Monday, May 10, 2010

sori sori sori

wala na ko sa tamang wari. kanina pa ako nakahiga pero hindi pa din ako dinadapuan ng antok. sa gulo kasi ng mundo natin, tulog na lang ang tanging solusyon ko.

1.
isang taon na diba? pero nasaan na tayo?

heto ako, at nandyan ka na sa kung saan ka man ngayon.

madalas, gusto kitang kamustahin. pero natatakot ako baka itulak mo lang ako palayo gaya ng dati. sa totoo lang, iyang pagtulak mo sakin sa bawat sikap kong kausapin ka ang siyang tuluyang nagpalayo ng loob ko sayo.

gusto kong humingi ng tawad, hindi na kita nahintay. akala ko kasi wala na. pero wala na nga ba talaga? hindi na ako aasa ng sagot, wala na rin naman tayong magagawa.

pero higit sa lahat, patawad dahil nasaktan kita. hindi ko naman ginusto iyon at mas masasaktan lang tayo kapag pinagpatuloy pa natin kung anuman ang meron noon. hindi kasi ako ang nararapat para sayo, hindi pa kasi kita kayang mahalin ng buong-buo noon.

isang taon na at malayo na tayo sa isa't-isa.

wala tayong inasahan, kaya wala din tayong napala. tuluyan na lang talaga tayong nalayo sa isa't-isa

2.
lagi na lang ako may atraso sayo. minsan nga naiisip ko na masyado na akong nasasanay sa pagtatampo mo. hobby mo na nga lang ba talaga ang magtampo?

sana hindi. dahil hindi ko kaya ang buong buhay ko na masama ang loob mo sa akin-- sa amin.

patawad, dahil nagkulang kami. wala naman kaming ninais na hindi maganda, pero gayun na nga at kulang lang talaga. pero ano pa ba ang dapat naming gawin para maramdaman mo na seryoso kami sa usaping ito?

gusto ka namin makausap. gusto namin malaman kung saan kami nagkulang. gusto naming, kahit na alam kong hindi ganun kadali yun, magbati na tayo.

hindi kita matiis, at nahihirapan na ako sa sitwasyon natin. oo nga at magkalapit lang tayo, pero malayo naman ang loob natin sa isa't-isa. kelan ba natin maayos ito? lubos na akong nababahala.

mahalaga ka sa amin. sana mahalaga din kami sayo.

3.
siguro, dito ako pinakanaguguluhan. sayo ako pinakanababahala. nasaan ka na nga ba kasi?

magugulat na lang ako na kung saan-saan ka na nakakarating. hindi ko tuloy maiwasan ang mag-alala. ni hindi ka nga nagte-text o nag-iiwan man lang ng mensahe sakin. minsan tuloy naiisip ko, kung namimiss mo din ba ako? o naiisip mo pa ba kaya ako? ano nga ba ako sayo?

baka nga, naglagay lang tayo ng pangalan sa 'pseudo-relationship' natin.

patawad kung, oo aaminin ko na, minsan ay nagdududa ako sayo-- sa atin. minsan, tinanong mo ako kung nagda-doubt ba ako sayo. sabi ko, hindi naman sa ganun. pero hindi ba kapag sinabing, hindi naman sa ganun, ay ganun na nga din?

gusto kong mahalin ka ng buong-buo, pero nararamdaman kong parang ayaw mo. parang tinutulak mo ako palayo kahit wala kang gawin. parang meron pang ibang namamagitan sa atin.

matanong ko lang, nakita mo na ba yung spark na hinahanap mo? baka kako hindi mo nahanap sa akin yun, kaya ganito at parang napipigilan ka sa akin.

hindi ko na tuloy alam ang gagawin. nandito ako sa punto na gusto kang mahalin pero hindi ko lang alam kung saan ka hahanapin. nasaan ka na nga ba kasi? ayaw ko na kasi na sa pagtulog binubuhos ang pagkasabik.