Wednesday, November 24, 2010

langaw

Halos tatlong linggo na din ako sa bago (katunayan, una) kong trabaho.

Mula sa anim na buwang katamaran (ayon sa popular na kultura, tawag nila dun ay "bum") ay sinabak ko ang sarili ko sa magulo pero maayos na mga lansangan ng Ayala.

Medyo nasanay na din ako sa pagcommute, pagpila sa terminal, paggising nang maaga at kung ano pa. Alas-sais ako kung umalis ng bahay para makapila sa terminal ng mga 6:30. Depende sa dami ng tao sa pila o sa bagal ng trapik, makakarating ako sa opis ng mga 7:45-8:00. 8:30 ang call time sa opis, 8:45 kung may tawad. Minsan nga sinusumpa ko ang sarili ko sa pagpasok nang maaga, bilang puyat at pagod mula kagabi. Pero wala akong magagawa, dahil kung mahuli ako ng kahit trenta minutos lang ay tanghalian na ang maaabutan ko sa opisina. Kaya tinatyaga ko ang pagpila ng 6:30 ng umaga.

Hindi ko maiwasan ang lumibot ang tingin lalo na kapag wala akong maka-usap sa pila. Halos pare-parehas ang suot ng mga taong nakakasabay ko-- naka polo at slacks, parang pupunta ng opisina. Eh sa opisina nga naman ang tuloy ng mga tao. Bibihira lang ang nakikita kong naka-maong at t-shirt. Siguro, kung hindi lang iba-iba ang kulay (kadalasan nagre-range mula sa white, gray, blue, black) na suot ng mga tao, aakalain kong naka-uniform sila. Minsan nga naiisip ko, na parang hindi yata ako bagay sa mga katabi ko. Para akong "fly on the wall" ika nga nila.

Higit pa sa damit, paborito kong tingnan ang mga sapatos, lalo na sa mga babae. Inggetera kasi ako. Wala ni isa sa mga sapatos na sinusuot ko pang opisina ang maikukumpara sa mga suot nila. yung akin kasi ay lumang-luma na at madumi. Yung kanila, mukhang bagong kiwi. Minsan may dumapong langaw sa paa ko. Dahil laki naman ako sa hirap, sanay naman akong nilalangaw. Pero ang hindi ko matanggap ay nung tiningnan ko yung paa ng katabi ko, hindi naman siya nilalangaw. Gayun din yung mga sumunod sa kanya. Ako lang ang nilalangaw sa buong pila!

Mabaho kaya ako? Tinanong ko ang sarili. Bakit bukod tanging ako lang ang nilalangaw? Wala naman ako sigurong natapakang tae noh? Hindi bagay sa get-up ko ang langaw na yun. Paulit-ulit kong pinapadyak ang paa ko sa semento para bugawin yung langaw. Pero balik ito nang balik hanggang sa makasakay na ako ng FX.

Hindi nawala sa isip ko yung langaw. Bumaba ako sa magulo ngunit maayos na babaan ng mga sasakyan sa Ayala na iniisip kung bakit nilalangaw yung paa ko noong umaga. Wala gaanong langaw dito, sabi ko sa sarili ko. Hindi siguro kakayanin ng langaw ang mabuhay sa ganitong lugar, masyadong maayos na nakakasuka at magulo na nakakabaliw. Binubugaw ng kaayusan at kaguluhan ang langaw papalayo, pabalik sa kung saan ito galing.

May tatlong linggo na din akong nagtratrabaho dito sa Ayala. May tatlong linggo na din akong naglalakad na parang hindi nabibilang sa laksa-laksang tila-zombieng naka-polo na nakakasabay pag umaga. May tatlong linggo na din akong di makasabay sa takbo ng buhay ng karamihan--yung magulo ngunit maayos na kilos ng madla. Binubugaw ako ng kaayusan at kaguluhan, pero hindi ako papatalo.

Saturday, September 4, 2010

second trip

wala na 'to.

sabi ko sa sarili ko. mukhang wala na 'to. tatlong linggo na, di pa din sila tumatawag. baka nga kako, di na nila ako tatawagan. ever.

siguro nga ganyan pag job hunting. umaasa, nabibigo. sa isang banda, akala mo okay na. tapos bigla na lang hindi na pala. pero sa huli palagi at palagi pa ding umaasa.

parang pag-ibig.

akala ko talaga wala na. pero hindi ayos pa naman pala.

umalis na yung second trip, pero gaya nung una, di ako nakasakay. siguro mabagal ako, o baka kasi mapili ako. pero gaya ng nasabi na, patuloy pa din akong umaasa.

palagi at palagi akong aasa. kahit pa tingin kong wala na talaga.

Wednesday, August 25, 2010

walang kukurap, walang hihinga

parang pagbunot ng winning entry sa raffle draw. parang announcement ng winner sa beauty pageant. parang paglabas ng huling digit sa lotto.

yung panandaliang katahimikan, walang kumikibo, walang humihinga. lahat naka-pokus sa susunod na magaganap. walang kumukurap kasi baka may malampasan.

tila tumigil ang oras. di mabasag ang katahimikan. ni hangin ayaw na umihip, parang nakikiabang din sa mga mangyayari.

kumbaga sa sine, naka-slow mo ang lahat. pulga-pulgada ang galaw. maski ang pagbukas ng bibig, inaabot ng mahigit isang oras.

parang suspense film lang. walang kumukurap. walang humihinga.

Wednesday, August 11, 2010

case closed

walang misteryo.

yan ang laging sinasabi ng idol kong si conan, yung batang detective na hindi naman talaga bata. anime na nauso noong kabataan ko, at may re-runs ngayon sa channel 7.

walang misteryo, meron lamang iisang katotohanan. bilang detective, ito ang trabaho ni conan, ang hanapin ang katotohanan sa likod ng bawat misteryo.

idol ko si conan, pati si sherlock holmes. lalong lalo na si sherlock holmes.

umabot ako dun sa punto na ginagaya ko ang kanyang deductions. na lahat ng bagay ina-acheive kong tingnan in a detective point of view. yung wala nang kelangan sabihin pa, alam ko na kasi right away based on my deductions. or so i think.

alam ko kung nasaan ka at kung saan ka most likely tatambay base lamang sa brief recollection ko ng schedule mo at alaala ng personality mo. kaya kong sabihin kung saan ka nanggaling depende sa amoy ng t-shirt mo. alam ko kung kelan ka naka-mobile kapag ka-chat ako base lamang sa letters na gamit mo.

akala ko, kaya kitang tantyahin sa lahat ng oras. pero may hangganan ang deductive powers ko.

gaya ng kung minsang kamuntik pumalpak sina conan at holmes. yung mga pagkakataon na napangungunahan sila ng kalaban, o kaya naman naman ng pagkakataon. pero dahil fiction sila, madalas happy ang ending. nagagawan nila ng paraan ang kapalpakan gamit lamang ang liksi at talino nila.

napangunahan ako ng init ng ulo. napangimbabawan ako ng inis. hindi ko na nagawang intindihin ka gaya ng nagagawa ko dati. hindi kita natantya. hindi ko nagawa ang "sherlock holmes-style".

nanghihinayang ako sa pagkakataon. sayang huli na. tapos na ang kaso, pero hindi ko na nakita ang katotohanan sa likod ng misteryo.

at gaya ng mga pagkakataong hindi nalulutas ang kaso, baon ito nina conan at holmes sa kanilang mga konsensya. ako naman, baon ko ang panghihinayang. sana lang, sana lang talaga.

Tuesday, July 27, 2010

first trip

Kung di ko bibilisan, maiiwan ako.

Lahat sila, all-set na. Nakasakay sa mga career na apat na taon nilang pinag-aralan. Marami sa kanila, nakatanggap na ng unang pay-roll, o kaya nama’y naghihintay na lang ng a-trenta.

Patapos na ang first trip papuntang corporate world. At hanggang ngayon, di pa din ako nakakasakay. Magkabilaan na ang mga status message ng mga ka-batch ko tungkol sa job-interview, payroll, OT at kung ano pa na related sa trabaho—na wala ako.

Lagi na lang akong naiiwan o napag-iiwanan, gaya ngayon. Noong nasa grade school pa ako, lagi akong naiiwan ng first trip ng serbis kasi lagi akong huli kung lumabas ng klasrum. Mabagal kasi ako kumopya ng lecture kaya huli na din ako kung makalabas.

Nakakapikon nga eh. Hindi ko naman kasalanan na madaming magpa-notes si ma’am ah. Nagkataon lang na mas mabilis magsulat yung mga kaklase ko at hindi kasi sila nagdadaldal pag kumokopya. Oh well. Milya-milya kasi kung magpa-notes yung mgs titser ko nung grade school, mga sampung blackboard ang haba, kaya hindi ako matatapos-tapos. Dagdag pa doon, lagi pang pinupulikat yung mga daliri ko sa haba ng mga lecture. Kaya ako huli.

Pero hanggang ngayon ba ako pa din ang huli?

Mukhang ewan yung nagsabi sakin na “kapag UP grad ka, the companies will come to you”. I-come-to-you mo mukha mo. Eh bakit wala pa ding sumasagot sa mga email ko? O, bakit walang tumatanggap sa akin matapos ang mga interbyu? Bakit wala pa din akong trabaho?

Minsan, matapos akong magpasa ng resume sa isang kompanya, sabi ni sir, “sayang naman kung mag pro-production assistant ka lang, UP grad ka pa naman” dagdag pa niya “wag ka mag-alala, in-demand naman ang mga graphic artists ngayon”.

Akala ko ba in-demand ang mga graphic artist [kaya nga ko nag-fine arts eh]? Ano ba ang ibig sabihin ng in-demand? Madaming trabaho ang naghahanap ng artist? O madaming artist ang naghahanap ng trabaho?

Madami ngang openings sa jobstreet at jobsDB. Pero mas madami yata kaming nag-aagawan para sa mga opening na yun. Yung status nga nung isang application ko sa jobstreet eh 512 applicants, 46 considered, 1 vacancy. Parang CRS lang. Pero buti pa ang CRS, kung hindi makuha sa 2nd at 3rd batch processing, may pre-rog pa naman.

Kaso walang ganun matapos ang college. Kung may pre-rog man sa corporate world, hindi laging happy ang ending. Kakaunti lang ang slot, ang dami-daming hopefuls, literal na hopefuls.

Ngayon naalala ko na kung bakit hindi ako nakakasabay sa first trip noong nasa grade school ako. Higit pa sa mabagal kasi ako kumilos, mabilis din kasi mapuno yung serbis. Nag-uunahan kaming maka-uwi para makanood ng Ghost Fighter o Akazukin Chacha o Zenki. Kaya pala wala akong gaanong alaala nung mga cartoon na yun, hindi pala kasi ako nagkaroon ng pagkakataon makanood.

Lipas na ang kabataan ko. Masyado nang huli para balikan pa ito.

Ayun. Nagpa-iwan na lang ako.

P.S. Sinong may alam kung sino ang patron saint ng mga un-employed? Pakiusap, pag alam
niyo, pasabihan ako. Salamat.

Wednesday, July 21, 2010

STOP

stop right now / thank you very much / i need somebody with a human touch

lahat ng bagay may katapusan.

kung ang line nga ay may endpoint, ang series ay may finale, ang relationships may break-ups. lahat ng bagay aabot sa puntong kelangan lang talaga matapos.

pero lahat ng katapusan ay siyang simula.

hey you / always on the run / gotta slow it down baby gotta have some fun

Tuesday, July 20, 2010

oops i did it again

i played with your heart / got lost in the game

aaminin ko minsan akong naging fan ni britney. lahat naman siguro ng mga babae nung panahong yun ay pipili laman kina christina aguilera, britney spears o mandy moore.

kaya ayun, sinubaybayan ko yung mga music bidyo niya noon. wala lang. fan nga eh.

paborito ko lalo yung kanta niyang oops i did it again. o yun nga ba yung title nun? palagi at palagi na lang kasing nauulit ang mga bagay, kahit di sadya. di lang talaga maiwasan.

oops you think i'm in love / that i'm sent from above / i'm not that innocent