Wednesday, December 10, 2008

para kay M[e]*

sumulat ako sa iyo, maria bianca,para paalalahanan ka na ang pangit pangit pangit na ng kamay mo.

magaspang, mamasamasa at namamalat na ang mga ito. meron pa kayang magtatangkang hawakan ang mga kamay mong iyan? malamang sa malamang, wala.

kaya nga marahil nauso ang kobyertos kasi walang may gustong kamayin ang kanin bilang ito ay malagkit. ganun din sa kamay.

at higit pa sa kamay mong pangit, pangit na din pati ang mukha mo.paano kasi ay lagi kang nagpupuyat. at tamad ka pa mag hilamos paguwi mo sa gabi kaya tuloy nananahan na ang polusyon ng kamaynilaan sa pores ng iyong mukha. yan tuloy para ka ng atis.

isamana natin pati ang dry mong buhok na parang walis pati ang madumi mong kuko na tinitirhan na ng kung ano anong germs. ah.pati na din pala ang baluktot mong likod at maitim mong balat. ang pangit pangit pangit mo lang talaga kung alam mo lang.

pero ang masama pa diyan, pangit ka na nga, pangit pa ang ugali mo. paano kasi ay masama kang nilalang. bilang katunayan, wala ng ibang lumabas sa bibig mo kundi kasamaan at marami ka ng nasasaktan sa pananalita mo. wala ka ng ginawang tama.

uulitin ko nang sa gayon ay matandaan mo. wala ka ng ginawang tama.

pero, maria bianca, kahit pa pangit ka, kahit pa taklesa ka, gusto ko ding ipaalala sa iyo na madaming nagmamahal sayo.

isipin mo ha, pangit ka nga pero kinakausap ka pa din ng maraming tao. sa katunayan eh dinadamayan ka pa nga nila sa panahong halos mamatay ka na sa pagod.

ito pa, masama man ang ugali mo eh sa paguwi mo naman sa bahay eh may nakahanda na kaagad na pagkain at pinagsisilbihan ka pa ng kapatid mong inaaway-away mo lang dati.

at kahit gaano pa kadaming tao ang nasaktan mo sa iyong pananalita, tandaan mong humihinga ka pa sa mga segundong ito na katunayan ng walang mintis na pagmamahal sayo ng Diyos.

ano pa ang hihilingin mo?

sa totoo lang, ang liham na ito ay para paalalahanan ka, higit pa sa estado mo ngayon, na madaming madaming madaming nagmamahal sayo at hindi ka karapat dapat sa pagmamahal na ito.

hindi ko sinasabi na magpatiwakal ka na dahil wala kang silbi pero nais kong ipamukha sayo na kahit gaano ka pa din kapangit eh hindi ito hadlang para mahalin ka nila. kaya dapat lamang na magpasalamat ka at tumanaw ng utang na loob.

at sa lahat lahat ng kapaguran, kahaggaran, kawindangan, kabangagan, kalokohan at kasayahan ito lang ang masasabi ko parasa iyo at para narin sa akin,

praise God!

-bianca

p.s. gumamit ka kasi ng lotion nang medyo gumanda-ganda naman ang iyong kamay.


*pasintabi kay RL at CP

No comments: