Friday, August 28, 2009

B-E-A-M means smile

naalala mo pa ba? noong uso ang pagkanta ng beam jingle na hindi ngumingiti? 

benta yun kapag may parlor game [bring me a singing mommy or daddy kunware] tapos mga nanay at tatay yung kumakanta. pero ano nga ba ang bago dun? di naman kasi talaga sila ngumingiti. ah. hindi naman kasi sila normally kumakanta.

sabi nila, mahirap kantahin yung jingle nang hindi nakangiti, pero parang hindi naman. nagagawa ko nga yun eh. kaya naman kasing hindi ngumiti habang kumakanta. pero hindi maiwasan ang ngumiti sa dulo ng jingle. malamang kasi ay pinagtatawanan ka na ng iyong audience.

siguro nga. mahirap kasi ang hindi ngumiti. mahirap ang hindi maging masaya.

kaya pala palagi akong naghahanap ng magpapasaya sa akin. palaging naghahanap ng mint choco chip icecream, melon-mango shake, cheese turon, siomai, kape, donut, cheeseburger meal, caramel sundae, vanilla frappe, yum with cheese, wow steak meal, twister fries, coke float, libreng pagkain, libreng sakay, facebook, kaibigan, chikahan, kwentuhan, magandang libro, magandang sine, magandang panahon, masarap na kwentuhan nang magdamag sa kung saan man. lahat nito nakakangiti. nakakasaya.

naalala mo pa ba?

Sunday, August 23, 2009

sa dreamland, kung saan kita kikitain

lagi na lang akong tulog. lagi na lang akong nasa dreamland.

lalo pa ngayon na nagkaroon ng long weekend [salamat kay Quezon at kay Ninoy, pati sa mga utaw na nagpasimuno ng ACLE]. gigising lang ako para kumain. sabi ko kasi, ngayon lang ako makakabawi ng tulog, kahit pa alam ko na hindi nababawi iyon.

at hindi mawawala sa pagtulog ang mga panaginip. minsan pa nga, kaya ako natutulog ay para lang managinip. may mga bagay kasi na, dahil imposibleng magkatotoo eh, sa dreamland lang nangyayari.

nandoon lang ako sa dreamland. palagi akong nasa dreamland.

madalas kasing napuputol ang mga paniginip ko. yung tipong malapit na sa climax, tapos magigising na lang ako bigla. parang hinahatak talaga ako palabas ng panaginip, hinahatak pabalik sa katotohanan.

madaming beses na nangyari yun. madaming beses na pakiramdam ko may humihila sa mga paa ko palabas ng eksena, at magigising na lang ako sa realidad na hindi talaga. kaya nakakapikon. palagi na lang. paulit-ulit.

pero hindi ba kaya paulit-ulit ang mga bagay para malilok ito sa alaala?

baka nga. baka nga kaya lagi na lang nauudlot ang aking panaginip. para paalalahanan ako na hindi talaga. na hindi iyon mangyayari. na hanggang panaginip na lang talaga lahat.

kaya tuloy lagi na lang akong tulog. lagi na lang akong nasa dreamland.

Thursday, August 20, 2009

balut para sa mahina ang tuhod

mainam daw ang balut para sa mahina ang tuhod.

pero hindi naman ako kumakain nun. hindi ko kasi masikmura ang pagkain ng baby chick/duck na nagsiswimming sa kung ano mang fluid yun na nasa loob ng kanyang shell. at dahil kadiri nga kasi itong tingnan, macho daw kapag kumain nito. kaya pampalakas daw ito ng tuhod.

madaming beses akong nasabihan na kumain ng balut para lumakas ang tuhod. lampa kasi ako. palaging nadadapa, natatapilok at higit sa lahat, nahuhulog. madalas pa nga, nahuhulog ako sa parehong bagay [patibong, butas, ewan]. hindi kasi ako matutotuto. at mahina pa ang tuhod ko.

minsan, nakakapikon na nga. nahulog na nga ako minsan ay mahuhulog pa din ako sa parehong bagay. kahit pa alam ko na naandun na iyon. kahit pa alam ko na parehas na bagay lang yun. kahit pa binabalaan na ako ng mga kaibigan ko. nahuhulog pa din ako.

minsan nga ay inaalalayan na nila ako, sa takot nilang madapa na naman ako. buti na lang na andyan sila. paano kaya kung wala na? may magbababala/aakay pa ba sakin?

baka nga kelangan ko na ng balut. 

mainam daw ang balut para sa mahina ang tuhod.

Tuesday, August 18, 2009

kung bakit kelangan mabagal maglakad 'pag naulan

malamang kasi ay madudumihan ang pwet ng pantalon/shorts.

kahapon naglakad kami mula vinzons hanggang sc. at bilang hindi ako marunong maglakad sa ulan ay puro talsik ng putik ang pwet ng shorts ko. na sa sobrang dumi ay maski yung manong na nakasunod sakin sa pila sa bangko ay sinabihan ako na ang dumidumi daw ng suot ko.

pero ano nga ba ang magagawa ko? nandyan na ang mantsa at hindi agad-agad mabubura.

kaya tumuloy kami ng philcoa para magpapalit at kumain. tumawid sa overpass at naglakad pa ng kaunti. sa totoo lang, nahihiya akong pumasok noon sa kahit saan. baka kako maulit yung nangyari sa bangko na pinuna ng manong ang madumi kong pwet. pumasok kami ng jollibee, ng technohub at ng starbucks na pakiramdam ko na gusgusing bata ako. madumi na nga ang paa dahil sa kakalakad sa putik at madumi pa ang shorts bilang hindi lang ako marunong maglakad.

wala akong magawa kundi tanggapin na madumi na lang talaga siya. hindi na lilinis ang  shorts ko liban na lang kung hubarin ko ito at labhan. 

nakabalik naman ako ng vinzons na madumi ang pwet, kahit na alam ko madaming nangiti/natawa sa karumihan ko at lubos na nagsisi na dapat ay binagalan ko ang lakad para hindi natalsikan ng putik. pero ayos lang. ano nga ba magagawa ko?

sa susunod na lang, babagalan ko ang lakad ko. darating din naman ako dun.


Friday, August 14, 2009

labing siyam na hikab at kung ano pang mga kwento dahil may trapik

lagi na lang may trapik. 

kaya lagi na lang akong huli sa klase. at hindi na iyon bago sa mga prof ko. markado na nila ako bilang late. si bianca na laging late.

kahit pa alas-diyes ng umaga ang klase ko, hirap na hirap pa din akong pumasok. kapag ganun kasi ay kelangan ko umalis ng bahay ng mga alas-otso y media para nakarating ng sakto sa oras. pero tamad akong gumising at mabagal kumilos. kaya madalas ay alas nuebe na ko kung makaalis. at kapag nagka ganun, alas diyes y media ako makakarating at tyak malapit na kaming i-dismiss ni maam nun. 

lagi din kasi akong puyat. milagro na kung makatulog ako ng bago mag alas dose. ewan ko, meron yatang sira ang body clock ko kaya tuloy kelangan pang sumapit ang ala una ng madaling araw [minsan pa nga alas tres] bago ako makatulog. kaya mahirap gumising ng alas sais o ala siyete. kaya tuloy sa biyahe ay hikab ako ng hikab.

minsan nga sikapin kong bilangin ang dami ng beses kong hihikab. hindi ko na din napapansin bilang madalas ay nakakautlog na ko. siguro, siguro lang naman, kung susumahin ay mga halos labing siyam na beses. isa kada tigil ng dyip para mag-abang ng sasakay.

sabi nila, sa paghikab napapalitan ang oxygen na ginagamit ng utak kapag nag-iisip. naeexhaust kasi ang utak kaya kelangan nito ng oxygen. ibig sabihin, ang taong hikab nang hikab ay ang taong isip nang isip. 

marahil madami nga akong iniisip. madaming kelangan asikasuhin. minsan, naabutan kong lumilipad ang utak ko. nagkaroon na siya ng hobby na ganun. ang mawala sa wari at lumipad sa kung saan man na mukha namang masaya. nakakapagod naman kasing mag-isip. nakakapagod kaya mag-aral.

lagi din akong tulog. kahit sa byahe. kung ikaw ba naman ay lagpas isang oras ang byahe, hindi ka kaya makatulog? minsan pa nga mas gusto ko ang matulog, may mga bagay kasi na sa panaginip lang pwedeng mangyari.

kahihikab ko lang. ibig sabihin kaya nun ay naexhaust ko ang utak ko sa pagsulat ko ng blog na ito? o inaantok lang talaga ako bilang oras na ng siyesta? pero kakagising ko lang mula sa mahigit sampung oras ng tulog. baka nga napagod ang utak ko kakaisip.

lagi na lang kasi may trapik. 

mali. lagi palang mabagal ang trapik.

Sunday, August 9, 2009

dug dug sabi ng heart

hindi ito tumitigil at hindi nawawala sa ritmo. 

pabilis nang pabilis habang may sumisidhing damdamin.

minsan itong titigil at minsang mawawala sa ritmo.

Friday, August 7, 2009

breathe in, breathe out

minsan kasi akong naging dancer.

or so i think. wala kasing hindi gumagraduate sa siena na hindi nakasayaw on-stage. eh kung buwan-buwan ay may song interpretation contest, hindi ka kaya matuto/mapilitan sumayaw?

kaya ayun. naalala ko na minsan ay sumali ang buong klase sa cheerdance competition. intrams kasi at fourth year na kami nun. kaya para masabi lang na minsan sa mga buhay namin ay naging magagaling kaming dancers [or so we think], sumali kami. at kinayanan ang lahat ng pasakit ng pagpapanggap [para sa karamihan samin] na maalam kaming sumayaw.

isa sa hindi ko makakalimutan na step noon ay yung may 'breathe in, breathe out'. hindi ko kasi makuha yun ng tama. meron kasi iyong pitik na hindi ko makuha-kuha. matigas kasi ang katawan ko. 

pero nalibang naman ako at worth it ang expereince. ang mga practice namin nun ay nagsisilbing breather mula sa sandamakmak na school work. ang mga practice namin ay ang aming pagtakas mula sa kamunduhan.

baka nga, higit pa sa kailangan kong magpahinga, ay kailangan kong huminga. 

subukan ko kaya muling maging dancer?