Halos tatlong linggo na din ako sa bago (katunayan, una) kong trabaho.
Mula sa anim na buwang katamaran (ayon sa popular na kultura, tawag nila dun ay "bum") ay sinabak ko ang sarili ko sa magulo pero maayos na mga lansangan ng Ayala.
Medyo nasanay na din ako sa pagcommute, pagpila sa terminal, paggising nang maaga at kung ano pa. Alas-sais ako kung umalis ng bahay para makapila sa terminal ng mga 6:30. Depende sa dami ng tao sa pila o sa bagal ng trapik, makakarating ako sa opis ng mga 7:45-8:00. 8:30 ang call time sa opis, 8:45 kung may tawad. Minsan nga sinusumpa ko ang sarili ko sa pagpasok nang maaga, bilang puyat at pagod mula kagabi. Pero wala akong magagawa, dahil kung mahuli ako ng kahit trenta minutos lang ay tanghalian na ang maaabutan ko sa opisina. Kaya tinatyaga ko ang pagpila ng 6:30 ng umaga.
Hindi ko maiwasan ang lumibot ang tingin lalo na kapag wala akong maka-usap sa pila. Halos pare-parehas ang suot ng mga taong nakakasabay ko-- naka polo at slacks, parang pupunta ng opisina. Eh sa opisina nga naman ang tuloy ng mga tao. Bibihira lang ang nakikita kong naka-maong at t-shirt. Siguro, kung hindi lang iba-iba ang kulay (kadalasan nagre-range mula sa white, gray, blue, black) na suot ng mga tao, aakalain kong naka-uniform sila. Minsan nga naiisip ko, na parang hindi yata ako bagay sa mga katabi ko. Para akong "fly on the wall" ika nga nila.
Higit pa sa damit, paborito kong tingnan ang mga sapatos, lalo na sa mga babae. Inggetera kasi ako. Wala ni isa sa mga sapatos na sinusuot ko pang opisina ang maikukumpara sa mga suot nila. yung akin kasi ay lumang-luma na at madumi. Yung kanila, mukhang bagong kiwi. Minsan may dumapong langaw sa paa ko. Dahil laki naman ako sa hirap, sanay naman akong nilalangaw. Pero ang hindi ko matanggap ay nung tiningnan ko yung paa ng katabi ko, hindi naman siya nilalangaw. Gayun din yung mga sumunod sa kanya. Ako lang ang nilalangaw sa buong pila!
Mabaho kaya ako? Tinanong ko ang sarili. Bakit bukod tanging ako lang ang nilalangaw? Wala naman ako sigurong natapakang tae noh? Hindi bagay sa get-up ko ang langaw na yun. Paulit-ulit kong pinapadyak ang paa ko sa semento para bugawin yung langaw. Pero balik ito nang balik hanggang sa makasakay na ako ng FX.
Hindi nawala sa isip ko yung langaw. Bumaba ako sa magulo ngunit maayos na babaan ng mga sasakyan sa Ayala na iniisip kung bakit nilalangaw yung paa ko noong umaga. Wala gaanong langaw dito, sabi ko sa sarili ko. Hindi siguro kakayanin ng langaw ang mabuhay sa ganitong lugar, masyadong maayos na nakakasuka at magulo na nakakabaliw. Binubugaw ng kaayusan at kaguluhan ang langaw papalayo, pabalik sa kung saan ito galing.
May tatlong linggo na din akong nagtratrabaho dito sa Ayala. May tatlong linggo na din akong naglalakad na parang hindi nabibilang sa laksa-laksang tila-zombieng naka-polo na nakakasabay pag umaga. May tatlong linggo na din akong di makasabay sa takbo ng buhay ng karamihan--yung magulo ngunit maayos na kilos ng madla. Binubugaw ako ng kaayusan at kaguluhan, pero hindi ako papatalo.
Wednesday, November 24, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)