Sunday, April 25, 2010

graduation pictures

ang daming camera kanina at kahapon.

hindi ko na tuloy alam kung saan titingin. naalala ko, nakapose ako kasama ng mga kaibigan ko, pero may apat mahigit na camera na kukuha ng litrato namin. minsan pa nga, hindi nagbibilang yung kumukuha, kaya tuloy hindi kami prepared sa litrato-- madalas na nakabuka ang bibig na parang tanga lang, o nakamangot na parang pinagsakluban ng langit at lupa.

naglipana ang mga photographers sa graduation grounds. lahat sinisikap na makuha sa litrato ang katangitanging pagkakataon ng pagtatapos.

sabi nga ni mami, minsan ka lang naman magtatapos sa buong buhay mo.

kaya hindi ko pinalagpas ang pagkakataon na magpapiktyur kasama ng mga kaibigan ko. pero gaya nga ng sabi ko kanina, kapag nakapose kami, may apat o higit pang camera na kinukunan din kami. kaya ayun, kung saan-saan tuloy kami nakatingin sa litrato.

kung saan-saan tayo nakatingin, pero saan naman kaya tayo pupulutin?

hindi maiiwasan ang paalala na matapos nitong graduation ay ang pagpasok sa 'real world' ika nga ng marami. ang pagtatapos ay, sa katotohanan, siyang simula pa ng mas marami pang mga bagay.

tinitingnan ko yung litrato naming mga kaibigan, at iniisip ko kung saan nga ba kami pupulutin matapos nitong graduation. makakahanap kaya agad kami ng trabaho? magiging successful kaya kami sa buhay? makakahanap kaya kami ng mapapangasawa? kelan kaya kami ulit magkikita-kita pagkatapos nito? saan kaya niya nabili yun damit niya? madaming tanong sa madaming pagkakataon.

tinanong ko ang isang kaibigan minsang nageemote ako sa kung ano ang gagawin ko buhay. sabi ko, "wherever am i headed at?" sagot niya, "forward no matter what". kung merong isang bagay na sigurado, yun ay ang pagsulong.

ngayon, itong mga piktyur ay magsisilbing paalala ng kung ano pa ang maaring mangyari sa amin.

pero sa mga susunod na araw, alam kong itong mga litrato ay magiging alaala na minsan nating hinarap ang pagtatapos na siyang simula ng mas malalaki pang mga bagay.

sa huli, baka bitter lang talaga ako at lagi na lang kasi akong nakakalimutan. paano kasi ay hanggang ngayon hindi ko pa nakukuha ang studio shots ko. sayang naman.

Saturday, April 24, 2010

para sa mga madaling makalimot at madaling makalimutan

lagi na lang akong kinakalimutan.

o mas madalas na wala sa listahan [marahil, kinalimutan na nga].

halimbawa na nga ay nung unang roll call ng graduating students sa FA. marami kaming hindi natawag. akala ko naman normal lang yun, o baka naman dahil talagang hinold ni sir yung mga thesis grantees bilang hindi pa namin napapasa yung catalog sa kanila. pero biglang naglabas ng papel yung prof, listahan daw ng mga laude.

for a moment, umasa ako na baka umabot yung grade ko sa laude [kahit pa alam ko namang imposible yun]. napakapit ako sa upuan ko habang tinatawag ng prof yung mga pangalan ng laude. lumagpas na ng B. hindi ako natawag.

wala ako sa listahan ng graduating students.

wala naman akong deficiency. kumpleto na naman ang grade ko sa crs. nakapagbayad naman ang grad fee at tinawag naman yung ibang grantees, pero bakit hindi ako tinawag? nabahala ako. baka, kako, hindi ako makagraduate.

naayos naman agad ang problema. nakasama na ako sa mga sumunod na roll call [kahit pa sa ibang major ako natawag T_T]. kaya unti-unti, nawala ang pagkabahala.

pero makulit lang talaga ang tadhana. hindi na naman ako natawag kanina sa parangal.

dapat kasi tatayo kapag tinawag ang pangalan ng grantee. ready na nga ako eh. kaso lumagpas na ng B, wala pa ding bonjibod. hindi ko na nagawang isulat ang pangalan ko sa papel at iabot sa stage gaya ng sabi ni sir [mabilis kasi ang mga pangyayari, nagulat na lang ako at tapos na]. higit pa dun, ayos lang din naman.

nagtataka lang ako kung bakit lagi na lang akong nakakalimutan. at bakit nga ba tayo nakakalimot?

baka kasi may ayaw tayong maalala. o hindi lang tayo nakikinig maigi. pero ako, dun ako sa una. madami tayong ayaw maalala.

kahapon sana yung huling araw na malulubos ko yung student discount ko. pero, aba, ayaw nung manong tanggapin yung bayad ko. kesyo summer daw at walang pasok. sa isip ko 'pano kung may summer classes ako. at saka pag saturdays, sundays and holidays lang walang student fare ah!?'. pero sa isip ko na lang yun. dahil mas mahalaga sa akin yung paalala na sa isang araw, hindi na ko estudyante.

wala akong ayaw maalala. sa apat na taon na kasama ko kayo, wala akong kakalimutan. lahat ng oras kasama kayo, mahalaga. lahat ng pagkakataon, masaya. makalimot man ako ng pangalan, maalala ko naman ang oras na pinagsamahan.

sa huli naisip ko na, ayos lang kahit hindi ako natawag, madalas din naman akong nakakalimot ng pangalan. quits lang.

Wednesday, April 14, 2010

mirror mirror

hindi ko maiwasang tumingin sa salamin.

paborito ko kapag dumadaan ako sa may gilid ng law at ncts kung saan madaming kotse. hilig kong tingnan yung repleksyon ko sa mga bintana ng mga nakaparadang sasakyan. tinitingnan ko kung gusot na ba yung damit ko, kung ayos pa ba ang buhok ko, kung maganda pa ba ako tingnan.

madalas ay binobola ko na lang ang sarili ko na, oo maganda ako. pero sa loob-loob ko, ramdam kong hindi at naghihintay akong may ibang taong magsabi. insecure na naman kasi ako.

mahirap mabuhay sa mundo na ang dikta ay maging maganda. na ang maganda ay kelangan ay makinis, sexy at malambot ang buhok. mahirap kapag hindi ka pasado sa merkado. kaya madalas na nakakamukmok na lang talaga.

kung ako lang ay ayaw ko nang tumingin sa salamin, kasi ayaw kong harapin ang katotohanan na hindi ako kagaya ng dinidikta ng mundo. ayaw kong makita ang sarili ko na hindi pasok sa merkado. gusto ko na lang sa dilim.

pero kaya lang naman tayo insecure kasi lagi tayong nasa dilim; na sa sobrang dilim ay hindi na natin nakikita kung gaano tayo kaganda kapag nasa liwanag.

minsan, kelangan ko lang pala matuto na makuntento at maging masaya sa kung ano ang meron ako.

ugali ko pa din, hanggang sa ngayon ang manalamin. hindi na lamang para makita kung maayos pa ba ang hitsura ko o bolahin ang sarili na maganda ako pero para maappreciate ang ganda na pinagkaloob sa akin, hindi man ito gaya sa kung ano ang dikta ng mundo.

Thursday, April 1, 2010