takot ako sa dugo.
pag may dugo kasi, ibig sabihin masakit. pag may dugo, ibig sabihin may nangyaring hindi maganda.
hindi ko makakalimutan ang maraming beses na dumugo yung tuhod ko dahil sa pagkadapa. madaming beses ko na din namang nakwento na lampa ako at hindi na bago kung may sugat ako kung saan man.
pinaka-naalala ko ay yung noong nadulas ako sa may may gym noong grade 1 ako. naghahabulan kami noon. saktong may inaayos sa gym kaya tuloy ang dami-daming buhangin at graba sa paligid. doon ako nadulas, sa may mga graba. pagtayo ko noon, hindi ko mapigilan ang luha, liban sa masakit ang pagkadulas ko, ang dami ding tumutulong dugo mula sa aking tuhod.
ang haba ng sugat ko noon. mula tuhod hanggang bago mag-paa sa isang binti. sa isa naman ay mas maikli naman ng halos isang dangkal. kadiri yung sugat na yun. naghalo ang kulay ng dugo pati ng graba. pero mas kadiri siya nung nilinis, kulay betadine at may bandaid sa kung saan saan.
naririndi ako kapag naalala ko yun. naaalala ko ang sugat, pero mas naaalala ko ang sakit, hapdi at yung dugo nung nadapa ako.
hindi ko makakalimutan yung dugo.
mahigit 12 years na din yun. hindi din naman yun yung huling beses na nasugatan ako. hanggang sa pagdadalaga ko ay patuloy ang pagtisod, pagkadapa at syempre ang pagiipon ng madaming sugat, pasa at peklat sa binti, hita at kung saan pa. nandun pa din ang pag-iyak at pagluha dahil sa sakit at hapdi ng bawat sugat.
pero hindi ko inaasahan na minsan, pwede palang masaktan kahit walang dugo. at mas masakit pala ang mga sugat na ganun.
takot ako sa dugo. pero hindi lahat ng sugat ay dumurugo.