Sunday, January 11, 2009

bata pa lang ulyanin na: kumpisal ng kelangan ng mag-supplements

makakalimutin lang talaga ako.

parang kapag bago matulog na nakakalimutan kong magtoothbrush. o kaya naman ay kapag bago umalis ng bahay ay nakakaligtaang dalhin ang pinagpuyatang asaynment. minsan pa nga pati mga nagdaang araw ay di ko na naaalala, malaman laman ko lang na linggo na pala.

hindi ko naman sinasadya pero nakakalimutan ko lang talaga.

alam ko naman na kailangang magsipilyo dahil kung hindi mabubulok ang ngipin ko. alam ko din naman na babarilin ako ng prof kapag hindi ako nagpasa ng asaynment. at alam ko din na sa isang linggo, may pitong araw; sa isang araw, may dalawampu't apat na oras; sa isang oras, may animnapung minuto; sa isang minuto, may animnapung segundo, at ang isang segundo ay kasingtagal ng pagbigkas ng 'wantawsanwan' o 'wantawsantu'... kaya hindi ko alam kung bakit nakakalimutan kong kinabukasan na pala.

hindi lang sa hindi ko sinasadya, madalas ding hindi ko inaasahan.

sino ba namang gustong makalimot? liban na lang siguro kung karapatdapat kalimutan gaya ng mga sawing pagibig, bigong pangarap at masalimuot na nakaraan. pero ang mga bagay gaya ng pagsisipilyo, asaynment at petsa ay mga bagay na sa akin mismo ay hindi kalimot-limot.

pero ang utak ay may hangganan din.

walang bagay sa mundo ang unlimited. kahit pa ang promo ng globe ay may expiration din. ganun din marahil sa utak ng mga tao. kapag nagtagal ay nabubura na rin sa alaala. nababaon sa limot.

at ang mga bagay na nalilibing, gaano man ka-lalim ay nahuhukay pa din.


1 comment:

? said...

Bravo! Very rethorical!!!