Thursday, June 24, 2010
gas boy
gustong-gusto ko yung amoy ng gasolina. di ko rin alam kung bakit. dati pag nagpapa-gas si papa, inaabangan ko na buksan niya yung bintana ng kotse para makapasok ng onti yung amoy. adik lang.
pero mula nung matuto akong mag-commute, at nawalan na din kami ng kotse at nagmahal pa ang presyo ng gas pati pamasahe, parang ayaw ko na.
bagaman gusto ko pa din yung amoy, ayaw ko naman ng pagkakataon.
hassle kasi kapag late ka na nga, tapos magpapa-gas pa yung jip na sinasakyan mo. malas lalo kapag chummy pa yung driver sa gas-boy at makikipagkwentuhan pa. nung minsan, mahigit isang oras akong nalate sa klase dahil halos lahat na lang yata ng gas station ay pinarahan ng driver nung jip. hindi man nagpapagas, nagpapabarya naman.
nakakainip talaga yang mga nagpapa-gas na yan. matagal pa kung bumuwelo.
pero ang mahalaga naman ay yung makarating sa paroroonan. kahit late na, at least nakarating pa din. yun naman ang mahalaga eh.
matagal man bumwelo, ayos lang. worth the wait naman. at least nandito na.
wala lang talaga. <3
Friday, June 18, 2010
counting sheep
sabi nila, kapag hindi daw makatulog, magbilang daw ng tupa.
halos dalawang linggo na din, simula nung despedida ni mark, na hindi ako nakakatulog hangga't wala pang alas singko ng umaga. nasubukan ko na magbasa, pero wala pa din, kahit pa ilang libro matapos ko.
ang hirap. lalo na kapag pagod na pagod na ako. halos maiyak na nga ako kasi hindi ko makuha magpahinga kahit pa gusto ko. kung pwede lang, sana tulog na lang ako buong buhay ko.
two.
pero hindi pwedeng tulog na lang palagi.
ang hirap pa nga niyan ay puyat na nga ako, maaga naman ang gising ko. kelangan kasi humabol sa job hunting. buti nga may mga nakukuha akong raket. pero siyempre hindi pa din sapat.
nandito ako ngayon sa punto na nagiisip kung saan ba ako pupulutin. kung makakapasok kaya ako sa magandang kompanya, kung magkakaroon ng mataas na sahod, kung aarangkada ba ang karir ko.
three.
karir. isang magandang karir.
sana ganun lang kadali yun. pero paano ako magkakaroon ng magandang karir kung hindi naman bagay sa akin ang propesyon ko? paano ako magiging isang magaling na artist kung hindi naman ako marunong magdrawing?
sa totoo lang, hanggang magandang cover letter lang ang kaya kong gawin. pangit kasi ng portfolio ko.
four.
pero ganun na lang ba talaga yun?
na kaya tayo nagaaral ay para magkaroon ng 'stable career' pagkagraduate? at kaya nagkukumahog tayo makapasok ng magandang paaralan ay para pag-agawan kuno ng mga kompanya?
sa tingin ko hindi.
five.
ang pagaaral ay higit pa para magkaroon ng isang magandang karir.
at hindi totoo na kapag gumraduate ka mula sa isang magandang paaralan ay pagaagawan ka ng kompanya. kelangan pa din patunayan ang sarili, higit pa sa kung anuman.
pero paano ko papatunayan ang sarili ko sa mundong wala namang bilib sa akin?
six.
kung sabagay, ako man ay walang bilib sa sarili ko.
kaya nga sa bahay lang ako matapang. sa kapatid ko binubuhos lahat ng hinanakit ko. kaya madalas nasasaktan ko sila, hindi ko man sinasadya.
pero sana alam nila, na sa bawat sakit na binibigay ko sa kanila, higit pa ang balik nun sa akin.
seven.
sakit at saya. pain and pleasure.
content and discontent, bliss and grief, security and insecurity. sa'yo ko lang nararamdaman lahat ng iyan ng sabay-sabay.
hinding-hindi mapapawi ang luha at ngiti na dala mo sa kin. dala-dala ko ito kahit sa panaginip.
zzz
Thursday, June 17, 2010
charades
Six words.
Naubusan na ako ng mga salita.
Hindi pala. Ang dami kong gustong sabihin pero walang lumalabas. Hindi ko mahanap ang mga tamang salita. Naisip ko, hindi kaya kung bakit wala na akong masabi ay kasi wala na talagang dapat sabihin?
Hindi naman siguro ganun. Palagi at palaging may sasabihin. Madalas lang na walang gustong makinig.
English. Taytel ng libro.
Nabasa ko sa Harry Potter and the Sorcerer’s stone: “It does not do to dwell on dreams and forget to live.”
Madalas ay ayaw ko na ang magising. Kung ako lang ay patuloy na lang akong mananaginip. Magpapakalunod na lang ako sa mga kathang isip kesa magising sa realidad na masaklap pa sa bangungot. Para sa akin, isang masamang panaginip ang hindi makapagsalita. Kung wala din naming masabi eh bakit kelangan pa magising?
Problema nga lang ay hindi naman ako makatulog. Paano gigising kung wala namang tulog kung saan ako dapat gisigin?
Fourth word, one syllable. Sounds like ‘eye’.
Alam mo yung feeling na mulat na mulat ang mga mata? Yung hindi talaga madapuan ng antok?
Minsan pa nga ay halos maiyak na ako dahil gustong-gusto ko na ang makatulog, pagod na pagod na kasi ako. Pero ayaw talaga kahit pa gaano pa kadiin ko ipikit ang mga mata ko.
Sana ganun lang kadali yun, pipikit lang ako tapos nandun na ako sa dreamland—kung saan kita kikitain.
Third word, one syllable. Sounds like ‘match’.
Bagay tayo. Sabi nila.
Sabi mo, huwag akong magsulat ng kolum tungkol na naman sayo. Dagdag mo pa, bakit hindi na lang ako sumulat tungkol sa araw ng kalayaan, o tungkol sa unemployment, o iba pang mga bagay. Madami namang iba diyan.
Pero paano ako susulat ng iba, kung ikaw at ikaw lang ang laman ng isip ko?
Sixth word, one syllable. Nakaturo ako sa’yo.
Ikaw nga. Ikaw na naman.
Hindi ka mawala sa isip ko. Palagi at palagi kang nasa panaginip ko kung makatulog man ako. At lahat ng bagay ay nakokonek ko sayo, mula amoy ng fabric conditioner hanggang pangalan ng mga santo. Minsan nga nakakita lang ako ng nakashorts ay naalala agad kita.
Hindi ka naman kasi nawala sa isip ko, kahit saan man ako naroroon.
Second word, one syllable. Sounds like ‘house’. Minus ‘s’.
Madalas ay nasa bahay na lang ako ngayon. Milya-milya ang layo mula sa kung saan ka man naroroon.
Sa bahay wala naman akong magawa kundi magbasa, wala na kasing ibang magawa. Minsan nga, nakakatapos ako ng tatlong libro sa iisang araw. Hindi lang kasi dahil walang magawa kundi pati na din kasi hindi ako makatulog.
Baka nga kako ganun, kaya wala akong masabi dahil, sa kakabasa ko, sa ibang tao ko napupulot ang mga dapat sabihin. Ibang tao ang nagsasabi para sakin.
First word, one syllable. Isang malaking question mark.
Pero ano nga ba ang dapat sabihin?
Fifth word, one syllable. Korteng puso.
Walang dapat sabihin, hindi naman kasi sapat ang mga salita. Parang sa charades kung saan hindi na kailangan ng salita, sapat na ang katahimikan para sa pagkakaintindihan.
Game.