamba wars

hindi sa lahat ng oras nananalo ang mas malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.

karumaldumal. marahil sa lahat ng laro noong bata ako ay ito ang pinaka-hindi ko na-pusuan. una dahil hindi ito maka-tao, o maka-hayop kung ano man ang mas tama. pangalawa kasi bawal yata siya sa paaralan dahil sa unang rason. pero higit sa lahat dahil kadiri lang talaga para sa aking mga mata ang gagamba.

at tanging armas nila ay ang kanilang napaka-daming mga paa/kamay na kinaiinggitan ko. na sana ako din ay may ganun kadaming galamay. nang sa gayon magawa ko ang lahat ng bagay na kailangan gawin.

na sana ngayon habang tinatayp ko itong blog na ito ay may isa pa akong kamay para magdial sa telepono. at isa pang kamay para tapusin ang props na gagamitin namin bukas. isa pa ding kamay para magtext. at ilang pang mga kamay para magtayp sa message box sa ym sa apat kong kausap. pati pa nga pala isa pang kamay para hanapin ang nawawalang faci kit na kailangan na ngayong gabi.

at wala akong matapos (o magawa pa) ni isa bilang sabay sabay sila. at parang nagugulo na ang aking utak kung ano ang gagawin/sasabihin.

pero hindi sa lahat ng oras nanalo ang malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.

ngayon halos papikit na ang mata ko sa antok at namamaho na dahil buong araw akong nasa labas ng bahay. kung pwede lang ay bigyan nawa ako ng ilan pang mga kamay para makaligo pero matapos pa din ang mga kailangan tapusin.

pero hindi pwede. hindi ako gagamba at dadalawa lang ang kamay na meron ako. at kaya ko lamang gawin ang kaya ng dalawang kamay ko.

at sa papikit-pikit na moda ng aking mga mata, dala marahil ng pagod, pinaaalalahanan ko na hindi ako susuko.

hinding hindi ako susuko.

dahil hindi sa lahat ng oras nanalo ang malaking gagamba, sa halip ang hindi marunong sumuko.

praise God!

Wednesday, April 22, 2009

BEACHBALL ang bolang hindi madribol

lahat ng bola ay bilog, gaya ng ilan pang mga bagay bagay sa mundo.

ngayon, hindi ako makapasok sa opisina para sa maraming rason. una, dahil masakit ang tyan ko. may nakain yata ako kahapon na hindi ko umayon sa aking sikmura. pangalawa, kasi huli na akong nagising at tinatamad na namang pumasok. pero higit sa lahat dahil masakit ang braso ko dahil nasunog ito kakalangoy.

at naalala ko na hindi ako sumama sa mga kaibigan ko para mag volleyball. wala kasing bola. at wala akong balak na tamaan ng bola sa mukha kahit pa inflatable beach ball lang. ni lumangoy nga, noong una ay tinanggihan ko. pero dala na din ng magandong alon at ng init ng panahon ay umayon na din ako sa gusto ng karamihan.

pero lahat ng bola ay bilog, gaya ng ilan pang mga bagay bagay sa mundo. kahit pa ang beach ball na hindi madribol ay paikot pa din kung gumulong.

at lahat ng bagay na bilog, ay bumabalik sa kanyang pinanggalingan.

wag nga lang sana ako makalimot.

Monday, April 13, 2009

ays kendi

hindi lahat ng uhaw ay napapawi ng tubig.

walang sinabi ang init ng panahon ngayon kumpara sa mga nakaraang araw. halos kakulay na tuloy ng brown kong polo ang balat kong tuyo na.

kaninang umaga, binagtas ko ang kalye ng annapolis sa likod ng greenhills kakahanap ng atlanta center para magpa-interview. pagkatapos ay nilakad ko ang edsa mula poea papuntan megamall para magtanghalian kasama ni joy. pumila ako ng pagkahaba-haba sa pnb sa ilalim ng tumitirik na araw para magbayad ng tuition. at ngayon ay nakaharap sa kompyuter sa opis, walang aircon, walang electric fan at tanging ang isang mug ng tubig na hindi kalamigan (bilang sa tindi ng init ay maski ang ref ay ayaw ng magpalamig) ang pumapawi sa init ng aking ulo, kalamnan at katawan.

at hindi kayang pawiin ng isang mug ng maligamgam na tubig ang aking uhaw. ngayon ay kating kati na ang aking lalamunan para sa shake o iced tea o ays kendi. pero hindi ko magawa dahil kakabayad ko lang ng utang ko dito sa opisina. kahit pa sabihin natin ang ays kendi ay mamiso lang.

paborito ko ang ays kendi. nakakahiligan ko kasi ang ngumuya ng yelo noong bata ako. naalala ko pa, noon, tuwing bakasyon ay may nakahandang dose-dosenang ays kendi sa freezer namin. mango para sa aming mga bata, avocado naman para kina mama.'

naaalala ko kung gaano ito kalamig sa lalamunan. kung gaano ang matamis na malamig na malagkit na katas ng mangga ay dumudulas mula sa dila papuntang tyan. at halos umuusok-usok pa sa lamig ang bibig lalo na kapag bumuga ka matapos sumubo nito. walang tatalo talaga.

pero gaano man katamis, kalamig at kasarap ang ays kendi, ay hindi maikakaila ang lagkit nito. na hindi nito mapapawi ang uhaw, kahit pa maka-ilang galon. kahit pa tubig din naman ang pinagmulan nito.

hindi lahat ng uhaw ay napapawi ng tubig. sa katunayan ay nakaubos na ako ng isang boteng gatorade, isang coke float, isang basong pineapple juice at ilang mug ng maligamgam na tubig pero hanggang ngayon ay uhaw pa din ako.

baka kasi hindi lahat ng pantawid uhaw ay naiinom.

LARO NG APOY (o playing with fire bilang hindi ko alam ang tamang salin)

ang silab, kapag lumaki, ay mahirap nang pundihin pa. lalo pa itong lalaki hanggang sa kainin na nito ang lahat ng kaya nitong maabot.

binilinan ako ni mama na bantayan si jojo kanina-nina lang. wala kasi ibang ginawa ang bata kundi maglaro ng apoy. bubuksan niya ang stove, tapos tatapatan niya ng papel at papanuorin niyang lamunin ito ng apoy. siguro, halos nakasampung beses na siyang nagsunog ng papel sa kusina.

nakakatakot sa totoo lang. bilang praning lang talaga ako, naiisip ko tuloy na baka masunog ang bahay namin. at paano nga kung magkagayon? mahirap na, wala pa man din si papa sa bahay. walang magbubuhta ng mga gamit. papanoorin ko na lang, kung magkataon, na lamunin ng apoy ang aming tahanan.

at sa likod ng kapraningan, at kaunting panic, pinapanood kong lamunin ng apoy ang sinunog na papel ni jojo. tinitigan ko kung gaano ang dating puting papel ay unti-unting nagiging itim na abo. ang dating kapakipakinabang, ngayon ay, marahil, basura na.

pero hindi man ang abo ang kapakipakinabang. pero ang init at ang silab mismo ang mahalaga. madaming silbi ang nagagawa ng silab at ng init.

habang pinapanuod kong kainin ng apoy ang papel, naisip ko na ako marahil ang papel. dating buo, may silbi. pero nilamon ako ng apoy. kinakain ako ng matinding pagmamahal ko sa Diyos. hanggang sa ako'y maging abo.

ang silab, kapag lumaki, ay mahirap nang pundihin pa. lalo pa itong lalaki hanggang sa kainin na nito ang lahat ng kaya nitong maabot.

ganoon ako kamahal ng Diyos ko. ganoon katindi ang pagmamahal niya sakin. sa tindi, nilamon na ako nito para maliwanagan nawa ang marami. at sa tindi ng pag-ibig na ito, nanalig ako sa kanya.

at sa lahat lahat, praise God!

Sunday, April 5, 2009

baby shark tenentenentenen at kung bakit katumabas ng dalawang gills ang nararamdaman ko ngayon

gaano man katalas ang ngipin ng pating ay hindi nito kayang kumain ng kahit anong mas malaki pa dito.

kwento ni roald dahl sa james and the giant peach, hindi kinayang kainin ng mga umaaligid na pating ang lumulutang na higanteng prutas. mahahaba daw kasi ang mga mukha nito kaya hindi maabot ng mga ngipin ang malambot na peach.

wala akong gaanong kaalaman tungkol sa mga pating. liban na lang sa nakakatakot sila dahil nangangain. at meron silang gills.

biro ng titser ko saking mga kaibigan, "kapag pinagsama mo ung dalawang gills ng shark, yun ang nararamdaman mo para sa kanya... gi-GILL!"

at tumawa ako ng tumawa. tumawa ako na tila wala ng bukas. bumenta sakin ang biro at mahirap nang alisin pa. kaya hanggang ngayon, matapos ang madaming araw, ay naaalala ko pa din. at nangingiti kapag dumaplis sa isip. tamang pagtatapos sa isang magandang semestre.

ako man ay nang-gigigil. gigil na gigil. gigil na gigil sa pag-ibig.

pag-ibig sa maraming bagay. at higit sa lahat, sa aking Diyos.

gigil na gigil dahil minahal niya ako ng sobra. sobra sobra na ito ay siksik, liglig at umaapaw. sobra sobra na alam kong wala na akong aalalahanin pa.

gigil na gigil dahil minamahal niya ako kahit pa madami akong mali. kahit pa hindi ako perpekto. kahit pa minsan tinutulak ko siya palayo.

gigil na gigil dahil mamahalin niya ako habang buhay dahil anak niya ako. mamahalin niya ako kahit hindi ko ito matumbasan. dahil lang anak niya ako at ama ko siya.

at dahil sa pag-ibig na ito, nalalagay ako sa tahimik. napapanatag ako. nawawala ang lahat ng takot, gaano man ito kalaki.

matalas ang ngipin ng pating. pero gaano man ito katalas, hindi nito kayang kumain ng kahit anong mas malaki pa dito.

hindi kailanman kayang kainin ng takot ang tindi ng pag-ibig sakin ng Diyos. mas malaki ang aking Panginoon kaysa sa lahat ng bagay, kaysa sa lahat ng takot. at dahil dito, panatag akong pagkatiwalaan siya sa kahat lahat.

sa huli, papuri sa kaitaasan.