Sunday, January 31, 2010

deadlines

kung ang mga deadline ay tunay na lubid, matagal ko nang binigti ang sarili ko.

santambak ang deadline ng mga bagay ngayon. kung tunay ngang lubid yun, pag dinugtong-dugtong ko ay pwede na kong mag-bungee jump mula saturn pabalik ng earth. wala pa kasi akong natatapos. hindi pa din kasi ako nagsisimula.

madaming deadline na paparating palang, gaya ng paper sa archeo, studies para sa thesis, plate sa elective. at marami ding deadline na lipas na, yun na nga yung santambak na paper sa PI at isa pang paper sa archaeo na nakalimutan ko nang gawin. minsan naisip ko, kaya ba deadline ang tawag sa pasahan ng mga bagay dahil tunay itong nakamamatay? to death kasi ang effort para makapagpasa lang ng requirement.

naisip ko din minsan, bakit kung may deadline, eh may deadliest deadline pa? kung pwede namang magpasa matapos nung deadline, bakit deadline pa din ang tawag? pag lumagpas ba sa deadline, after life na yun? madaming tanong sa maraming pagkakataon. at lahat ng pagkakataon na yun ay ang mga panahon na tinatamad lang akong magsimula. to hell with deadlines.

sana nga tunay na lubid ang mga deadline. bet yata magjump-rope ngayon.

Friday, January 29, 2010

kay paula at kay angel, dahil magbebente na kayo

tumatanda na tayo.

hindi na tayo naglalaro ng paper dolls gaya ng dati, hindi na din tayo nag-agawan ng character sa power rangers. higit sa lahat, hindi na tayo pwede maligo ng sabay gaya dati.

naalala niyo yun? naglalaro tayo ng paper dolls sa pasig. pina-iyak niyo ko dahil sabi niyo hindi naman maganda si licca, yung paborito kong paper doll. tapos kapag napuputol yung ulo ng kahit sinong paper doll ko ay agad-agad ko itong tinetape. alagang-alaga ako sa mga laruan kong yun. masira na ang lahat, wag lang sila. pero wala na sila ngayon.

dati din, naglalaro tayo ng power rangers. naalala ko noon, gusto ko maging pink ranger. pink kasi ang favorite color ko. pero sabi mo pau, nauna ka kay pink ranger, kay mag yellow ranger na lang ako. yan tuloy, mula noon, yellow na favorite color ko. ikaw naman gel si blue ranger, kahit pa lalaki yun. hindi kaya questionable na ang sexuality mo noon? biro lang. bumawi ka naman sa jet man noong babae na si blue swallow. ako naman ang nawalan ng character kasi ayaw ko kay yellow owl, matabang lalaki kasi yun. at siyempre, as usual, si pau si pink swan. love team pa nga sila ni jeck jeck kasi siya naman si black condor. naaalala niyo pa ba yun?

at higit sa lahat, hindi na tayo pwede maligo ng sabay-sabay gaya ng ginagawa natin noong bata pa tayo. dati, ayaw natin ang naliligo kung hindi kasabay ang isa. kahit pa sumasakit ang ulo ng mga tita natin satin kasi ang tagal natin sa banyo. namimiss ko ang mga panahong yun. kasabay kasi ng pagtanda natin, nabuo na ang hiya, nalayo na tayo sa isa't-isa. nasaan na nga ba tayo ngayon?

madami tayong kelangan habulin sa isa't-isa. :)

Wednesday, January 27, 2010

kung bakit bawal mag-kape ang bata

wala namang nasusunod sa plano.

balak ko dati na hindi uminom ever ng kape. sabi kasi nina mama, bawal daw yun para sa mga bata kasi nagpapatigil daw ito ng pagtangkad. eh gusto ko ang tumangkad.

pero wala ngang nasusunod sa plano. kaya grade 5 yata ako noong una akong nag-kape. ayun, non-stop na. ambango kasi eh.

umabot din ako sa point na ginusto ko lang tumigil mag-kape. masyado na kasi nagdedepend ang sistema ko sa ganun. na hindi ako nagigising nang walang iniinom na kape. hindi maganda ang ganun.

yun nga lang, nauso ang coffee house planner. kaya nauso din ang "pagtulong" sa mga kaibigan sa pagkumpleto ng mga sticker. balik-kape, balik din sa dependency. kung dati, pampagising lang, ngayon naman para may planner.

makulit lang siguro ako, pero wala talagang nasusunod sa plano.

kaya din siguro wala akong planner. para saan pa?

Saturday, January 23, 2010

taguan

Tagu-taguan | maliwanag ang buwan

Ayaw na ayaw ko ang naglalaro. Alam mo yun. Lampa kasi ako at madalas nasusugatan. Ayaw ko ang nasasaktan, ayaw ko na kasi umiyak. Ayaw ko din kasi ang natatalo. Pikon kasi ako.

Tulad ngayon, napipikon na ko kakahintay sayo. Buong gabi na ako nandito, pero wala ka pa din. Hindi na lang talaga tayo nagkakaabutan online. Magka-iba na yata tayo ng timeslot. Online ako ‘pag offline ka, offline ako ‘pag online ka. Nanadya nga yata ang pagkakataon, ayaw tayong pagtagpuin. Minsan naisip ko, tinataguan mo kaya ako? Napipikon ka na ba sakin kaya ayaw mo na ko makausap? Ayaw mo ba talaga sakin? Baka nga, kako, tinataguan mo ko. Madalas din nama’y tinataguan kita.

Nagtataguan nga siguro tayo. Ayaw ko ng ganito. Ayaw ko mag-laro nito. Ayaw ko ang tumataya lalo pa at alam ko namang matatalo din naman ako sa huli. Alam ko, sa larong ito, matatalo lang ako

Tayo’y maglaro | Sa dilim-diliman

Gabi noon nung huli tayong mag-usap. Romantic kung romantic, pero parang hindi din. Magkatabi tayo pero hindi din. Magkausap tayo pero hindi pa din. Hindi lang siguro tayo nagkakaintindihan—hindi naman tayo kailanman nagkaroon ng pagkakaintindihan.

Lagi kong binabalikan yung gabing nag-usap tayo. Hindi kita maaninag sa dilim ng paligid. Naririnig kita, alam kong nandyan ka, pero parang wala pa din. Baka, kaya hindi tayo magkaintindihan, kasi hindi kita makita. Andyan ka nga pero, dahil nga madilim, parang wala din.

Kung laro man ito, suko na ko. Hindi kasi kita makita, hindi kasi kita mahabol.

Pagbilang kong tatlo| magsitago na kayo

Magic comes in threes, lagi kong sinasabi sa sarili ko. Kung bibilangin, dalawang beses pa lang tayong nag-uusap tungkol sa atin. Lagi tayong magkasama, lagi tayong magkausap, pero hindi naman tayo nag-uusap tungkol sa atin. Hindi tuloy natin alam kung ano ang nangyayari sa pagitan natin. Pero takot ako, at alam kong takot ka din, kaya iniiwasan natin ang paksang yun.

Kaya madalas akong umiwas. Naalala ko noon, may halos isang linggo akong hindi nagparamdam. Sabi ko ‘nagpapa-miss’ ako sa mga tao. Matapos nun, ikaw naman ang ‘nagpa-miss’. Sabi mo, gumaganti ka lang. Hindi naman kita tinaguan nitong linggo pero bakit feeling ko tinataguan mo ako? Kung sakaling tinataguan mo nga ako, ‘di bale, tataguan na lang din kita. Quits lang kumbaga.

Magic comes in threes. Takot ako na baka sa pangatlong pagkakataon na mag-usap tayo, may mangyaring hindi maganda, baka mawala ka pa. Mas mahalaga sa akin ang kung anong meron tayo ngayon kaysa sa mga posible pang mangyari.

Isa

Pero wait. Ano ba itong ginagawa ko? Bakit nandito pa din ako?

Dalawa

Akala ko sumuko na ko sa larong ito. Pero hindi, taya na naman ako.

Tatlo

O siya. Aasahan ko, paglingon ko, wala ka na.

Boom!

Thursday, January 14, 2010

bye bye loona

dedz na si loona.

naniniwala ako na lahat naman tayo ay nagkaroon ng imaginary friend kahit minsan sa mga buhay natin, lalo na noong kabataan natin. nagkataon lang siguro na delayed ang childhood ko.

si loona ang pet balloon ko. isa sa dinami-daming inanimate objects na bininyagan ko at binigyan ng personality. kagaya ni gino, yung pc ng grapiks sa kule, ni pol, yung pole sa may katipunan, at ni stephanie, ang ultimate imaginary friend ko, si loona ay nagka-buhay dahil kinailangan ko ng kausap, kinailangan ko ng kasama.

binigay sakin si loona ng isang kaibigan, minsan isang martes ng umaga. matapos nun, buong araw kong hawak yung balloon na puno ng tubig. hindi ko pinabayaan si loona lalo pa at alam kong fragile ito, madaling pumutok kumbaga. nakalampas ang isang araw na hindi pumuputok ang alaga kong balloon. naisip ko, kung maalagaan, baka kako kayanin nitong tumagal.

si loona ang nagbigay sakin ng pag-asa na kahit ang mga maselang bagay ay pwedeng tumagal. nagkaroon ako ulit bigla ng konsepto ng forever. may mga bagay pala talagang nagtatagal.

pero wala na siya, tigok kumbaga. patay na si loona, ang pet balloon ko.

kahapon tinanong ako nung nagbigay, 'hindi ka ba magmo-mourn para sa pet balloon mo?" sa totoo lang, ayaw ko. nawala na din sa isip ko yun. ano nga ba naman si loona kundi isang ilusyon, isa sa mga imaginary friends ko. sa isip ko lang naman nag-exist si loona. para sa akin, isa siyang pet. sa mundo, isa siyang balloon. ngayon wala na siya, isa na lang siyang pumutok na lobo.

nawala na ang pag-asa ko sa isang happily ever after, sa konsepto ng forever. binalik ako sa realidad na pansamantala lang talaga ang mga bagay at laging darating sa punto na kelangan lang talaga tumigil nito. lahat ng bagay may katapusan, kahapon yung kay loona.

may butas na kasi yung lobo. hindi ko na din alam ang gagawin ko. biniro pa ako na slow death daw ang nangyayari kay loona. naisipan ko na lang tuloy siyang patawan ng euthanasia, mercy killing na lang para wala ng sakit. binato ko tuloy yung lobo sa pader at pinanood ang saglit na pag-tama nito sa tiles sabay ang pagbulwak ng tubig nito. ako ang pumatay kay loona. ako ang tumuldok sa pag-asa.

sayang, hindi ko pa man din nadrowingan ng mata si loona.

Saturday, January 9, 2010

sa pagkatuto at pagtanda: isang hardcore emo blog oyeauh

tumanda na nga ako, pero natuto ba ako?

nasa party ako ng isang kaibigan kagabi. at isa sa mga bagay na pinaka-pinagisipan ko buong gabi ay ang masaklap na katotohanan na, oo nga, matanda na ako.

pulos teenager ang kasama ko sa party, mga 13-18 ang mga edad. ako nga lang yata ang college student sa dun. pakiramdam ko tuloy ang tanda ko na. iba ang sayaw nila sa sayaw ko, iba ang kanta nila sa kanta ko, iba sila sa kung ano ako.

hindi ko inakala na aabot ako sa ganung realization, na sasama ako sa isang party at ako lang ang hindi makasunod sa galaw. hindi ko inakala na, minsan sa buong buhay ko ay, aaminin ko na hindi na lang talaga ako bata, at hindi na din babata pa.

matanda na nga ako, wala naman akong alam.

sa mahigit 20 taon ko sa mundo, tila wala naman akong napala. hindi ko maipagyayabang na sa tanda ko ay naging marunong ako. hindi ako natuto. wala akong natutunan.

hindi sa walang dapat matutunan, ayaw ko lang siguro. ayaw ko lang siguro tanggapin ang pagtanda, at kaakibat nito ay ang pagkatuto.

baka nga kelangan ko na matuto. kelangan ko na aminin na tumatanda na ko. kelangan ko na.

mahirap nang tumanda nang hindi marunong.

Friday, January 1, 2010

labing-isang hello para sa 2010

labing-isang linggo na lang.

kung tama ang tantsa ko, meron na lamang akong 11 linggo sa unibersidad. meron na lamang akong 11 isyu na kelangan ilayout. meron na lamang akong 11 presswork.

meron akong mahigit-kumulang (paano ay tantsa ko lang) 11 beses na papasok sa opis para bumati ng "hello po" sa kung sino mang makita ko. saglit na lang pala ang panahon ko sa lugar na halos bahay na para sakin.

may halos 11 linggo na lang ako para lumabas-masok sa fa para mag"hello" sa mga kaibigan at kakilala, at para magtago na din sa mga prof. paalaala na din siguro ito para sa akin na kelangan ko na lubusin ang mga tambay ko sa fa, paano ay sabay-sabay din kaming aalis.

11 linggo na lang. matapos nun, hindi na ko pwedeng humingi ng baon mula kina mama at papa. matapos nun, hindi ko na pwedeng gawing dahilan na may pasok sa iskul para magkaroon ng pera panggastos sa mga lakad. walang pasok, walang baon.

saglit na lang. kaya ang lungkot na ang pambungad ko para sa bagong taon ay isang pamamaalam.